Chapter 9.4

2.8K 53 1
                                    

KASALUKUYANG nagbabasa ng isang libro si Rachel Leigh ng hapong iyon nang marinig niya ang pagkatok sa pinto. Alas-kuwatro na ng hapon at wala naman silang performance nang araw na iyon kaya inaabala niya na lang ang sarili sa pagbabasa.
Ipinatong niya sa ibabaw ng mesa ang libro at tinungo ang pinto. Nagulat pa siya nang makita kung sino ang naroroon.
“Ate Rachel!” masayang bati sa kanya ni Ciarrah. Ito ay si Ciarrah de Angelo, pinsan ito ng aktor na si Michael de Angelo. Matagal niya na itong kilala at itinuring niya na rin itong malapit na kaibigan kahit na labing-walong taong gulang pa lang ito at nag-aaral pa sa kolehiyo. Nagkakilala sila nang tumugtog sila ng banda niya sa school na pinapasukan nito noon.
Masayahin ito at positibo ang pananaw sa buhay kaya hindi siya nahirapang pakisamahan ito. Kaya lang ay may kadaldalan ito at pagka-prangka. Kabaligtaran ng ugali niya.
“Napabisita ka,” aniya at inanyayahan ito papasok. Ilang linggo niya rin itong hindi nakikita dahil busy daw ito sa school. Kumukuha ito ng kursong engineering.
“Ayoko kasi sa bahay,” dumiretso ito sa sofa at pabagsak na naupo doon. “Nag-away na naman kami ni Daddy.”
Naupo siya sa tabi nito at muling inabot ang binabasang libro. “Bakit na naman?”
Sumimangot ito. “Siya kasi, palagi ng sinasabing naglalakwatsa daw ako.”
“Bakit? Hindi ba?”
Lumabi ito. “Minsan lang naman ako umalis sa bahay, ah. Tuwing papasok sa school at pupunta kina Rafael lang.”
Tumango-tango siya. Ang tinutukoy nito ay si Rafael Choi na sa pagkakatanda niya ay idolong-idolo nito sa lahat ng mga engineers.
Napatingin siya dito nang agawin nito ang hawak na libro.
“Samahan mo ako, Ate,” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Saan naman?”
“May kailangan kasi akong bilhin sa isang mall sa Makati, para sa project namin sa school,” sagot nito.
Bumuntong-hininga siya. Ayaw niya sanang lumabas ngayon pero ano pa bang magagawa niya? Tumango na lang siya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon