NAGULAT si Rachel Leigh nang makasalubong si Brian sa gate ng bahay ni Anthony isang gabi. Matagal niya rin itong hindi nakikita simula nang pangyayaring gulo sa pagitan ni Anthony at Sandra.
Napatigil ito sa paglalakad nang makita siya. Ngumisi ito at pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya. “Gumaganda ka ngayon, ah?” nakalolokong wika pa nito.
Bumuntong-hininga siya at akmang lalampasan na ito nang muli itong magsalita.
“Alam mo bang hawak ko ngayon si Sandra?” sabi nito.
Gulat siyang napatingin dito. “S-Si Ate Sandra? K-Kumusta na siya?” puno ng pag-aalalang tanong niya.
Muli itong ngumisi. “Isa pa, hawak ko ang isa sa mga breakers na si Matthew Azcarraga. Kilala mo siya, hindi ba?”
Paanong hindi niya ito makikilala? Tulad nga ng sinabi nito ay isa ito sa mga breakers, isa sa mga kaibigan ni Christopher. Isa itong doktor pero hindi niya pa ito nakikita ng personal. Bakit hawak ni Brian ang lalaking iyon? Alam ba ito nina Christopher?
“Ngayong gabi ay mawawala na sa mundo ang lalaking iyon,” pagpapatuloy ni Brian. “Kay Sandra ko ipapatapos ang buhay niya at ipapakita ko kay Anthony na maaari pang bumalik si Sandra sa grupo,” pagkasabi noon ay tumuloy na ito sa pag-alis.
Hindi niya magawang makagalaw ng ilang sandali. Binalot ng takot ang buong puso niya, hindi lang para kay Sandra kundi maging para sa Matthew na iyon.
Nang muli niyang mahakot ang lakas ay mabilis niyang tinungo ang loob ng bahay ni Anthony. Laking pasasalamat niya nang makita ito sa sala at nakaupo sa sofa.
Napatingin ito sa kanya. “Rachel Leigh,” bahagya itong ngumiti.
“N-Nakausap ko si Brian sa labas,” pagsisimula niya. “H-Hawak niya daw si Matthew Azcarraga, inutusan mo ba siyang tapusin ang lalaking iyon?”
Bumuntong-hininga si Anthony. “Ngayon ko lang din nalaman na dinukot niya ang Azcarraga na iyon, pero hindi ko iyon iniutos sa kanya,” tumayo ito. “Pumunta siya dito para humingi ng ilang tauhan, tinanggihan ko siya.”
“B-Bakit?” Hindi niya ipinahalata na nakahinga siya ng maluwag sa kaalamang wala itong kinalaman sa bagay na iyon.
“Sigurado akong papalpak ang lalaking iyon,” sagot nito. “Hindi na nga siya nag-iisip sa pagkilos ng mag-isa para dukutin ang Azcarraga na iyon. Ano pang sinabi niya? Gusto niyang ipakitang maaari pang bumalik si Sandra sa grupo?” napaismid ito. “Nag-traydor na nga ang babaeng iyon, siguradong magta-traydor ulit siya.”
Napayuko siya. Sobra-sobra na ngayon ang pag-aalala niya para kay Sandra. Paano nga kung hindi rin nito sundin si Brian? Posibleng mapahamak ito sa kamay ng lalaking iyon.
“Kung mapatay man ni Brian ang Azcarraga na iyon, pasasalamatan ko siya,” dugtong ni Anthony. “Pero kapag gumawa siya ng kapalpakan, makikita niya kung ano ang kaya kong gawin.”
Pagkatapos noon ay iniwan na siya nito. Napahawak siya sa ulo. Napakarami ng pangyayari na nawawala sa kontrol. Napakaraming tao ang maaaring masaktan.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...