TM 110: Amanda

7 2 1
                                    


"Hinahabol nila ako dahil hindi ko ibinigay sa kanila ang huling napagbentahan ng droga." Kwento ni Amanda kay Jay

Magkatabi silang nakaupo sa malamig na semento habang nakasandal sa mataas na pader sa isang malungkot na eskinita...

"Ang sabi mo wala kang tahanan?" Tanong ni Jay

"Napulot lang ako ng mag-asawang parehong walang tirahan at pagala-gala lamang sa kalsada, pero hanggang ngayon iniisip ko baka sila talaga ang magulang ko at nahihiya lang silang aminin dahil natatakot silang masumbatan na bakit ginawa pa ako sa ganung sitwasyon ng buhay nila." Sagot ni Amanda

"Nasan sila ngayon?" Sunod na tinanong ni Jay

Yumuko si Amanda at halatang pinipigilang tumulo ang luha...

"Wala na. Pinagbintangan silang nagnakaw, sinama ng mga pulis, at hindi na sila bumalik, hanggang sa umabot na dito. Teka, ano bang pakialam mo sa buhay ko?" Sagot ni Amanda habang pinapahid ng kamay ang kanyang mata

"Nakikipaglaban din ako sa mundong 'to... isang mahirap na laban, pero kung walang makikipaglaban, mananatili na lang ganito ang mundo, hindi patas para sa mga katulad natin." Sagot naman ni Jay

"Jay..." Bulong ni Amanda

Tinignan ni Jay si Amanda ngunit ang nakaharap sa kanya ay ang kamao nito na may maliit na tattoo ng isang ahas... at iyon ay biglang gumalaw paikot sa kamao ni Amanda.

Pero sa halip na magulat ay ngumiti si Jay...

"Kahanga-hanga."

"H-hindi ka ba nagulat, hindi ka man lang ba natatakot?" Tanong ni Amanda

At mas lalong natawa si Jay...

"Anong nakakatawa?!" Sigaw ni Amanda

At biglang iniharap ni Jay ang dalawa niyang palad kay Amanda.  Mula sa kanan ay lumabas ang liwanag at sa kabila naman ay napakaitim na usok.

Nanlaki ang mata ni Amanda sa nakita!

"Hindi lang ikaw ang kakaiba sa mundong 'to." Sabi ni Jay

"Liwanag at kadiliman..." reaksyon ni Amanda sa nasasaksihan

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

TM 110: Amanda

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Hinawakan ni Amanda ng mahigpit ang puso na nasa kanyang mga palad at sinabing...

"Magtatagumpay ang Union!"

At unti-unti ay nabuo ang isang katawan mula sa pusong nasa kamay ni Amanda...

Isang kulay itim na imahe na mas malaki sa kanya at may pangangatawang tulad ng sa isang maskuladong lalaki.

"Nakokontrol din nya yan?" Tanong na naglalaro sa isipan ni Agape

"Union, Union! Ano ba yang Union na pinagsasabi mo?!" Sigaw ni Miko

Tinignan ni Amanda sa mga mata si Miko at mariing sinabi...

"Ang Union ang magtutuwid ng lahat ng kamaliang nangyayari sa mundong ito! Isang mundong hindi na maglalaban ang liwanag at kadiliman! Isang mundong iisa na ang liwanag at dilim!"

Labis na nagulat silang lahat hindi sa mensaheng sinigaw ni Amanda kundi sa diin at kaseryosohan ng pagkakasabi nya nito.

"May kakaibang ideolohiya siyang pinanghahawakan... ang Union na sinasabi niya, hindi lang sila pangkaraniwang organisasyon." Sa isip ni Lean

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon