Chapter 67: Venoch

14 9 0
                                    



Tahimik ang sitwasyon sa lugar na nilapagan nina Miko at Lean bago iyon binasag ng isang tinig na nanggaling mismo sa kanilang likuran!

"Sisimulan na ba natin ang laro?"

Batid nina Miko at Lean na katabi lamang nila ang nagsalita at naramdaman nila ang masamang intensyon nito laban sa kanila kaya sa halip na agarang lumingon ay nanlaki ang kanilang mga mata at sandali silang nanigas sa gulat!

Agaran silang lumundag palayo sa kanilang nakita ngunit bago pa man lumapag ang kanilang mga paa sa sahig ay nagulat sila dahil agaran din silang nilundag ng kalabang kanilang nakita at ngayon ay nasa harapan na ito ni Miko...

"Ang bilis nya..." Sabay na reaksyong tumakbo sa isipan nina Miko at Lean

Sinuntok ng kalaban si Miko ngunit nagawa naman niyang gamitin ang parehong kamay para salagin ito ngunit ganoon pa man ay tumilapon pa rin siya palayo hanggang sa bumunggo sya sa batong bakod ng isang bahay.

Paglapag na paglapag ng mga paa sa sahig ay agad namang hinarap ni Lean ang direksyon kung nasaan ang kalaban ngunit labis ang naging gulat niya ng hindi niya ito makita...

"Nasaan?..."

Nakaramdam si Lean ng presensya sa kanyang likuran ngunit huli na rin dahil nasipa na siya nito sa parehong direksyon kung nasaan si Miko na noon ay papatayo pa lamang.

Bumangga si Lean kay Miko at pareho na silang bumagsak sa sahig.

Hindi agad sila agarang tumayo ngunit di rin nila inalis ang kanilang mga mata sa nilalang na may kulay asul na balat, piring sa mga mata, at puting buhok na kanilang kaharap ngayon.

"Napakabilis niya..." Sabi ni Miko

"Oo, at sa itsura niya siguradong hindi siya tao. Pero maliwanag na pisikal ang ginawa niyang pag-atake sa atin." Sagot ni Lean

Dahan-dahang tumayo si Miko at sinabi sa kalabang nasa kanilang harapan...

"Kung ganoon isa ka ring devourer?!"

Tumawa ang kanilang kaharap, ang tunog na nililikha ng halakhak nito ay naglalaro mula sa napakatinis at napakababa. Sinagot sila nito...

"Devourer? Itinutulad niyo ako sa mga pipitsuging 'yon?"

"Tsk! Hindi na bale, tatalunin ka na namin dito!"

Bumangon na rin si Lean ngunit bigla silang nagulat dahil narinig nila ang boses ni Mochi...

"Kuya Lean, Kuya Miko, anong nangyayari bakit hindi pa kayo umaalis sa lugar na 'yan? Walang tao sa street na 'yan."

"Ha? Panong?" Tanong ni Miko

"May built-in communication device sa mga kwelyo ng mga jacket na suot niyo at bukod doon ay may tracking device. Anong sitwasyon niyo dyan."

Tanong ni Mochi na nasa kabilang linya

"Mahirap ipaliwanag pero may... ha?"

Hindi natapos ni Miko ang sagot dahil biglang nawala sa paningin niya ang kalabang kanilang kinakaharap...

"Sa taas!" Sigaw ni Lean

Mabilis silang lumundag paabante para maiwasan ang kalabang umaatake galing sa kanilang itaas...

"Nalingat lang sandali si Miko, hindi na niya nakitang lumundag ang kalaban. Masyado siyang mabilis, kung hindi ako nakatingin, maaring nadale niya na kami." Sa isip ni Lean

"Tsk, mamaya na lang Mochi, hindi biro ang isang ito." Sagot ni Miko kay Mochi

- - - - -

Sa loob naman ng black dove, hindi na lamang sumagot pa si Mochi, hinubad niya ang headset na suot at sinabi sa mga kasama....

"Mukhang napalaban agad yung dalawa."

"Pero sabi sa monitor wala namang ibang tao dun sa nilapagan nila." Reaksyon ni Cjay

"Ibig sabihin hindi tao ang kalaban nila." Sagot ni Karla

"Kung ganon, talagang may mga diablong nasa likod ng problemang ito." Reaksyon naman ni Daniel

Si Erryel naman ay nagsimula ng maglakad patungo sa pinto ng kanilang sinasakyan at sinabing...

"Wala na tayong magagawa, kailangan nating tapusin ang misyon na 'to."

- - - - -

"Miko, kailangan nating seryosohin ang isang ito." Sabi ni Lean

"Alam ko 'yon." Sabi ni Miko at nagsimula na siyang bumuo ng Spirit Ball sa kanyang kanang kamay

"Hmmm?" Reaksyon ng kanilang kalaban ng makita ang Spirit Ball

Tumakbo si Lean pasugod sa kanilang kalaban at agad din naman itong sumugod para salubungin siya at doon ay kitang-kita ni Miko ang pagkakaiba sa kanilang bilis.

Nang makita ni Lean na akma na naman siyang susuntukin ng kalaban ay agad niyang inilabas ang kaniyang Astral Shield at nagawa niyang salagin ito.

"Ayos" Sa isip ni Lean

Bahagyang ibinaba ni Lean ang kaniyang katawan upang makakuha ng bwelo at mabilis siyang umangat para mabuhat paangat ang kalaban sa tulong ng kanyang Astral Shield.

Ngunit agad namang isinampa ng kalaban ang kanyang mga paa sa Astral Shield at ginamit iyon para makalundag sa ere...

"Huli ka na." Sa isip ni Lean

Inihagis ni Miko ang Spirit Ball habang nasa ere ang kalaban nang may buong kasiguraduhan na tatamaan ito, at gaya nga noon ay sumabog sa kalaban nila ang bola ng enerhiya.

"Sapul!" Sigaw ni Miko

Pero napawi agad ang ngiti ng tagumpay dahil ng matapos ang pagsabog ay nakita nila na halos hindi man lang nagalusan ang kanilang kalaban at bahagya na itong nababalot ng masamang enerhiya.

"Hindi man lang siya naapektuhan non?" Sa isip ni Miko

Agad bumalik si Lean sa tabi ni Miko at sinabi sa kanya...

"Mukhang di hamak na mas malakas ang isang ito sa mga nakalaban nating devourer. Pero pabor pa rin ito para sa misyon natin."

"Ha?" Tanong ni Miko dahil hindi niya naintindihan ang punto ni Lean

"Atleast, nandito siya at wala sa plaza kung saan pupunta sina Erryel." Sagot ni Lean

Natigil ang kanilang pag-uusap ng makita nilang napuno ng kulay itim at lilang enerhiya ang kaliwang kamay ng kanilang kalaban at itinutok iyon sa kanila. Inihanda nina Miko ang sarili para umiwas dahil inasahan nila na pakakawalan ang enerhiyang iyon papunta sa kanila...

Pero mali...

Dahil mula sa kaliwang kamay ng kanilang kalaban ay lumabas ang isang plawtang may habang dalawang talampakan.

"Isang sandata?" Bulong ni Lean

"Hoy ikaw! Kung hindi ka devourer, ibig sabihin ay isa kang tao?!" Tanong ni Miko sa kanilang kalaban

"ANO?! May tao bang ganyan ang hitsura?" Sigaw ni Lean kay Miko

...

"Hmmm? Nang makita kong nakakagamit kayo ng spiritual na enerhiya pinagpalagay kong marami kayong alam patungkol sa spiritual na mundo, pero mukhang wala." Sagot sa kanila ng kalaban

"Tsk." Sabay na reaksyon nina Miko at Lean

"Ang mga devourer, mga mabababang uri ng diablo na kumakain ng tao upang magkaroon ng katawang pang-lupa. Ngunit para sa mga katulad kong nasa mid at pati na rin ang mga nasa high level, kaya ng aming kapangyarihan na magbigay sa amin ng kaanyuang pisikal upang makapag-ugnay kami sa mundong ito ng walang kahirap-hirap. Iyon ang tinatawag na Manifest."

"Manifest?" Tanong ni Miko

"Hindi na ninyo kailangan pa malaman ang detalye noon, ang tanging kailangan niyo na lang malaman bago kayo mamatay ang ang pangalan ko."

Sa puntong iyon ay sabay na napalunok ng laway sina Miko at Lean sa kaba dahil nararamdaman nila ang malakas na masamang enerhiya na bumabalot sa kanilang kalaban...

"Ako si Venoch, ang propeta!"


[Itutuloy...]

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon