Chapter 64: Kapitan Mochi

16 8 0
                                    



Narating nina Beth at Janine ang Asylum kung saan sinalubong sila ni Master Hel...

"Maligayang pagdating." Pagbati ni Master Hel.

"Nandito kami base sa rekomendasyon ni Master Nok..." Pambungad ni Beth

"Alam ko na ang bagay na 'yan at di naman natin kailangang maging pormal masyado dito, hindi ba Janine?" Sagot ni Master Hel sabay ngiti kay Janine

Hindi naman sumagot si Janine at tinignan lamang si Master Hel sa mga mata at isang bagay agad na naging sigurado kay Janine...

"Malakas nga siya."

Naglakad silang tatlo patungo sa opisina kung saan lumalagi si Master Hel sa tuwing narito siya sa Asylum...

"Maupo muna tayo."

Naupo nga sila at nasa gitna nila ang isang mesa na may nakapatong na maliliit na tasa at tsaa. Sinalinan ni Master Hel ang tatlong tasa at inialok kina Beth ngunit hindi naman nila ininom iyon...

"Ganyan ba talaga ka-seryoso ang mga bata ni Master Nok? Parang hindi naman ganyan ang pagkakakilala ko sa kanya." Sabi ni Master Hel.

"Lilinawin lang namin na nandito si Janine dahil kusang loob niyang pinili ito at hindi dahil hindi siya makontrol at kailangang ilagay dito." Sabi ni Beth.

"Ate..." Pag-awat ni Janine kay Beth.

Ininom ni Master Hel ang kanyang tsaa bago sumagot...

"Sa totoo lang, kahapon ay may dumating din dito na kagaya mo na kusang loob gustong tumahan dito sa Asylum." Nagulat sina Beth sa narinig...

"Pero syempre ayon na rin sa kanyang kagustuhan ay di ko kayo maaaring palapitin sa kanya." Sagot ni Hel

Nakarinig naman sila bigla ng mga tawanan galing sa di kalayuan...

"Mukhang oras na ng paglalaro nila. Taliwas sa akala ng iilan na nakakatakot ang lugar na ito, maraming nakakahanap ng saya at kapanatagan dito. Bakit hindi ka muna dumito ng ilang araw Beth, para na rin makita mo at hindi rin mahirapan si Janine na mag-adjust." Pangungumbida ni Master Hel

Tumingin si Beth sa kalendaryo na nasa dingding sa likuran ni Master Hel...

"Ayos lang naman." Sagot ni Beth

Pero bukod sa sagot na iyon ay isang bagay pa ang nasa isipan ni Beth...

"Ngayon na pala ang araw ng misyon nila. Gabayan kayo ng Diyos."

- - - - -

Kinahapunan, ilang oras bago pumatak ang oras na napag-usapan ng pagtungo sa Metro City, magkasabay na naglalakad sina Karla at Master Nok sa pangunahing corridor ng FAT papunta sa pangunahing entrada...

"Nag-aalangan po ako, bagama't hati ang isip ko ay palagay ko na mainam na isama si Giel ng kahit papano ay madagdagan ang kakayahan ng grupo sa labanan..." Sabi ni Karla

Lingid sa kanilang kaalaman ay naroon si Giel at nakasandal sa isang malaking haligi mula sa distansyang hindi kalayuan ngunit spat para marinig ang kanilang usapan dahil na rin walang ibang tao o bagay na lumilikha ng ingay sa lugar na iyon...

"Napag-usapan na natin ang bagay na 'yan. Ikaw na rin ang nagsabi na mas malamang ay magiging pabigat siya base na rin sa mga naganap noong nakaraang misyon ninyo." Sagot ni Master Nok

"Pero kahit ganoon, maganda naman ang teamwork nila sa tuwing kasama niya sina Miko at Lean." Depensa ni Karla

"Napagdesisyunan na ito. Hindi sasama si Giel. Hindi maaring makompromiso ang misyon, ang kaligtasan ng iba, at pati mismo ang kaligtasan niya dahil lang kulang na kulang pa ang kanyang kakayahan." Matigas na sabi ni Master Nok

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon