TM 129: Paglubog ng Araw

13 2 1
                                    

"Sinusumpa ko, hindi kayo makakalampas sa guhit na ito." Ito ang katagang binigkas ni Borj bago magsimula ang kanilang laban

At ngayon ay labis siyang nagulat nang mapansin niya na dahil sa sunod-sunod na mga suntok ni Miko unti-unti siyang napa-atras hanggang sa nakahakbang na ang isang paa ni Miko sa loob ng guhit na kanina'y sinabi niya na hindi nito malalampasan.

BLAGH! Ito ang naging tunog ng huling suntok ni Miko na tumapos sa kanina'y walang patid niyang sunod-sunod na pagsuntok. Nakasentro pa rin ito sa katawan ni Borj ngunit tila wala man lamang nararamdamang sakit ang taong ito.

Kitang-kita ni Lean ang lahat ng nangyari hanggang sa kasalukuyang paghahabol ni Miko ng hininga dahil sa pagod na nagsisimula ng maramdaman ng kanyang mukha. Sunod ay nasaksihan niya kung papaano umangat ang katawan ng kaibigan habang hawak-hawak ni Borj ang leeg nito.

At sinundan iyon ng malakas na suntok na tumama sa kaliwang bahagi ng mukha ni Miko. Sa sobrang lakas tumilapon siya papunta kay Lean at siya naman ay sinalo nito.

Namaga ang kaliwang pisngi ni Miko at dahil doon ay halos nakapikit na ang kanyang kaliwang mata.

"Ayos lang ako Lean." Bulong ni Miko

Pero isang bagay ang malinaw kay Lean "Kung hindi dahil sa malakas na enerhiya dulot ng kanyang Spirit Burst, malamang namatay na sya sa suntok na 'yun."

Nagsimula namang maglakad si Borj papalapit sa kanilang dalawa...

"Wala na kong oras." Ito ang nasa isip ni Borj bago muling sumabog papalabas ang kanyang ginintuang enerhiya

Agad namang naalarma sina Miko at Lean. Nang sandaling iyon ay nakatulala na lamang sila habang tinitignan ang tunay na kapangyarihan ng taong nasa harapan nila. At nagsalita si Borj...

"May mga sabi-sabi na merong mga taong kayang ibahin ang kulay at kalikasan ng kanilang spiritual na enerhiya nila. Ang kulay gintong enerhiya na 'to, ganito na ito noong unang lumabas sa akin. At sa isang tingin lang, halatang hindi ito pangkaraniwan lamang."

Gumawa si Borj ng ginintuang bola ng enerhiya sa kanyang kanang palad. Itinutok iyon kina Miko, huminga siya ng malalim, at pagkatapos ay inihipan iyon ng napakalakas.

Ang resulta ay ang pag-ulan patungo kina Miko at Lean ng hindi mabilang na pinong-pinong ginintuang enerhiya!

Agad namang ginamit ni Lean ang kanyang Astral Barrier at sa pagbuhos ng kanyang lakas ay lalo pang naging mas matingkad ang liwanag nito!

Pero... unti-unti itong nagkalamat hanggang sa tuluyan ng mabasag ngunit naging sapat iyon para protektahan sila sa ginawang pag-atake ni Borj.

At napaluhod sa pagod si Lean... "'Yun na ang huli ko..."

"Napantayan niya ang lakas ng Gold Dust ko. Napakahusay." Sa isipan ni Borj na muli na namang gumawa ng ginintuang bola sa kanyang palad

At muli ay inihipan iyon patungo sa direksyon nina Miko!

Agad na tumakbo si Miko patungo sa harapan ni Lean at ginamit ang kanyang katawan para saluhin ang Gold Dust ni Borj!

Mistulang pinapaulanan ng bala ang katawan ni Miko na nababalot ng spiritual na enerhiya! At dahil sa enerhiyang iyon ay bahagyang sakit lamang ang kanyang naramdaman at hindi siya nasugatan.

"Pino-protektahan nila ang isa't isa." Ito ang naisip ni Borj habang ang tanging nararamdaman niya sa dalawang taong nasa harapan niya ay...

Paghanga.

"Jay, ganito ang larawan ng Union ng pinapangarap ko." Bulong ni Borj sa sarili

"Miko!" Sigaw naman ni Lean sa pag-aalala sa kaibigan

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon