Chapter 18.3

2.8K 53 1
                                    

NAPATIGIL sa paghakbang si Rachel Leigh nang madatnan si Christopher na inaawat ng Mama nito sa living area. Galit na galit ito habang patuloy sa pagmumura sa isang lalaking naroroon. Natuon ang atensiyon niya sa bisita. Sa tingin niya ay nasa late-fifties na nito ang lalaki, pero hindi pa rin nawawala ang angkin nitong kaguwapuhan.
Kumunot ang noo niya nang mapatitig sa mga mata nito. The man had deep dark brown eyes that were filled with sorrow. Ang mga matang iyon ay katulad na katulad ng sa asawa niya.
“Walang hiya ka! Ang kapal ng mukha mong magpakita pa dito!”
Napatingin siya kay Christopher nang marinig ang pagsigaw nito. Umiiyak na ang mama nitong patuloy na pinipigilan si Christopher na makalapit sa lalaki.
Muli niyang ibinalik ang tingin sa lalaking nakayuko. Ito ang ama ni Christopher! Bakit ito naririto?
“Anak, tama na,” pagmamakaawa ng mama ni Christopher.
“Titigil lang ako kung aalis siya sa pamamahay na ito!” muling sigaw ni Christopher.
Naitaklob niya ang isang kamay sa bibig. Gusto niyang umiyak sa nakikitang galit at sakit sa mukha ng asawa. Gusto niya itong lapitan at aluin.
Nag-angat ng ulo ang ama ni Christopher. “Christopher… p-pakinggan mo naman ako. G-Gusto kong magpaliwanag,” inilipat nito ang tingin sa mama ni Christopher. “Angelina… p-patawarin niyo ako… H-Hindi ko—”
“Tumahimik ka na!” malakas na sigaw ni Christopher. “Ano pang ipapaliwanag mo? Na iniwan mo kami dahil sa isang babae? At ngayon bumabalik ka dahil nalaman mo na mas gaganda ang buhay mo dito?” humugot ito ng malalim na hininga. “Umalis ka na bago pa ako magpatawag ng pulis. Umalis ka na!”
Kitang-kita niya ang kalungkutan at pagsisising bumahid sa mukha ng ama ni Christopher bago ito nakayukong tumalikod at nilisan ang lugar na iyon. Pagbalik niya ng tingin sa asawa ay nakita niyang nanginginig pa rin ito sa galit, patuloy naman sa paghagulhol ang ina nito.
Dahan-dahan niyang inihakbang ang mga paa at lumapit sa mga ito. Itinaas niya ang isang kamay para hawakan sa braso si Christopher pero tinabig nito ang kamay niya.
Tumingin ito sa kanya, there was pain and anger in his eyes. “I’m worn out to frazzle, Rachel Leigh, ayoko nang aabala sa akin,” pagkasabi noon ay tumalikod na ito at tinungo ang hagdan.
Parang may humiwa sa puso niya nang mga oras na iyon. Gusto lang naman niya itong damayan, ah? Bakit idadamay siya nito sa galit nito? Hindi niya napigilan ang mapahikbi sa sakit na nararamdaman.
Naramdaman niya ang paglapit sa kanya ni Mama Angelina. “P-Pasensiya ka na, hija,” mahinang sabi nito habang patuloy pa rin sa paghikbi. “Galit na galit lang talaga si Christopher. S-Sana maayos niya ang pag-iisip niya at… at mapagbigyan niya si Boyet.”
Napatingin siya dito. Hindi maitatago na gustong-gustong makausap ng ginang ang asawa nito. Hindi lang nito magawa dahil nga kay Christopher.
“Mahal na mahal niyo pa rin siya sa kabila ng panloloko niya?” hindi niya napigilang itanong dito.
Sumibol na naman ang mga luha sa mga mata nito at marahang tumango. “Mahal na mahal ko pa rin siya,” pag-amin nito. “Wala akong ibang minahal ng ganito kundi si Boyet. Kahit ano pa ang ginawa niya ay nais ko pa rin siyang muling makasama,” napaiyak na naman ito. “Napakatagal ko nang hinihiling na muli siyang makita. Ngayon, bumalik na siya. Magpapaliwanag siya.”
Dahan-dahan niyang hinagod ang likod nito. Naaawa na siya dito.
“Alam ko,” pagpapatuloy ng ginang. “Alam ko may dahilan siya sa lahat. Hindi siya babalik kung kinalimutan niya na talaga kami. Nakikita ko sa mga mata niya na nagsisisi siya. Nakikita ko iyon.”
Tumango-tango siya. Maging siya ay nakita niya rin ang pagsisisi sa mukha ng amang iyon ni Christopher. Pero bakit nga ba nito iniwan ang pamilya nito? At bakit ngayon lang ito bumalik?
“Gusto ko siyang makausap, Rachel Leigh,” sabi pa ni Mama Angelina. “Gusto ko siyang habulin kanina. P-Pero… pero natatakot ako na baka kung anong magawa ni Christopher sa kanya.”
Tinitigan niya ito. Wala siyang alam na sasabihin o gagawin. Sobra-sobrang naguguluhan din siya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon