TM 122: Ang Prinsesa

30 3 0
                                    

One Square Building, Central City, alas-otso ng gabi...

"Halos kalahati nitong unang palapag ang pinasara nila para maging eksklusibo sa mga panauhin ang kaliwang entrada ng gusali. Nagawa pa nilang rentahan ang buong ikalawa at ikatlong palapag para lang sa isang birthday party." Sabi ng isang lalaking nakapormal at nagbabantay malapit sa entrada sa dalawa pa niyang kasama

"Bukod doon, tatlo tayong security agency na kinontrata para lang magbantay at binihisan tayo ng ganitong magagarang damit." Dagdag naman ng isa

"Napaka-pipitsugin naman ata ng mga ahensya niyo kundi nasabi sa inyo na ikalabing-walong kaarawan ng nag-iisang anak at tagapagmana ng pamilya Orca. Malalaking tao ang kinumbida nila kaya natural lang na itodo nila ang seguridad." Sabi ng pangatlo na kalbo at may pinakamalaking katawan

"Ang yabang mo naman para tawaging pipitsugin kami!" Iritadong reaksyon ng unang nagsalita

"Shhh... nasa trabaho tayo." Pag-awat naman ng pangalawa

Ngumiti naman at bahagyang tumawa ang kalbo na may malaking katawan para lalo pang alaskahin ang dalawa sabay sabing... "Hindi talaga kayo nababagay sa mga ganitong lugar." At pagkatapos ay naglakad ito palabas.

"Mayabang." Reaksyon nang dalawang naiwan

Nagikot-ikot sa labas ang lalaking kalbo na may malaking katawan at nang makarating sa isang sulok sa bandang likuran ng gusali na walang ibang tao ay kumuha ito ng sigarilyo mula sa kanyang bulsa at nang kanya itong isubo sa kanyang bibig ay...

BLAAAAGH!

Tunog nang bumagsak niyang katawan sa sahig matapos siyang tagain ng kanang kamay ng isang lalaki mula sa kanyang likuran.

"Matulog ka muna."

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

TM 122: Ang Prinsesa

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Sumentro ang lahat ng ilaw kay Ginoong Manuel nang sandaling tumayo siya sa harapan ng lahat ng kanyang panauhin na noong mga sandaling iyon ay nagkakasiyahang makipag-kwentuhan sa isa't isa habang tumitikim ng iba't ibang espesyal na pagkain at mamahaling alak...

"Maraming salamat sa pagpapaunlak sa aking imbitasyon ngayong gabi. Alam naman ninyong lahat na napaka-espesyal ng gabing ito hindi lamang dahil opisyal ng naging parte ng P.A.N.D.E.M.O. group ang Orca Corporation, at dahil don ay gusto ko rin palang bigyan ng espesyal na pagkilala at pagbati ang isang kaibigan at kasama sa grupo, ang namumuno sa Morell Group of Companies, Ginoong Francis Morell..."

At tumayo ang isang lalaking hindi katangkaran at nasa sikwenta anyos na nakaupo sa bandang harapan. Kumaway ito at ngumiti sa lahat...

"At syempre ang kanyang panganay at tagapag-mana, Marco Morell."

At pagkabanggit noon ay tumayo naman ang lalaking katabi nang naunang tumayo na ipinakilala bilang anak. Mas matangkad ito sa kanyang ama at mas may yabang sa kanyang ngiti.

At nagpatuloy si Manuel sa pagsasalita...

"At ngayon, ang pinakahihintay at dahilan kung bakit naparito tayong lahat... Ang aking nag-iisang anak, Emmaika Starr Orca!"

Pagkasabi noon ay tumutok ang mga ilaw sa mataas at magarang hagdanan na nasa likuran ni Ginoong Manuel. Agad namang naglakad si Marco papalapit sa ibaba ng hagdan para salubungin ang dalagang nagdiriwang ng kanyang ikalabing-walong taong kaarawan

At nagpalakpakan ang lahat...

Ngunit walang bumaba mula sa hagdanan...

At nagsimulang magbulungan ang mga panauhin...

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon