TM 116: Master Sin

20 2 1
                                    


"Oh Nok! Ang aga naman ng tawag mo, umiinom pa lang ako ng gatas..." Sagot ni Eddie kay Nok na tumawag sa kanya...

"Madaling araw pa lang dito at sa totoo lang ay di ako nakatulog kakaisip kung dapat ko bang ipaalam sa'yo 'to." Sagot ni Nok

At sa gulat ay nasamid at naubo si Eddie matapos marinig ang sinabi ni Nok.

"Urgh! Urgh! Ano ba yan, pinapakaba mo kasi ako. Ano bang nangyari?" Tanong ni Eddie

"Nandito ngayon sa FAT si Sin..." Sagot ni Nok

"Oh? Bakit naman hindi siya nagsabi? Siguradong hindi magugustuhan ni Hel yan lalo na't napagkasunduan natin na ipapaalam sa lahat sa tuwing pupunta tayo sa lugar ng isa't isa at kung ano ang dahilan ng pagpunta. Teka, ano bang pakay nya sa pagbisita sa'yo?" Reaksyon ni Eddie

"Ang Ministry sa Silangan... Wala na." Maikli ngunit madiing sagot ni Nok na naging dahilan para hindi agad makapagsalita si Eddie sa labis na gulat sa narinig.

"P-paanong?" Gulat na tanong ni Eddie

"Malalakas na mga diyablo. Sila ang nasa likod ng pagsasara ng mga bansa sa silangan sa daigdig." Paliwanag ni Nok

"Sigurado ka ba dyan?" Paglilinaw ni Eddie

"Si Sin ang pinakamatanda sa ating mga Spirit Masters, at bukod doon kilala natin siya sa pagiging tapat sa lahat ng kanyang sinasabi at ginagawa. Isa pa, wala pa siyang ibang pinagsabihan nito." Sagot ni Nok

Dumiin ang pagkakahawak ni Eddie sa baso hanggang sa mabasag niya iyon...

"Nok... wag mong sabihing..."

"Oo Eddie, balak kong pumunta sa Silangan."

"Kung ganito kalaki na ang problema, dapat ay inaaksyunan na natin ito bilang isang konseho!" Sigaw ni Eddie

"Nagpapahinga lang si Sin ngayon, pero siguradong pag nakabawi siya ng lakas ay hihingin niya ang tulong ko para sagipin ang Silangan."

"Kaya nga mas mabuti ng mag-usap tayo at aksyunan natin ito bilang isang konseho!"

"Kung si Sin mismo na nakaranas nito ay minabuting wag sabihin sa konseho, malamang may malalim siyang dahilan. Hindi malayong iniisip niya na baka mayroong Spirit Master na tumutulong sa mga kaaway."

"S-si Hel na naman ba ang tinutukoy mo?"

"Hindi ko alam basta makinig ka, kung sakaling may mangyaring hindi maganda o hindi na kami makabalik, ikaw na ang bahala sa ministry at sa mga maiiwan ko dito." Pakiusap ni Nok.

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

TM 116: Master Sin

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Habang tulog pa ang lahat ay nagbihis at naghanda sina Lean at Miko para umalis sa FAT ngunit bago makarating sa tarangkahan ay...

"At san kayo pupuntang dalawa?" Tanong ni Master Nok na nakatanaw mula sa balkonahe

Tumigil ang dalawa sa paglalakad, lumingon, at tiningala si Master Nok...

"Maghahanap kami ng impormasyon tungkol sa Union." Sagot ni Lean

"Parang hindi naman natin napag-usapan ang misyon na yan." Reaksyon ni Master Nok

"Pero Master..." Mangangatwiran sana agad si Miko ngunit agad siyang pinigilan ni Lean sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang balikat.

"Master, alam nating malakas ang mga kalaban at ni wala pa tayong alam sa kung ano ang talagang layunin nila. Mas mabuti ng kumilos kesa maunahan nila tayo." Paliwanag ni Lean

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon