NAPABUNTONG-HININGA si Rachel Leigh nang makalabas siya ng Niel’s Bar ng gabing iyon. Hindi niya napigilang igala ang paningin sa buong paligid. Pero hindi niya pa rin nakita ang lalaking iyon.
Dalawang araw na simula nang huli niya itong makita nang ihatid siya nito dito sa Niel’s Bar dahil nga naiwan dito noon ang motor niya. Siguro ay napagod na itong pumunta dito at naisipang hayaan na lang siya. Mabuti na rin ang ganoon para hindi na siya naninibago sa sarili niya.
Pero kailangan niya pa rin itong subaybayan. Sandali niyang ipinikit ang mga mata at inutusan ang sariling tigilan na muna ang pag-iisip ng mga problema at kung anu-ano pa.
Makalipas ang ilang sandali ay tumungo na siya sa kinapaparadahan ng motor niya at pinatakbo iyon. Hindi siya tumuloy sa bahay niya. Gusto niyang magbaka-sakali kung nasa bahay nito sa Parañaque si Sandra. Gusto niya itong makita at makausap.
Laking pasasalamat niya nang makarating doon at si Sandra mismo ang nagbukas ng pinto ng bahay nito. Agad siya nitong niyakap ng mahigpit at pinapasok sa loob.
“Mabuti naman at napabisita ka,” ani Sandra. Pinaupo siya nito sa sofa. “Sandali, ikukuha kita ng maiinom.”
Tatanggi pa sana siya pero tumuloy na ito sa kusina. Pagbalik nito ay may dala na itong dalawang baso ng iced tea.
Umupo ito sa tabi niya at iniabot sa kanya ang isang baso. “Kumusta na?”
“Ayos lang naman,” sagot niya. “Ikaw, kumusta ka na?”
Umiwas ito ng tingin. “Ganoon pa rin,” bumuntong-hininga ito. “Mukhang nagsisimula ka na sa pagsubaybay sa Christopher na iyon, ah?”
Siya naman ang napabuntong-hininga. “Wala naman akong magagawa, Ate Sandra. Kailangan kong sundin si Anthony.”
Tumango-tango ito. “Kumusta siya? Si Christopher?”
Tinitigan niya ang basong hawak. “Ilang araw ko pa lang siyang nakakasama at nakakausap. Hindi ko pa nga lang siya nakikita uli.”
Pagtingin niya kay Sandra ay nakita niyang nakatitig ito sa kanya.
Bahagya siyang ngumiti at nagpatuloy. Hindi niya na napigilan ang sariling i-kuwento dito ang nangyaring mga usapan sa kanila ni Christopher. “Mukha namang mabuti siyang tao,” pagtatapos niya.
Nang muli siyang tumingin kay Sandra ay nakita niya ang ngiti sa mga labi nito. “Alam mo, Rachel Leigh,” sabi nito. “Sa loob ng ilang taong nakasama kita, iyan na ang pinaka-mahabang nai-kuwento mo sa akin.”
Napayuko siya. Hindi niya napansin na naparami na pala ang nasabi niya.
“Mukhang tipo ka ng Christopher na iyon, ah?” narinig niyang dugtong pa nito.
Mabilis siyang nag-angat ng tingin dito at marahas na napailing. “H-Hindi. M-May girlfriend na siya, Ate.”
Kumislap ang mga mata ni Sandra. “Hindi naman porket may nobya na ang isang lalaki ay hindi na siya magiging interesado sa iba.”
Patuloy lang siya sa pag-iling. “Imposible iyon, Ate. Malayo ako sa mga babaeng tipo niya. Imposible iyon.”
Tumawa si Sandra. “Sige na,” pagsuko nito pero hindi pa rin nawawala ang kislap sa mga mata nito. “Ikaw? Hindi mo ba siya type?”
Nanlaki ang mga mata niya. “H-Hindi,” nauutal na sagot niya. “Ba-Bakit mo ba ako tinatanong ng ganyan, Ate Sandra?”
Pakiramdam niya ay sobrang init ng buong katawan niya kaya tinungga niya ang laman ng hawak na baso. Narinig niya ang malakas na pagtawa ni Sandra. Gusto niyang pagalitan ang sarili sa mga inaakto niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...