Chapter 18.4

3K 51 1
                                        

NAPATIGIL si Rachel Leigh sa pagbaba ng hagdan nang marinig ang sigawan na nagaganap sa ibaba sa pagitan ni Christopher at ng Mama nito. Pupunta na sana siya sa performance nila nang hapong iyon.
“Bakit gusto mo pa siyang kausapin, Mama?!” pasigaw na tinig ni Christopher. “Hindi pa ba kayo nadala sa ginawa niya sa atin noon? Gusto niyo na naman bang masaktan?”
“Christopher, anak,” umiiyak na wika ni Mama Angelina. “Pagbigyan lang natin siyang magpaliwanag. Alam kong may dahilan—”
“No,” putol ni Christopher sa ina nito, may awtoridad sa boses. “No, Mama. Wala na siyang dapat ipaliwanag. Sinaktan niya na kayo. Sinaktan niya na tayo,” bahagya pa itong pumiyok. “Hindi niyo ba maalala ang ginawa niya? Iniwan niya tayo dahil mas ginusto niyang sumama sa babae niya. Kapag pinagbigyan ulit natin siya, siguradong uulitin niya ulit ang ginawa niya.”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Labis siyang nasasaktan sa paghihirap na nasa boses ng asawa.
Hindi niya na narinig ang pagtugon ng ina nito pero naririnig pa rin niya ang pag-iyak nito.
“I’m sorry, Ma,” ani Christopher. “Ayoko ng masaktan ka pa niya kaya ko ito ginagawa.”
Mahabang sandali ang lumipas bago niya naisipang bumaba. Wala na siyang nakitang tao sa living area. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating siya sa private gym ng bahay na iyon at nakita doon si Christopher.
Tumayo siya sa gilid ng pinto at palihim na sinilip ito. Galit na galit nitong sinusuntok ang punching bag na naroroon. Halos masira na iyon sa pagsuntok nito. Malungkot siyang napabuntong-hininga. Gusto niyang i-comfort ito. Gusto niyang damayan ito sa paghihirap nito pero hindi niya magawa. Alam niyang mas gusto nitong mapag-isa at alam niyang hindi rin naman siya nito kailangan.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon