NAIINIS na tinadyakan ni Rachel Leigh ang motor na nasa harap dahil ayaw na naman niyong umandar. Pauwi na sana siya nang gabing iyon pagkatapos ng performance niya sa Niel’s Bar. Magko-commute na naman ba siya?
Napalingon siya sa likod nang marinig ang pagtawag sa pangalan niya. Kumunot pa ang noo niya nang makita doon si Thaddeus. Nakangiti itong lumapit sa kanya.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya.
“Kausap ko kanina si Daniel dito. Nakita pa nga kitang nag-perform kanina, hindi mo lang siguro ako napansin,” sumulyap ito sa motor niya. “Sira ba ang motor mo? Gusto mo ihatid na kita?”
Bumuntong-hininga siya at nagpasalamat dito. Hindi na siya tatanggi dahil ayaw niya na rin namang mag-commute.
Masaya naman siya nitong iginiya sa sasakyan nito. Pagkapasok nila doon ay agad na nitong pinatakbo ang sasakyan. “Kumusta na nga pala kayo ni Christopher?” tanong pa nito.
Muling bumalik ang inis sa puso niya pagkarinig sa pangalan ng lalaking iyon. “Nasa London siya,” maikling tugon niya.
“Talaga?” hindi makapaniwalang tanong nito. “Kailan pa?”
“Isang linggo na siya doon.” At hindi man lang siya tumatawag para mangumusta, gusto niya sanang idugtong pero nagpigil lang siya.
“Seems like you’re in a black mood, huh?” narinig pa niyang tanong ni Thaddeus. “Ganyan ka pala kapag nami-miss mo na ang asawa mo,” panunudyo pa nito.
Tiningnan niya ito ng masama pero hindi na pinatulan. Ibinaling niya na lang ang pansin sa labas ng bintana. Ilang sandali lang ay nakita niya ang pagbagsak ng ulan sa labas. Binalot ng matinding takot ang puso niya.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at kinalma ang sarili. Hindi siya maaaring magpakita ng takot dito. Inilihis niya ang isipan sa ulan na nangyayari sa labas. Nalipat iyon kay Christopher – sa mga yakap at halik nito sa kanya tuwing ganito ang panahon. Sa mga salitang ibinubulong nito sa kanya para pakalmahin siya.
Mahabang sandaling pinaulit-ulit niya sa isipan ang mga bagay na iyon. Wala sa sariling napangiti siya sa mga alaalang iyon.
“Nandito na tayo.” Nagulat siya nang marinig ang sinabing iyon ni Thaddeus.
Napamulat siya ng mga mata at nasalubong ang nagtataka nitong mukha. Iniiwas niya ang tingin dito.
“Akala ko nakatulog ka na at nananaginip,” ani pa nito.
Pinamulahan siya ng mukha. Napatingin siya dito nang iabot nito ang itim nitong coat sa kanya.
“Here, para hindi ka mabasa ng ulan,” ngumiti pa ito.
Nagpasalamat siya dito at inilagay sa ulo ang coat.
“Siyanga pala,” pigil nito nang tangkang bubuksan niya na ang pinto ng sasakyan. “Nalaman ko noon kay Christopher na kaibigan mo raw si Stacey.”
Nagulat siya sa hindi inaasahang pagbanggit nito sa pangalan ng kaibigan. Napakatagal na rin simula nang huli silang magkita, hindi niya alam kung alam na ba nito na ikinasal na siya kay Christopher.
“Alam mo bang ikakasal na siya?” dugtong ni Thaddeus.
Lalong nadagdagan ang pagkagulat niya sa idinugtong nito. “I-I-Ikakasal na si Stacey? K-Kanino?”
Lumawak ang pagkakangiti nito. “Sa kaibigan kong si Michael de Angelo. Hindi mo ba napanood ang conference niya noon sa Los Angeles? Doon siya nag-propose kay Stacey. Lahat kami ay nagulat doon,” napailing pa ito. “The wedding will be next week, isang linggo bago mag-Pasko. Imbitado ang lahat. Pumunta ka rin, in behalf of Christopher.”
Ilang sandali siyang natigilan. Makakapunta ba siya doon? Paano kung galit pa rin sa kanya si Stacey? Bumuntong-hininga siya at nagpaalam na lang dito. Pagkalabas ng sasakyan ay tinakbo niya na papasok sa loob ng bahay.
Agad siyang dumiretso sa loob ng kuwarto at nahiga sa kama. Pakinig niya pa rin ang ulan sa labas. Ipinikit niya ang mga mata. Hindi pa rin ba babalik si Christopher para sa kasal ni Stacey o ‘di kaya ay sa Pasko? Hindi ba siya nito sasamahan? Katulad ngayon, hindi na rin siya nito sinasamahan sa ganitong panahon.
Hindi niya na napigilan ang paglandas ng mga luha sa mukha niya. Bakit ba ito umalis? Bakit ba siya nito pinababayaan na ngayon?
Marahas niyang pinunasan ang mga luha. Hindi! Hindi dapat siya masanay sa presensiya nito. Tama lang na lumayo ito sa kanya para hindi na siya tuluyang naguguluhan sa mga nararamdaman niya. Darating ang panahon na matatapos rin ang pagsasama nila.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
DragosteThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...
![[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.](https://img.wattpad.com/cover/201581217-64-k446528.jpg)