Chapter 8.2

3.1K 66 1
                                        

NAGULAT si Rachel Leigh nang mapagbuksan niya ng apartment niya si Sandra isang araw. Agad siyang napayakap dito.
“Ate Sandra,” bati niya. “Mabuti naman at bumisita ka dito.” Napatingin siya sa motor nitong nasa labas. Sa pagkakatanda niya ay ipinapagamit lang iyon ni Anthony dito kapag may inuutos dito. “Saan ka galing?” tanong niya nang makapasok sila sa loob.
“Kina Anthony,” tugon nito. “Naroroon pa rin si Brian at kausap siya. May ipinag-uutos siyang kunin ko sa isang kakilala niya.”
“Hindi naman mahirap ang ipinag-uutos niya?” nag-aalalang tanong pa niya.
Bahagya itong ngumiti. “Hindi naman.”
Nakahinga naman siya ng maluwag sa kaalamang iyon. Ayaw niyang makitang nahihirapan ito dahil sa mga utos ni Anthony.
“Pero narinig ko na may inuutusan si Anthony na takutin ang Christopher na iyon,” sabi pa ni Sandra.
Bigla siyang napatingin dito, bumalot ang matinding kaba sa puso niya. “Takutin?” ulit niya. “Sinong inutusan niya?”
Nagkibit-balikat ito. “Isang lalaking hindi ko kilala, binayaran niya lang ‘ata. Narinig kong takutin daw si Christopher kapag lumabas na ito ng MicroGet, siguro sa sasakyan nito. Sinabi ni Anthony ang plate number ng sasakyan ni Christopher sa lalaking iyon. Baka naroroon na siya sa MicroGet ngayon.”
“A-Anong gagawin niya kay Christopher?” wala sa isip na tanong niya.
Bumuntong-hininga ito. “Hindi ko alam. Sobra na rin minsan si Anthony, ano?”
Hindi niya ito nagawang sagutin dahil ang isip niya ay na kay Christopher pa rin. Posibleng masaktan ito. Napatayo siya sa kinauupuan at napatingin kay Sandra na nasa mukha ang pagtataka.
“K-Kailangan kong pumunta sa MicroGet, Ate Sandra,” sabi niya dito.
Nagulat ito sa sinabi niya. Tumayo rin ito. “Bakit? Anong gagawin mo doon?”
Nag-isip siya ng puwedeng i-dahilan. “P-P-Papaano kung pumalpak ang lalaking iyon? P-Paano kung mahuli siya nina Christopher at magsalita siya tungkol kay Anthony? Siguradong… siguradong…” napabuntong-hininga siya. Hindi niya alam kung ano pa ang ida-dahilan. Hindi naman talaga iyon ang pakay niya sa pagpunta sa lugar na iyon. Ang gusto niyang gawin ay masigurong maayos si Christopher.
Nakita niya ang pag-ngiti ni Sandra. “Iyon ba talaga ang dahilan mo?”
Hindi niya nagawang tumingin sa mga mata nito. “O-Oo,” pagsisinungaling pa niya.
Tumango-tango ito. “Ganoon ba? Sige, sasamahan kita.”
“P-Pero—”
“Ayos lang sa akin,” putol nito sa kanya. “Yong motor ko na ang gamitin natin,” nagpatiuna na ito sa paglabas.
Sumunod na lang siya dito. Kailangan niyang magmadali para maabutan ang lalaking inutusan ni Anthony.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon