“ANONG ibig sabihin ng ginawa mo, Rachel Leigh?!” pasigaw na tanong ni Anthony kay Rachel Leigh na nasa harapan niya na. Nagpunta siya dito matapos niyang maihatid sa ospital si Thaddeus dahil nakatanggap siya ng mensahe mula dito na nais daw siya nitong makausap. Kahit nag-aalangan ay nagpakita pa rin siya dito. “Tama ba ang sinabi ni Drake na iniligtas mo ang Arzadon na iyon? At hinayaan mong makatakas si Elij?”
Napayuko siya. “Tama lang ang ginawa ko, Anthony,” lakas-loob na sagot niya.
“Tama?” hindi makapaniwalang ulit ni Anthony, kita niya ang galit sa mga mata nito. “Anong nangyayari sa’yo?! Alam mo kung gaano kalaki ang naging epekto ng pagta-traydor ng Elij na iyon sa mga plano ko! At posibleng alam na ng Arzadon na iyon ang lahat!”
“Walang alam si Thaddeus sa lahat ng ito, sigurado ako doon,” aniya. Ang totoo ay hindi naman talaga siya sigurado, kailangan niya lang sabihin iyon para maipagtanggol si Thaddeus at si Elij. “Huwag na tayong mandamay ng mga inosenteng tao dito, Anthony. Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa’yo, hindi ka ganito kasama.”
Nakita niya ang pagkatigil ni Anthony sa sinabi niya. Ilang beses itong humugot ng malalim na hininga bago muling nagsalita. “Anong gusto mong gawin ko, Rachel Leigh? Hayaan na lang sila, ganoon ba?” may pinipigil pa ring galit sa tono nito. Parang napakahirap dito na sabihin at gawin ang bagay na iyon.
Tumango siya. “Oo, hayaan mo na lang sila. Unang-una sa lahat, hindi si Elij ang may utang sa’yo kundi ang ama niya. At sa tagal niya ng sumusunod sa’yo, sigurado akong bayad na siya. Pabayaan mo na siya, may sarili siyang buhay. Ganoon din si Thaddeus, dahil lang sa isa siya sa mga breakers na kinamumuhian mo kaya ginagawan mo sila ng masama. Mga inosenteng tao sila, Anthony. Parang awa mo na, pabayaan mo na sila,” patuloy na pagmamakaawa niya. Ganito rin ang ginawa niya noon para pabayaan na nito si Sandra.
Nai-hilamos ni Anthony ang kamay sa mukha, kitang-kita ang paghihirap sa mukha nito. “Anong mangyayari ngayon, Rachel? Unti-unti ng nasisira ang mga plano ko.”
Napayuko siya. Hindi niya alam kung ano ang maaaring sabihin dito. Deep inside her heart, nais niyang masira na nga ang mga plano nito para matigil na ang gulong ito. Para makalaya na rin siya dito.
Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila.
“Pagbibigyan kita, Rachel,” narinig niyang putol ni Anthony sa katahimikang iyon.
Gulat siyang napaangat ng tingin dito. Hindi magawang paniwalaan ang sinabi nito.
“Pagbibigyan kita,” pagpapatuloy nito. “Katulad ng ginawa kong pagbibigay sa’yo noon patungkol kay Sandra. Pababayaan ko na sina Elij at ang Arzadon na iyon. Pero huwag na huwag mo akong bibiguin, Rachel. Ikaw na lang ang nag-iisang pinagkakatiwalaan ko para magantihan ang Christopher na iyon. Huwag na huwag mong sisirain ang tiwalang iyon,” iyon lang at tinalikuran na siya nito.
Naiwan siya doong nakatulala. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Hindi niya maaaring habulin ito at sabihing gusto niya na ring makalaya dito. Gusto niya nang sabihin na alam niya na ang lahat at wala na siyang balak na tulungan ito. Subalit hindi niya magagawa iyon ngayon, hindi niya magagawang dagdagan ang galit nito dahil siguradong masasaktan siya. At masasaktan din ang mga taong nakapaligid sa kanya. Pinagbigyan lang siya nitong pabayaan na sina Elij, ayaw niyang bawiin nito ang sinabi nito.
Napahikbi na siya. Hirap na hirap na ang kalooban niya. Hindi niya na alam kung ano ang desisyon na kailangan niyang gawin, kung alin ba ang tamang desisyon na dapat niyang sundin. Pagod na pagod na siya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...