NAPATINGIN si Rachel Leigh sa isang lalaking tumabi sa kanya habang naghahanap siya ng bibilhing mga gamit sa isang grocery store hindi kalayuan sa apartment nina Elij.
Ngumiti ang lalaki. Sa tingin niya ay nasa early thirties palang ito. Maamo ang mukha nito at parang hindi madamot na ngumiti. Matangkad din ito at may matipunong pangangatawan. Nakasuot ito ng uniporme ng mga tauhan sa grocery store na iyon.
Iniiwas niya ang tingin dito at ibinalik sa paghahanap ng mga bagay na nasa grocery list na ibinigay sa kanya ni Elij. Siya na ang nag-prisinta na bumili ng mga iyon para naman makalabas siya. Alam niyang iyon din ang gusto nito.
“M-May hinahanap ka ba?” narinig niyang tanong ng lalaki, tila nag-aalangan pa ito.
“Oo, pero kaya ko ng mag-isa,” malamig na tugon niya. Hindi niya gustong makihalubilo sa iba kaya lumakad na siya palayo dito. Nagtaka pa siya nang makita ang pagsunod nito.
“A-Ako nga pala si J-Jason Robles,” pagpapakilala nito. “M-Minsan na kitang nakita dito noon. B-Bago ka lang ba dito?”
Bumuntong-hininga siya. Ganito ba talaga ang mga tao dito? Bigla-bigla na lang nagpapakilala kahit halata ng ayaw niyang makipag-usap sa kahit na kanino? Muli siyang humugot ng malalim ng hininga at nag-desisyong kausapin na rin ito. “Oo, bago lang ako dito,” sagot niya.
Tumango ito at muli na namang ngumiti. “Mukhang may pino-problema ka, ah?” tanong pa nito. “Kung kailangan mo ng kausap, puwede ako. Bago lang din ako dito sa Pangasinan at laking pasasalamat ko na nakakuha na agad ako ng trabaho dito. Gusto ko sanang magkaroon ng mga kaibigan.”
Mukha namang seryoso ito sa mga sinabi nito at mukha rin namang mabuting tao ito kaya tumango siya. Akmang lalakad na ulit siya palayo nang muli itong magsalita.
“Ano nga palang pangalan mo?” tanong nito.
Napatigil siya at muli na namang bumalot ang kalungkutan sa puso niya. “R-Rachel Leigh. Rachel Leigh Villanueva,” pagkasabi niyon ay tumuloy na siya sa counter para bayaran ang mga pinamili.
Nang makabalik siya sa apartment nina Elij ay siya lang ang taong naroroon. Siguro ay bumisita na naman ang mga ito sa bahay ng kamag-anak ng mga ito dito. Ipinatong niya ang mga pinamili sa mesa at inabot ang gitarang nakapatong sa sofa.
Ilang sandali siyang nagpapatugtog nang makarinig siya ng pagkatok mula sa pinto. Tinatamad pa siyang tumayo at binuksan iyon. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makita doon si Ciarrah. Bigla itong lumapit sa kanya at niyakap siya ng buong higpit.
“Ate Rachel!” bati nito sa kanya. Bahagya itong lumayo at tuwang-tuwang nagtatalon. “Nakita rin kita ulit sa wakas. Mabuti na lang pinayagan ako ni Daddy na pumunta dito.”
Tiningnan niya ito. Matagal na rin simula nang huli niya itong makita. Malimit itong tumatawag pero hindi rin naman nagtatagal ang usapan nila.
“Pumasok ka muna,” yaya niya dito.
“A-Ate…” pinigilan nito ang braso niya nang akmang papasok ulit siya sa loob. “M-May kasama nga pala ako.”
Kumunot ang noo niya. “Sino?”
Hindi niya alam kung bakit parang nag-aalangan itong magpatuloy. Iniiwas nito ang tingin sa kanya. “N-Nakita ko lang siya noon sa tapat ng apartment mo sa Santolan, Ate. Hindi ba ipinagkatiwala mo sa akin ang apartment na iyon?” huminto muna ito. “G-Gusto ka niyang makita kaya… kaya isinama ko siya dito.”
Bago pa siya makapagtanong ay muli nang lumabas si Ciarrah at pumalit ang isang taong ni sa panaginip ay hindi niya ninais na makita. Ganoon na lang ang pagdaloy ng galit sa buong pagkatao niya nang makita ang babaeng nagsilang sa kanya subalit hindi siya nagawang pahalagahan.
“Anong ginagawa mo dito?” puno ng galit na tanong niya dito. “Ang kapal naman ng mukha mong magpakita pa sa harapan ko!”
Lumuha na ang ina niyang nasa harapan niya. Hindi niya akalaing makikita niya pa muli ito. Napakalaki na ng itinanda nito pero hindi pa rin nawawala dito ang gandang naging dahilan ng paglapit ng napakaraming lalaki dito noon. O baka hanggang ngayon.
“R-Rachel Leigh…” tawag nito sa kanya sa garalgal na tinig.
Bumagsak na ang kanina pang nagbabantang luha sa mga mata niya. Sobrang tagal ng panahon ang dumaan simula nang huli niyang marinig ang tinig nitong tinatawag ang pangalan niya. Bakit ba ito naririto ngayon? Bakit dinadagdagan pa nito ang sakit na nararamdaman niya?
Humakbang ito palapit sa kanya pero mabilis siyang nakaatras. Itinaas niya ang dalawang kamay para patigilin ito. “Huwag mo akong lapitan,” aniya.
Napayuko ito, punong-puno ng kalungkutan at pagsisisi ang mukha. “P-Patawarin mo ako, Rachel. Patawarin mo ako.”
Marahan siyang umiling. Patawarin? Pagkatapos ng lahat ng ginawa nito sa kanya noon? Nang lahat ng pagpapabaya nito? “Bakit ka nandito? Bakit nagpakita ka pa? Pagtatawanan mo ba ako? Pagtatawanan mo ba ako sa nangyari sa buhay ko ngayon?!” hindi niya napigilang sigaw dito.
Nag-angat ito ng tingin sa kanya. “Anak, hindi ako naririto para pagtawanan ka,” sabi nito. “Hinanap kita, Rachel Leigh. Sobrang tagal kitang hinanap. Simula nang umalis ka noon sa poder ko, sinisi ko na ang sarili ko sa lahat. Patawarin mo ako kung napabayaan kita. Hindi ko alam ang nangyari. Hindi ko alam.”
“Hindi mo alam dahil wala ka doon,” paninisi niya dito. “Sa halip na binabantayan mo ako ay wala ka at naghahanap ng sariling kasiyahan. Pinabayaan mo ako sa demonyong iyon! Sinira mo ang buhay ko!” tuluyan na siyang napahagulhol. Muli na namang nanunumbalik ang lahat ng sakit ng nakaraan niya. Bakit pa ba ito nagpakita dito?
Napatingin siya dito nang bigla itong lumuhod sa harapan niya. “Patawarin mo ako, Rachel Leigh,” pagmamakaawa nito. “Alam ko… alam kong hindi ko na maibabalik ang nakaraan. Hindi ko na mababago ang lahat. Pinagsisisihan ko ang lahat ng nagawa kong kasalanan sa iyo… sa inyo. Mahal na mahal ko kayo pero hindi ko nagawang maipakita. Pinili ko ang sarili kong kasiyahan. Patawarin mo ako.”
Pinunasan niya ang mga luha sa mukha. “Hindi ko alam,” humugot siya ng malalim na hininga. “Sobrang sakit ng ginawa mo sa akin. Hindi mo ipinaramdam sa akin kahit minsan ang pagmamahal na iyan. Naging ganito ako, siguro dahil sa’yo. Parehas lang tayo ng naging kapalaran dahil mag-ina tayo. Bakit kailangang matulad pa ako sa’yo? Bakit kailangang iwanan pa ako ng lalaking minahal ko at maging mag-isang katulad mo?!” napaupo na siya sa sahig at tuluyang napahagulhol.
Naramdaman niya ang paglapit nito sa kanya pero napatigil ulit ito ng tingnan niya ito, puno ng kalamigan ang mga mata niya. “Hindi ko kailangan ng pag-alo mo,” malamig na wika niya. “Hindi kita kailangan. Umalis ka na dahil hindi ko gustong makasama ka.”
Dumaan ang hindi matatawarang sakit sa mga mata ng ina. Ilang sandali itong nakatigil bago ito tumayo at nilisan na ang lugar na iyon. Siya naman ay nagpatuloy lamang sa pag-iyak. Sobra-sobra na ang sakit sa puso niya pero patuloy pa rin itong nadaragdagan sa pagdaan ng mga araw. Ano bang ginawa niya sa mundong ito para pasakitan siya ng ganoon?
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...
![[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.](https://img.wattpad.com/cover/201581217-64-k446528.jpg)