Chapter 20.1

3K 55 3
                                    

RUMARAGASA ang kaba sa dibdib ni Rachel Leigh nang makapasok siya sa loob ng library ni Anthony. Mabilis na napatayo ang lalaki mula sa pagkakaupo sa swivel chair nito at nakangiting lumapit sa kanya.
“Rachel Leigh,” masayang bati nito sa kanya. “Come, have a seat. Mabuti naman at naisipan mong dalawin ako dito. Kumusta ka na? Hindi ka ba nahihirapan sa pakikisama sa lalaking iyon? Napakatagal na—”
“Ayos lang ako,” putol niya sa sinasabi nito. Napasulyap siya kay Drake na nakatayo malapit sa desk na naroroon bago muling ibinalik ang tingin kay Anthony. “Puwede ba tayong mag-usap ng tayong dalawa lang?” tanong niya dito.
Agad naman itong tumango at inutusan si Drake na lumabas ng library. Nakita niya pa ang masamang tingin ng Drake na iyon sa kanya bago ito lumabas.
Pagtingin niya kay Anthony ay nakita niyang nakatitig ito sa kanya. Bahagya pa siyang nailang kaya iniiwas niya ang tingin dito. “May gusto sana akong… pag-usapan, Anthony,” wika niya, pilit pinapatatag ang boses.
Nang muli siyang tumingin dito ay nakita niyang nakangiti pa itong tumango. “Ano ‘yon?” tanong nito.
“T-Tungkol kay… kay Christopher.”
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Anthony, napalitan ng galit ang saya sa mga mata nito. Sumandal ito sa kinauupuang sofa. “Anong tungkol sa kanya?” malamig na ang tono nito.
Napayuko siya. Kailangan niyang gawin ito. Kailangan niyang malaman ang lahat. Hindi niya na gustong patuloy na maguluhan. “G-Gusto kong malaman kung bakit ka galit sa kanya,” lakas-loob na pagpapatuloy niya.
Ilang sandali itong nanatiling tahimik. “Bakit, Rachel Leigh?” tanong nito.
Nag-angat siya ng tingin dito, may pagmamakaawa sa mga mata. “Dahil gusto kong malaman ang dahilan ng lahat ng ito, Anthony. Nahihirapan na ako. Gumagawa ako ng mga bagay, nakikisama ako sa isang tao dahil inutos mo pero hindi ko naman alam kung ano ang dahilan.”
Nag-igting ang mga bagang nito, nakikita niya rin ang mahigpit na pagkakakuyom ng mga kamao nito.
“Parang awa mo na, Anthony,” pagmamakaawa niya. “Ni minsan ay hindi ako nagtanong sa’yo noon, ngayon lang dahil nahihirapan na ako.”
Tumingin ito sa kanya, may galit sa mga mata pero agad din iyong nahalinhan ng sakit. Ilang beses itong humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Lumipas ang mahabang sandali. Akala niya ay hindi na ito magsasalita pero nagulat pa siya nang magsimula ito.
“I’ve known Christopher for a very long time,” Anthony started. “Naging kaibigan ko siya nang napakatagal na panahon. Simula pa noong high school kami.”
Nagulat siya sa sinabi nito pero hinayaan niya lang itong magpatuloy.
“Limang taon ang agwat namin, pero magkaklase kami sa high school dahil ilang beses akong umulit ng first year,” dugtong pa nito. “Hindi ko maitatanggi na isa siya sa naging pinakamalapit sa akin, siya ang isa sa tumulong sa akin para makausad ako sa ilang taon ng pag-aaral na iyon. Napakatalino niya, halos lahat ng mga teachers doon ay siya ang paborito samantalang ako ay hindi nila halos tingnan. Subalit wala akong pakialam doon dahil ano ba naman ang bagay na iyon. Simpleng pag-aaral lang iyon, hindi naman agad makikita doon ang magiging kinabukasan ng isang tao.
“Pinahalagahan ko si Christopher na parang isang tunay kong kapatid. Ipinagtatanggol ko siya sa mga ibang ka-eskuwela namin na nang-aapi sa kanya, dahil sanay na naman ako sa gulo at away kaya madali na sa akin iyon. Pero isang bagay ang naging dahilan kung bakit naisipan kong layuan siya,” humugot muna ito ng malalim na hininga bago nagpatuloy, nakatitig lang sa kawalan. “Iyon ay nang malaman ko na ang dahilan ng pagkasira ng pamilya niya ay ang Mama ko.”
“A-Ang mama mo?” hindi makapaniwalang ulit niya.
“Yes,” tumango-tango ito. “Nasa fourth year high school na kami nang malaman ko na ang mama ko ang tinutukoy ni Christopher na kabit ng Papa niya. Hindi ko iyon nagawang sabihin sa kanya dahil ayoko siyang masaktan at dahil pinagbawalan ako ng mama ko. Nagpasalamat na lang ako nang malaman kong aalis si Christopher dahil nakakuha siya ng scholarship sa Harvard’s. Simula noon ay naputol na rin ang komunikasyon naming dalawa.
“Nagbagong-buhay ako, kami ni mama at ng ama ni Christopher, pinilit naming maging isang matinong pamilya. Nagtayo si Tito Boyet ng isang kompanya mula sa pera ng aking ina, lumago naman iyon at ako na nga ang inatasan niyang humawak ng negosyong iyon. Subalit isang araw,” huminto ito, may galit na bumahid sa mukha nito. “Isang araw bigla na lang nawala si Tito Boyet dala ang lahat ng kontrata patungkol sa kompanyang iyon. Iniwan niya kami, iniwan niya si Mama at ninakaw ang kompanyang dapat ay sa akin.”
Kumunot ang noo niya. “A-Ang kompanyang ‘yon… ang kompanyang ‘yon ay ang—” hindi niya magawang ituloy ang sasabihin. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng ito.
“Oo, iyon ang MicroGet,” buong pait na dugtong ni Anthony. “Ang kompanyang ibinigay ng walang-hiyang Boyet na iyon sa anak niyang si Christopher! Ginamit niya ang pera ni mama para lamang sa sarili niyang pamilya! Ginamit niya kami! Hayop siya!” marahas itong napatayo at lumapit sa study table na naroroon. Galit na galit nitong sinuntok ang ibabaw ng mesa. “At ngayon nasaan na ang Boyet na iyon? Nagtatago? Nagtatago siya dahil alam niyang kayang-kaya ko siyang ipatapos minsang masilayan ko pa siya!”
Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na takot para sa ama ni Christopher.
“Akin dapat ang MicroGet!” sigaw ni Anthony, nasa tono nito ang hindi maitatangging poot. “Ako ang unang humawak niyon! Ako lang ang dapat na humawak noon!”
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Bakit mas lalo siyang naguluhan ngayon? Napahawak siya sa ulo. Bakit kailangang maging ganito ka-kumplikado ang lahat?
Ilang saglit lang ay nagpatuloy si Anthony. “At isa pa, akin din dapat ang society na iyon na itinatag ng Samaniego na iyon.”
Napatingin siya dito. Bakit pati ang society ay inaangkin din nito?
“Noong magkaibigan pa kami ay matagal na naming plano ang pagtatayo ng society na iyon, lahat ng ideya patungkol doon ay pinag-usapan naming mabuti,” puno ng pait na dugtong nito. “Pero anong nangyari? Siya lang ang nagtatag ng society na iyon mag-isa. Bakit? Dahil siya lang naman ang nagkaroon ng maayos na buhay at trabaho simula nang mahawakan niya ang MicroGet! Makasarili ang Christopher na iyon, katulad ng ama niya,” pagtatapos nito.
Napatitig siya sa likod nito, nangangatal pa rin ang lalaki sa galit. “Alam niya ba na nabubuhay ka pa?” naisipan niyang itanong. “Ni minsan ba ay nilapitan mo ulit siya?” Hindi siya naniniwalang binuo ni Christopher ang society ng mga ito nang hindi man lang naiisip si Anthony. Magkaibigan ang mga ito, hindi ba?
“Bakit pa ako magpapakita sa kanya? Wala na ring halaga. Ang alam ng lahat ng tao ay patay na si Anthony Luistro, na namatay siya sa isang car accident. Ayokong masira ang lahat ng plano ko, ayokong magkaroon ng pagkakataon si Christopher na malaman kung sino ang nasa likod ng lahat ng nangyayari sa kanya,” humarap ito sa kanya, malamig na ang mga mata. “Simula nang mamatay si Mama, wala na akong ibang nais sa mundong ito kundi ang makuha ang lahat ng dapat ay sa amin. At maipaghiganti ang paghihinagpis niya simula nang iwanan siya ng hayop na Boyet na iyon! Kaya ko ginagawa ang lahat ng ito, Rachel Leigh. Dahil gustong kunin ang lahat ng dapat ay sa akin.”
Iniiwas niya ang tingin dito. Hindi niya gustong makita nito na may parte ng puso niya ang hindi lubos na naniniwala sa lahat ng iyon. Her heart was telling her to look for another side of the story – Christopher’s side. Hindi niya alam kung bakit.
“Sana maintindihan mo ako, Rachel Leigh,” narinig niyang wika pa ni Anthony, may nahimigan siyang pagmamakaawa sa tinig nito. “Nawala na sa akin ang lahat. Kung may nag-iisa na lang na parte ng buhay ko ang pinahahalagahan ko ngayon, ikaw na lang iyon.”
Natigilan siya sa sinabi nito.
“Ikaw na lang ang nag-iisang pinagkakatiwalaan ko sa lahat ng bagay, Rachel Leigh,” dagdag nito. “Ikaw na lang ang nakakaintindi sa akin.”
Hindi niya pa rin magawang tumingin dito. Ano na lang ang mangyayari kapag nalaman nitong minamahal niya ang lalaking kinamumuhian nito? Na pakiramdam niya ay ayaw niya ng sundin ang ipinag-uutos nito?
Mabilis siyang tumayo para maiwasang makita nito ang emosyong nararamdaman niya. Nalaman niya na ang side nito, dapat naman siyang gumawa ng paraan para mapakinggan ang side ni Christopher at para malaman niya na ang buong katotohanan.
“A-Aalis na ako, Anthony,” paalam niya dito. “Maraming salamat.”

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon