HUMAKBANG si Rachel Leigh papasok sa loob ng gusaling iyon kung saan naroroon si Anthony. Agad niya namang nakita ito na hawak si Ciarrah, sa kabilang kamay nito ay may hawak itong isang baril. Iginala niya ang paningin sa paligid. Wala ni isang tauhan nito ang naroroon. Mukhang pinabayaan na ito ng mga tauhan nito noon.
“Rachel Leigh,” narinig niyang bati sa kanya ni Anthony.
Napatingin siya kay Ciarrah at nakita ang takot na nasa mukha nito. Napangiwi pa ito nang bahagya itong hilahin ni Anthony. Alam niyang nasasaktan ito sa pagkakahawak ng lalaki.
Tiningnan niya ng masama si Anthony. “Nandito na ako, Anthony, pakawalan mo na siya,” sabi niya.
Tumawa si Anthony pero binitawan rin naman si Ciarrah. Mabilis na nagtatakbo patungo sa tabi niya ang dalagita.
Puno ng pag-aalalang hinaplos niya ang mukha nito. “Umalis ka na dito, Ciarrah, sige na,” wika niya dito. “Ayokong madamay ka pa.”
Umiling ito, may mga luha na sa mga mata. Ngayon niya lang ito nakitang umiyak. “H-Hindi kita iiwan dito, Ate,” hikbi nito.
“Hindi puwede, kailangan mong umalis, kailangan mong iligtas ang sarili mo. Sige na, huwag kang mag-alala. Makikita mo pa ulit ako,” itinulak niya na ito palayo.
Kahit nag-aalangan pa rin ay wala na naman itong nagawa kundi tumalikod at tumakbo palabas ng lugar na iyon. Nang mapatingin siya kay Anthony ay sinesenyasan na siya nitong lumapit dito.
Hindi siya tuminag sa kinatatayuan. “Ano pa bang kailangan mo sa akin, Anthony? Hindi mo pa ba ititigil ang lahat ng ito? Hindi ka pa ba napapagod?” nagmamakaawa na ang tinig niya.
Tumalim ang mga mata nito. “Hindi, Rachel Leigh. Napakasakit sa akin ang lahat ng ito, alam mo ba iyon? Na makita ang lahat ng bagay na gusto ko na pag-aari ng Christopher na iyon! Hindi ko magawang tanggapin!”
“Wala siyang kasalanan sa lahat ng ito, Anthony!” sigaw niya. “Lahat ng pag-aari niya na gusto mong makuha ay mga bagay na pinaghirapan niya. Ang MicroGet, ang society, ang lahat! Ikaw itong sakim at gustong makuha ang mga bagay na iyon!”
Napasabunot ito sa sariling buhok. “Alam ko! Oo, naiinggit ako sa kanya! Dahil lahat ng nais ko ay nasa kanya na! Wala na akong pakialam sa lahat ng mga sinabi mo, Rachel. Ang hindi ko matanggap ay maging ikaw ay kinuha niya sa akin! Ako ang unang nakakilala sa’yo, ako ang tumulong sa’yo! Sa akin ka dapat! Sa akin!”
Naihilamos niya ang isang kamay sa mukha at napailing. “Hindi… hindi, Anthony. Hindi ako naging sa’yo. Hindi mo ako pag-aari kaya wala kang karapatan na angkinin ako. Mahal ko si Christopher at hindi na magbabago iyon,” nagmamakaawa siyang tumingin dito. “Parang awa mo na, Anthony. Hayaan mo na kami. Magkaka-anak na kami ni Christopher kaya parang awa mo na, pabayaan mo na kami.”
Rumehistro ang matinding pagkagulat sa mukha ni Anthony. “B-Buntis ka?” tila nawala sa pag-iisip na tanong nito. “D-Dinadala mo ang anak ng lalaking iyon?!” pakinig na pakinig sa buong lugar ang boses nito.
Sasagot na sana siya subalit natigilan siya nang biglang may sumingit na isang tinig sa likod niya.
“Oo, magkaka-anak na kami,” wika ng tinig na iyon ni Christopher.
Gulat siyang napatingin sa likod at nakita ito, kasama nito ang kaibigan nitong detective na si Nathan Luther at si Matthew. Hindi niya inaasahan ang pagkakita sa mga ito kaya para siyang na-estatuwa sa kinatatayuan. Paano ng mga ito nalaman kung nasaan siya?
Nasalubong niya ang tingin ni Christopher at nakita ang pagbahid ng pag-aalala sa mga mata nito. Akmang hahakbang ito palapit sa kanya subalit napatigil ito nang marinig ang pakasa ni Anthony ng baril.
Napatingin siya kay Anthony at bumalot ang takot sa puso niya nang itapat nito kay Christopher ang hawak na baril. “Huwag na huwag kang magkakamaling lumapit, Christopher,” pagbabanta nito.
Itinaas niya ang nangangatal na mga kamay para awatin si Anthony. “A-Anthony, p-please… h-huwag si Christopher. Parang awa mo na, Anthony,” napaiyak na siya ng tuluyan.
Hindi tumingin sa kanya si Anthony, parang wala rin itong naririnig. “Matagal na dapat kitang tinapos, Christopher,” pagpapatuloy nito, animo’y nabaliw na ito ng tuluyan. “Hindi ko na sana pinatagal ang lahat para hindi na nawala sa akin si Rachel Leigh! Walang hiya ka!”
Halos gumuho ang buong mundo niya nang marinig ang nakabibinging putok ng baril na hawak ni Anthony. Namanhid ang buo niyang katawan nang makita ang pagtama ng bala niyon sa kaliwang parte ng tiyan ni Christopher.
“Christopher!” malakas na sigaw niya sa pangalan nito. Rumagasa ang luha sa buong mukha niya sa nakitang pagbagsak nito sa sahig, kitang-kita niya rin ang pag-agos ng dugo mula sa tama ng bala nito. Si Matthew ay mabilis na nakalapit dito at itinapat ang kamay sa sugat ng asawa para mapigilan pa ang pagkawala ng dugo nito.
Puno ng galit ang kaloobang tiningnan niya si Anthony. “Walang hiya ka! Walang hiya ka, Anthony!” malakas na mura niya dito. Gusto niya nang himatayin subalit pinipilit niyang maging matatag. Binunot niya ang nakatagong baril sa likod ng pantalon niya at itinapat dito. Ang baril na iyon ay ipinahiram ni Anthony sa kanya noon, matagal niya iyong itinago sa loob ng apartment niya at ngayon niya lang naisipang dalhin para sa paghaharap nilang ito.
Nakita niya ang hindi makapaniwalang mukha ni Anthony na bumaling sa kanya. May dumaang sakit sa mga mata nito. “T-Tinututukan mo na ako ng baril ngayon, Rachel Leigh?” puno ng pait na tanong nito. “Balak mo akong patayin?”
“Oo!” bulyaw niya. “Pagkatapos ng ginawa mo kay Christopher, wala ng ibang tumatakbo sa isipan ko kundi ang patayin ka! Hindi ako magda-dalawang isip na iputok ito, Anthony,” humugot siya ng malalim na hininga para pigilan ang panghihinang nararamdaman. “Patawarin mo ako, Anthony. Patawarin mo ako kung tinalikuran kita. Patawarin mo ako kung minahal ko ang mortal mong kaaway. Hindi ko sinasadya. Nagpapasalamat ako sa’yo sa lahat ng ginawa mo sa akin noon, sa lahat ng mga naitulong mo, sa pagliligtas mo sa akin. Pero, Anthony, hindi mo ba maalala ang pangako mo sa akin noon? Ang dahilan kung bakit ako pumayag na sumama sa’yo at pagkatiwalaan ka?” kinagat niya ang pang-ibabang labi, animo’y puno na ng tinik ang lalamunan niya.
“Si-Sinabi mong hindi mo ako sasaktan,” pagpapatuloy niya. “Nangako ka noon, Anthony. Pero anong ginagawa mo ngayon. Sobra-sobra mo akong sinasaktan at pinahihirapan. G-Gusto ko lang maging masaya at si Christopher lang ang makakapagbigay sa akin niyon. Mahal na mahal ko siya.”
Hindi kita sasaktan, pangako ‘yan, naalala niyang pangako nito sa kanya noong labing-limang taong gulang pa lang siya. Ang pangakong naging dahilan ng pagtitiwala niya dito noon. Sana naman ay maalala nito iyon.
Nang tingnan niya si Anthony ay nakita niya ang pangangatal ng kamay nitong may hawak na baril. Pagkatapos ay bigla na lang itong bumagsak ng paluhod sa sahig at umiyak ng umiyak. “R-Rachel…” garalgal na tawag nito sa pangalan niya. “Patawarin mo ako… patawarin mo ako…” puno ng pagsisisi ang mukha nito.
Mas lalong lumakas ang pag-iyak niya. Ibinaba niya ang hawak na baril nang makita ang paglapit ni Nathan kay Anthony at pinosasan ito. Siya naman ay tumakbo patungo kina Matthew at Christopher. Wala nang malay ang asawa niya subalit sinabi naman ni Matthew na maaayos rin ito, kailangan lang nilang makapunta kaagad sa ospital.
Hindi na siya nagtanong pa. Palabas na sila ng gusaling iyon nang masulyapan niya muli si Anthony na ipinapasok na ni Nathan sa loob ng sarili nitong sasakyan. Alam niyang nasaktan niya ito pero nagpapasalamat pa rin siya dahil kahit masakit dito ay nagawa nitong sumuko, na nagawa nitong panindigan ang pangako nito sa kanya noon na hindi siya nito sasaktan. Mabuting tao si Anthony, alam niya iyon, masyado lang itong nilamon ng inggit at poot nito.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...
![[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.](https://img.wattpad.com/cover/201581217-64-k446528.jpg)