PAGKATAPOS magpalit ng damit pantulog ay naupo muna si Rachel Leigh sa single bed na nasa kuwarto niya. Inabot niya ang gitara pero agad din iyong ibinalik sa kinalalagyan niyon. Wala na siya sa mood magpatugtog.
Kinuha niya ang cell phone na nasa ibabaw ng kama at binasa ang ilang mensahe doong nanggaling kay Anthony. Puro pangungumusta lang naman ang laman niyon kaya hindi niya na sinagot.
Naisipan niyang tingnan ang mga larawang nasa loob ng cell phone. Ilan lang ang larawang naroroon na mga kuha lang ng gitara niya. Napatigil siya nang makita ang larawan doon ni Christopher – kuha iyon sa larawan ng ibinigay na impormasyon sa kanya ni Anthony. Hindi niya alam kung bakit kinuhanan niya pa iyon at inilagay pa sa cell phone niya. Ano ba talagang mayroon sa lalaking ito at hindi niya magawang pagsawaang tingnan ang larawan nito?
Marahas siyang napabuntong-hininga at ipinatong ang cell phone sa maliit na cabinet malapit sa kama. Tumayo siya para sarhan ang kurtina ng bintana ng kuwarto niya. Awtomatikong napatigil ang mga paa niya pagkarinig sa malakas na pagkulog kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan.
Mabilis siyang nagtatakbo sa sulok at nanginginig na niyakap ang sarili. Tumulo na ang mga luha sa mukha niya. “Huwag!” histerikal na sigaw niya.
Napahawak siya sa ulo. Sobrang sakit ng ulo niya. Umiikot ang buong paligid. Napakadilim at ang tanging naririnig niya lang ay tunog ng malakas na patak ng ulan.
“Hindi! Ayoko na!” hagulhol niya.
Mga yabag. May naririnig siyang mga yabag papalapit. Umuulan. Umuulan. No! No! No!
Rachel Leigh! Huwag ka ng magtago! Mahahanap din kita!
“P-Parang awa niyo na… tama na…” patuloy lang siya sa pag-iyak habang pinapakinggan ang malakas na buhos ng ulan sa labas. Ramdam na ramdam niya ang mga patak niyon kahit na siguradong hindi naman siya nababasa.
Ayaw niya na sa lugar na ito! Gusto niya ng umalis sa kadiliman ng kagubatang ito! Gusto niya ng patigilin ang ulan! Nahihirapan na siya sa paghinga. Pakiramdam niya ay nakakulong siya sa loob ng isang madilim na kahon, wala siyang makita, wala siyang mahawakan. Walang gustong tumulong sa kanya.
Ang ulan! Ang ulan lang ang naririnig niya. At mga yabag. Mga yabag ng lalaking iyon na gustong gumawa sa kanya ng masama. Hindi siya puwedeng gumalaw. Hindi puwedeng malaman nito kung nasaan siya!
“Ayoko na!” Tama na… Tama na… Ayaw niya na ng ulan. Ayaw niya ng maramdaman ang takot na ito.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Wala ring nangyari dahil pawang kadiliman lang ang bumabalot sa kanya. Pero unti-unti ay nawawala ang nararamdaman niya. Nawawala na ang lahat hanggang sa hindi niya namamalayang tuluyan na siyang nakatulog habang nakabaluktot mag-isa sa malamig na sahig ng silid niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomansaThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...