NAGULAT si Rachel Leigh nang mapagbuksan si Anthony ng pinto ng apartment niya kinaumagahan ng sumunod na araw. Hindi niya inaasahan ang pagbisita nito at wala pa naman siya sa mood na makakita ng tao dahil gulong-gulo pa rin ang isipan niya sa ginawang proposal ni Christopher sa kanya kagabi. Kung alam lang nito na buong magdamag siyang hindi nakatulog dahil doon.
“Napadalaw ka,” sabi niya nang makapasok ito sa loob at makaupo sa sofa. Naupo siya sa katapat niyon.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Rachel Leigh,” panimula ni Anthony, seryoso ang mukha nito. “Narinig ko na nag-propose sa iyo ng kasal ang Samaniego na iyon.”
Gulat siyang napatingin dito. Paano nito nalaman?
“Naroon si Drake sa Niel’s Bar nang gabing marinig niya ang proposal na iyon,” sagot nito sa lihim na tanong niya. “Hindi mo siguro siya napansin.”
Hindi pa rin nawawala ang pagkagulat sa mukha niya. Pinasusubaybayan ba siya nito kay Drake? Nakaramdam siya ng inis sa kaisipang iyon.
“Gusto kong malaman, Rachel Leigh,” pagpapatuloy ni Anthony. “Kung ano ang dahilan at sa’yo nag-propose ng kasal ang Samaniego na iyon. Hindi ko alam na malapit ka sa kanya.”
Napayuko siya. “H-Hindi iyon katulad ng iniisip mo, Anthony. N-Nakakausap ko lang siya,” bumuntong-hininga siya. “Maging ako ay nagulat sa ginawa niyang proposal. Sinabi niyang… sinabi niyang kailangan niya daw ng asawa para sa Mama niya na umaasang kasal na siya. At… At wala siyang ibang malapitan kundi ako, d-dahil hiwalay na sila ng dati niyang nobya na kaibigan ko.”
Tumango-tango ito. “Hindi pa rin ako makapaniwalang sa dami ng babae ay sa’yo pa siya humiling ng ganoong bagay,” pinakatitigan siya nito. “Mukhang tipo ka niya, ah?”
Marahas siyang napailing. “Imposible iyon, Anthony. Nag-iingat lang siya. Napansin niya siguro na wala akong pakialam sa mga bagay at pinaka-mabuti ng sa akin siya humiling ng ganoon," pagdadahilan niya.
Muli itong tumango. Ilang sandali itong tahimik at nag-isip. “Marry him, Rachel Leigh,” suhestiyon nito na ikinagulat niya.
Hindi makapaniwalang napatingin siya dito. “A-Anong sinasabi mo? G-Gusto mong p-pakasalan ko siya?!” Tama ba ang naririnig niya?
Muli itong tumingin sa kanya. “Ayoko ring gawin mo ito, Rachel. Pero ito na lang ang nag-iisang paraan para mas lalo tayong mapalapit sa pribado niyang buhay,” humugot ito ng malalim na hininga. “Hindi na ako makapag-hintay na makuha ang mga bagay na pag-aari niya. Matagal ng sinusubaybayan ni Elij ang lawyer ng Samaniego na iyon pero wala pa ring nangyayari, wala pa rin siyang naibibigay na impormasyon sa akin, wala pa rin akong nahahawakang kontrata ng alinman sa mga ari-arian ni Christopher. Hindi ko alam kung kumikilos ba talaga iyang kaibigan mo.”
Muli siyang napayuko. Wala na rin siya gaanong balita kay Elij at sa misyon nito sa abogado ni Christopher na si Thaddeus.
“Once na maikasal kayo, mas magiging malapit ka na sa pribadong buhay niya,” dugtong pa ni Anthony. “Mas magkakaroon ka ng karapatang pasukin ang mga pribadong lugar niya. Mas magiging madali ang lahat dahil mas pagkakatiwalaan ka niya.”
Ibinalik niya ang tingin dito. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga sinasabi nito. Magpapakasal siya kay Christopher para lang mapasok nila ang pribadong buhay nito? Hindi niya alam kung magagawa niya iyon.
“Alam kong mahirap ang inuutos kong ito, Rachel Leigh,” sabi pa nito sa mahinahong tinig. “Pero wala na akong maisip na paraan. Maaari rin naman kayong maghiwalay pagkatapos ng lahat ng ito.”
Napahawak siya sa ulo. Naririnig ba ni Anthony ang mga sinasabi nito? Nag-iisip pa ba ito? O masyado na talaga itong nalunod sa galit nito at sa inaasam nitong paghihiganti?
“P-Paano kung mahuli niya ako?” nag-aalalang tanong niya dito. “Paano kung malaman niya ang intensiyon ko sa pagpasok sa buhay niya? Paano kung malaman niya ang koneksiyon nating dalawa?”
“Hindi mangyayari iyon, Rachel,” sagot nito. “Kahit magsagawa pa siya ng imbestigasyon sa’yo ay hindi niya malalaman na may koneksiyon ka sa akin. Matagal ng hindi nabubuhay sa mundong ito ang pangalan kong Anthony Luistro, alam mo ‘yon.”
Alam niya iyon. Simula ng bumuo ito ng grupo ay ginawan na rin nito ng paraan ang identity nito. Ipinalabas nito sa lahat na patay na si Anthony Luistro at kumuha na rin ito ng bagong pangalan na ginagamit nito sa mga transaksiyon nito sa mga negosyong hindi niya alam kung ano. Hindi rin naman ito naglalalabas ng bahay nito kaya wala ring nakakakita dito, puro utos lang ito sa mga tauhan nito.
Napatitig siya sa kawalan. Magpapakasal siya kay Christopher? Ano na lang ang magiging buhay niya kasama ito?
“Matutulungan mo pa rin ba ako sa bagay na ito, Rachel Leigh?” tanong ni Anthony, may pagmamakaawa siyang nahimigan sa tinig nito.
Mahabang sandali siyang nag-isip. Ano pa bang magagawa niya? Kailangan niyang sundin ito. Wala sa isip na tumango siya.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. Pagtingin niya dito ay nakita niya ang pagyuko nito. “Pasensiya ka na kung inilalagay kita sa mahirap na sitwasyon, Rachel,” paghingi nito ng paumanhin. “Hindi ko rin gusto na mapalapit ka sa lalaking iyon.”
Hindi siya sumagot.
Nag-angat ito ng ulo at tumitig sa kanya. “Kahit kasal na kayo, ipangako mo Rachel, na hindi ka magpapadala sa lahat ng gagawin niya,” may nababanaag na pagmamakaawa sa mga mata nito.
Marahan siyang tumango. Susubukan niya. Susubukan niyang huwag magpadala sa lalaking iyon.
“Maraming maraming salamat, Rachel Leigh,” iyon na ang huling binanggit nito bago tuluyang nagpaalam sa kanya.
Pagkaalis nito ay naiwan lang siya doong nakatulala. She just made a decision, a very complicated decision. Hindi niya alam kung tama iyon o mali. Hindi niya alam kung anong mangyayari sa bandang huli.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomantikThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...