NAG-IINAT pang bumangon si Rachel Leigh at pinilit na umupo sa kama. Sobrang bigat ng katawan niya nang mga oras na iyon at pakiramdam niya ay gusto niya lang mahiga doon sa buong araw. Tumingin siya sa tabi niya at nakitang wala na doon ang asawa. Inayos niya ang magulong buhok at sumulyap sa orasan na nasa bedside table.
Napasinghap siya nang makitang alas-tres na pala ng hapon. Hindi niya alam na napasobra na naman pala ang tulog niya. Ilang linggo na rin siyang ganito. Bumuntong-hininga siya at halos hilahin ang sarili papasok sa loob ng banyo. Mabilis lang siyang naligo at nag-ayos dahil napakabigat talaga ng katawan niya.
Pagkababa niya ay nagulat pa siya nang makita ang sekretarya ng asawa na si Liezl na kausap ng Mama Angelina niya sa living area. Agad siya nitong binati nang makalapit siya sa mga ito.
“Napabisita ka?” tanong niya sa kaibigan.
Ngumiti si Liezl. “Dumaan lang ako para ibigay ‘yong niluto ko para sa birthday ni Matthew. May dala akong pagkain diyan, nasa kusina niyo. Ngayon ka lang ba nagising?”
Tumango siya at humalik kay Mama Angelina.
“Kumain ka na muna sa komedor, hija,” wika ng ginang. “Ako ay magpapahinga na muna ng sandali. Kayo na muna dito ni Liezl,” tumayo na ito at iniwanan na sila.
Niyaya niya si Liezl sa kusina. Gutom na talaga siya kaya kakain na nga muna siya, mabuti naman at may nagdala ng pagkain sa kanila ngayon. “Happy birthday nga pala para kay Matthew,” aniya sa kaibigan.
Malawak itong ngumiti at tinungo ang isang silver tray sa mesa para buksan iyon. “Salamat,” sagot nito. “Nagluto ako ng palabok dahil paborito ito ni Matthew, sana magustuhan mo,” alok nito sa pagkaing nasa loob ng tray.
Lumapit siya dito at natutop ang bibig nang maamoy ang pagkain. Nagmamadali niyang tinakbo ang lababo at nagdududuwal doon. Parang may humahalukay sa sikmura niya. Nagpupunas na siya ng bibig nang makalapit sa kanya si Liezl. “Ano bang amoy iyon, Liz?” naiiling na tanong niya dito.
Hindi niya narinig ang pagsagot nito pero maya-maya ay malakas itong napatawa. Nagtataka siyang napatingin dito.
Puno ng kislap ang mga mata ng kaibigan. “Mukhang kailangan mong dumaan sa ospital, Rachel Leigh,” anito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Ospital?” Ano namang gagawin niya doon?
Tumango si Liezl at malawak na ngumiti. “May hinala akong buntis ka, Rachel. Ganyan din ako noong naglilihi ako.”
Nagulat siya sa sinabi nito. B-Buntis siya? Parang na-engkantong napahawak siya sa sariling tiyan. Magkaka-anak na sila ni Christopher? Isang kakaibang liwanag ang sumibol sa puso niya nang mga oras na iyon. Mabibigyan niya na ng anak si Christopher?
Tiningnan niya si Liezl na masayang nakatitig sa kanya. Alam niyang puno ng pagkasabik at kaligayahan ang mukha niya. “M-Masasamahan mo ba ako sa ospital ng asawa mo ngayon?” tanong niya dito.
Napatawa ito. “Ngayon na agad? Hindi ka ba muna kakain?”
Umiling siya at hinila na ito palabas ng kusina. Kailangan niya na agad ng kumpirmasyon. Kailangan niyang malaman kung may magandang balita nga ba siya maibabalita sa asawa mamaya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...