Chapter 71: Ang Naiwan

13 7 0
                                    


"Ang katatagan niyo naman ang subukan natin!" Sabi ni Venoch

Ngunit sa halip na matakot o magulat man lang sa nangyari ay huminga lamang ng malalim si Erryel, pumikit at sinabi kina Cjay at Daniel...

"Pasensya na pero gagamitin ko muna ang enerhiyang naipon natin."

Napangiti sina Cjay at Daniel sa narinig...

"Ayos lang, mukhang wala naman talaga tayong pagpipilian." Sagot ni Cjay

Muling pinagdikit ni Erryel ang kanyang mga kamay at lalong nagliwanag ang barrier na nakapalibot sa kanilang tatlo.

"Tatlong oras, kaya kong panatilihin ang barrier na ito sa loob ng tatlong oras pa. Naniniwala akong makakagawa kayo ng paraan bago matapos ang tatlong oras."

Iyon ang bagay na tumatakbo sa isipan ni Erryel habang iniisip sina Karla, Mochi, Miko at Lean.

- - - - -

Patuloy naman sina Lean at Miko sa pagtakbo ngunit nakasunod pa rin sa kanila ang mga taong nagwawala at gusto silang tapusin.

"Ang tiyaga din talaga nila." Sabi ni Miko

"Ang inaalala ko lang ay baka ikamatay nila ang tuloy-tuloy na pagtakbo. Kung kinokontrol lang sila ay hindi sila titigil ng dahil lang sa pagod." Paliwanag ni Lean

"Tsk, napakahirap pala ng ganitong klaseng kalaban. Pero nga pala Lean..." Sabi ni Miko

"Ano?" Tanong ni Lean sabay tingin kay Miko na nakita niyang nakangiti sa kanya

"Ayos yung ginawa mong technique kanina ah." Pagbati ni Miko kay Lean

"Ah 'yon ba, nasubukan ko lang yun nung kalaban natin ang mga devourers." Sagot ni Lean

"Pero ang astig talaga, kaya mo ring hugutin bigla yang espada kahit nasaan ka?" Tanong ni Miko

"Nadiskubre ko lang din na itong Light Sword ay isang spirit artifact na may koneksyon sa enerhiya ko. Malamang ay dahil sa mga magulang ko. Pero sa palagay ko ay limampung kilometrong layo lamang ang distansya kung saan kaya ko pang hugutin ang espadang ito." Sagot ni Lean

"Anooo!!? Limapung kilometro?! WOW!" Gulat na gulat na reaksyon ni Miko

Seryoso naman ang tingin ni Lean kay Miko at isang bagay din ang tumatakbo sa kanyang isipan...

"Hindi, mas nakakagulat ka... ang enerhiyang ipinakita mo kanina, at kung gaano kadali kang nakakagawa ng bola ng enerhiya ng paulit-ulit na parang walang hanggan ang spiritual na enerhiyang nasa loob mo."

- - - - -

Nagulat naman sina Master Nok at ang Presidente sa biglaang pagkawala ngmga feeds sa mga monitors na pinapanuod nila.

"Anong nangyari!" Sigaw ng Presidente

"Mukhang may lihim na technological researches din na ginagawa ang mga kalaban natin." Sagot naman ni Master Nok

"At ngayon sinasabi mo bang interesado rin ang mga diyablo sa teknolohiya?!" Pasigaw na tanong ng presidente

"Ibig lang sabihin niyan, may mga tao rin tayong kalaban, at kung sino man sila malamang may pera at impluwensya sila." Mahinahon ngunit seryosong sagot ni Master Nok.

- - - - -

Halos tatlumpung minuto na ang makalipas nang magsimulang tumakbo sina Miko at Lean at nagsimula na rin silang makaramdam ng pagod. Napansin din nila na ilan na sa mga humahabol sa kanila ang nagsisimula ng bumagsak sa sahig...

"Kailangan nating magtago." Mungkahi ni Lean

"Kaso lang hindi natin alam kung anong meron sa loob ng mga bahay dito." Komento ni Miko

"Bahala na. Pagliko natin diyan itodo natin ang pagtakbo at maghanap tayo ng matataguang bahay." Sagot ni Lean

At ganoon nga ang ginawa ng dalawa at agaran nilang pinasok ang isang madilim na bahay na mayroong dalawang palapag. Pagpasok sa loob ng pinto ay agad silang sumilip sa bintana upang tignan ang mga taong nasa labas na tila natigil sa pagkilos ng hindi na sila makita.

Nang masigurong hindi alam ng mga tao kung nasaan sila ay nagawa na nilang makahinga ng maluwag at halos sabay sila sa paghingal at pagtawa.

"Haha, nakakapagod pero mukhang nautakan na natin sila pansamantala." Sabi ni Miko

"At swerte rin tayo dahil nakahanap tayo ng bahay na walang tao..." Sabi ni Lean ngunit agad silang natigilan dahil nakaramdam sila ng presensya sa kanilang likuran.

Dahan-dahan silang lumingon at sa isang sulok ng madilim na bahay ay naaninag nila ang isang batang babaeng nakaupo sa sahig. Marahan silang humakbang palapit dito at doon nila napagtanto na nagpipigil ito ng paghikbi sa takot. Agad din nilang nahalata ang mga luhang lumalabas mula sa mga mata nito.

"W-wag kang matakot." Sabi ni Miko sabay abot ng kamay niya sa bata

Hinawakan naman ni Lean sa balikat si Miko upang pigilan ito ngunit agad na nagsalita si Miko...

"Ayos lang. Wala akong nararamdamang masama sa kanya."

Pero hindi inabot ng bata ang kamay ni Miko bagkus ay lalo pa itong nanginig sa takot. Kaya naman lumuhod na lamang sa harapan nito si Miko at kinausap ito...

"Hindi kami masamang tao... n-nasaan ang mga magulang mo?" Tanong ni Miko

Umiling lang ang batang babae sa halip na sumagot.

Nagkatinginan ng panandalian sina Miko at Lean at kahit walang anumang usapan ay nagkaintindihan agad sila. Iyon ay hudyat para tignan kung ano ang meron sa ikalawang palapag ng bahay na iyon.

Marahan at maingat na inakyat ni Lean ang ikalawang palapag sa paraang halos walang tunog na maririnig sa kanyang mga hakbang.

Madilim ang ikalawang palapag at ang tanging pinagmumulan ng liwanag ay ang mga ilaw na galing sa labas na pumapasok ang liwanag sa magkabilaang bintana. Pero sapat na iyon para agad na makita ni Lean ang bangkay ng isang babaeng duguan na walang buhay sa sahig. At dahil sa pag-iling ng batang babae na nasa baba sa tanong ni Miko ay agad na pumasok sa isipan ni Lean na iyon ang ina ng bata na siya naman agad na nakumpirma ng makita niya ang mga larawan na nasa ikalawang palapag. Mga larawan ng batang babae kasama ang babaeng walang buhay na nasa harapan niya ngayon.

Marahan din ang pagbaba ni Lean pabalik sa unang palapag at agad siyang tinignan ni Miko na agad din naman na naunawaan ang ekspresyon sa mukha ng kaibigang galing sa itaas. Umupo si Miko sa tabi ng batang babae, hinawakan iyon sa ulo, at naluluhang sinabi ang mga salitang...

"Pasensya na..."

- - - - -

Papalalim na ang gabi ngunit hindi pa rin makatulog si Luisa, nakapikit lamang siya pero naglalaro ang isipan sa mga posibilidad ng kung anong nangyayari sa Metro City. Bumangon siya sa pagkakahiga ng makaramdam ng uhaw at kanyang kinuha ang tumbler na nasa mesa katabi ng kanyang higaan para lamang mapagtanto na wala iyong lamang tubig.

Tumayo siya at lumabas ng kanyang kwarto para kumuha ng tubig na maiinom. Nadaanan niya ang kwarto ni Amabii at naisipan niyang katukin ito at baka sakaling hindi rin ito makatulog ngunit bago pa niya mailapat ang kamay sa pinto nito ay nagbago ang kanyang isip...

"Baka tulog na siya, maaabala pa siya at mag-aalala katulad ko."

Nagtungo si Luisa sa kusina kung nasaan ang water dispenser. Binuksan ang kanyang tumbler, kumuha ng tubig at uminom.

At habang umiinom siya ay nagulat siya dahil may humahaging na liwanag sa bintana ng kusina at alam niya na nanggagaling ang liwanag na iyon sa hardin. Bahagya lamang ang pala-isipan na tumatakbo sa kanya dahil may ideya na sa kanyang isipan kung ano ang pinagmumulan ng liwanag na iyon ngunit upang makasiguro ay pinuntahan pa rin niya ang hardin at sumilip lamang siya habang nakatago sa isang haligi na madaraanan katapat ng hardin...

"G-giel?"


[Itutuloy...]

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon