TM 139: Life Saga Finale

14 2 2
                                    


"Giel!"

Ito ang paulit-ulit na naririnig ng lalaki habang tuloy-tuloy siyang bumubulusok pababa sa tila walang hanggang bangin...

Ngumiti lamang ang lalaki bago pumikit para tanggapin ang kanyang katapusan...

"Sino bang tinatawag mo?" Nakangiti nitong bulong sa sarili

Damang-dama niya ang patuloy niyang pagbagsak... para sa kanya siguradong ito na ang katapusan at ilang sandali na lamang ay mawawala na ang lahat ng pakiramdam.

Pero umulit lamang ang malakas na sigaw!

"Giel!"

Dahilan para muli siyang dumilat at makita ang sarili na kasalukuyan pa ring nahuhulog sa kawalan...

"Giel!"

at paulit-ulit.... at paulit-ulit.

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

TM 139: Life Saga Finale

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Biglaan siyang nagising pero kasunod noon ay agad niya ding naramdaman ang magkahalong pananakit at panghihina ng katawan.

Madilim ang paligid pero naaninag niya ang batuhang nakikita ng kanyang mga mata pagkamulat nito. Nagsasayaw ang mga anino dahil sa liwanag na sigurado siyang nagmumula sa isang nag-aalab na apoy sa hindi kalayuan.

Pero kahit iyon ay wala siyang lakas para tignan.

At sa pagsasayaw ng mga anino na nakikita ng kanyang mga mata ay tila ba nabubuo ang mukha ng mga taong kilala niya.

At dahan-dahang tumulo namuo ang luha sa kanyang mga mata.

"Edu, Nato, Jovan, Tian, Micca..."

Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata bago pa tumulo ang kanyang luha at hindi niya namalayang nahimbing muli siya sa malalim na pagtulog.

Wala na ang mga panaginip.

Lumipas pa ang magdamag na iyon at nang sumikat ang araw sa labas ng kweba kung nasaan siya ay tuluyang nagising ang kanyang ulirat...

"Gising ka na." Boses ng isang lalaki na pinapalaki ng pagkakulob ng kweba

Marahan niyang ginalaw ang kanyang ulo para makita kung sino ang nagsalita.

Isang lalaking may buhok na hanggang balikat at may bigote at kaunting balbas ang nakita niyang nakaupo at nakatingin sa kanya sa tabi ng sunog na mga panggatong.

"Tatlong araw ka ng tulog dyan. Napulot kita sa tabi ng ilog."

"I-niligtas mo ko..." Bulong niya na sapat pa din para marinig ng lalaki

"Parang ganun na nga?"

"Bakit?"

"Huh? Ano ba ang dapat gawin ng isang tao?"

"Pinabayaan mo na lang sana ako..."

Pinulot ng lalaki ang isang maliit na bato na malapit sa kanya at ibinato sa ulo ng lalaking nakahiga ngayon na kanyang niligtas tatlong araw na ang nakalipas.

"Kung may reklamo ka sana sinabi mo noon para hindi na kita pinulot at dinala dito."

"Iniwan ko sila..."

"Gusto mo na lang mamatay?" Tanong ng lalaki sabay tayo mula sa pagkakaupo

Agad namang napukaw ang atensyon ng lalaking nakahiga dahil sa tanong na iyon at wala siyang naisagot.

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon