“CHRISTOPHER,” agad na niyakap ni Rachel Leigh si Christopher nang makita niya ito sa ospital kung saan doon naka-confine si Thaddeus. Dumiretso siya doon pagkagaling niya kina Anthony dahil nakatanggap siya ng mensahe galing sa asawa na naroroon daw ito.
Tumingala siya sa asawang nasa mukha pa rin ang pag-aalala. “Kumusta na siya?” tanong niya dito.
“Ayos na siya, hindi pa nga lang siya nagigising,” ngumiti ito at hinaplos ang mukha niya. “Saan ka nanggaling?”
Iniiwas niya ang tingin dito at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. “G-Galing ako sa kabanda ko,” pagsisinungaling niya. Hindi niya ito gustong gawin pero ano bang sasabihin niya? Hindi nito puwedeng malaman na may kinalaman siya sa nangyari kay Thaddeus.
Hinigpitan nito ang pagkakayakap sa kanya. Naghiwalay lang sila nang makita ang paglapit ng isa pa nitong kaibigan na si Rafael Choi. Mukhang may pag-uusapan pa ang mga ito kaya minabuti niyang magpaalam na muna sa asawa at sinabing titingnan niya lang si Thaddeus. Pumayag naman ito at sinabing susunod ito sa kanya.
Nang makapasok siya sa loob ay naupo siya sa isang silya na malapit sa kamang kinalalagakan ni Thaddeus. Natutulog pa rin ito. Tinitigan niya ito at palihim na umusal ng tawad. Pati ito ay nadamay na, wala naman itong kasalanan, ito at si Elij.
Napabuntong-hininga siya. Hindi niya alam kung nasaan na si Elij at hindi niya na rin alam kung ano ang nangyari dito matapos ng ginawa nito kanina. Sana naman ay nasa maayos itong kalagayan.
Napatingin siya kay Thaddeus at nakitang gising na ito. “Mabuti naman at nagising ka na,” wika niya.
Napabaling ito sa kanya. “Anong ginagawa mo dito?” mahinang tanong nito sa kanya.
Napayuko siya, nahihiya siya dito. “Pasensiya na talaga, Thaddeus,” bulong niya. Sumulyap siya sa pinto para masigurong hindi pa pumapasok si Christopher.
“Kasama mo si Christopher?” narinig niyang tanong nito.
Bigla siyang napatingin dito, may bumalot na kaba sa buong pagkatao niya.
Inilipat nito ang tingin sa kisame. “Anong ibig sabihin ng lahat ng iyon, Rachel? Bakit nandoon ka? Sino ang mga taong iyon? Anong kailangan nila sa akin?” sunod-sunod na tanong nito.
Inabot niya ang kamay nito at hinawakan iyon. “I’m sorry, Thaddeus, kung nadamay ka dito,” buong pusong paghingi niya ng tawad.
“Nadamay?” ulit nito. “Ibig sabihin, hindi ako ang puntirya ng mga taong iyon? Kung hindi ako, sino? Si Christopher?”
Natigilan siya sa sinabi nito. Hindi niya magawang makapagsalita.
“Alam ba ni Christopher na niloloko mo siya?” dugtong pa nito.
Marahas siyang napailing. “Hi-Hindi ko siya gustong lokohin, Thaddeus,” nagmamakaawa na ang tono niya. Hindi niya gustong isipin ng mga itong ginusto niyang lokohin si Christopher. Nag-desisyon siya ng mali, oo, pero pinagsisisihan niya na iyon.
Tumango-tango lang ito. “Bahala ka, buhay niyo naman iyan,” seryosong sagot nito. Naninibago na siya dito, parang hindi na ito ang makulit na abogadong nakilala niya. Masyado siguro talaga nitong mahal si Elij at masyado rin itong nasaktan. “Nasaan siya? Nasaan si Elij?” malungkot na tanong nito.
Napatingin siya dito. “H-Hindi ko alam,” tugon niya. “Hindi ko pa siya nakikita simula ng pangyayaring iyon. G-Gusto mo ba siyang makita?”
Bumuntong-hininga ito at marahang tumango.
Nagulat siya sa sagot nitong iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit nais pa rin nitong makita si Elij sa kabila ng ginawa ng babae dito. “Bakit?” pagtatanong niya. “Gusto mo pa rin siyang makita kahit niloko ka na niya?”
Tumingin ito sa kanya. “Alam ko. Matagal ko ng alam na may iba siyang pakay sa paglapit sa akin,” malungkot na wika nito.
Hindi niya naitago ang mas matinding pagkagulat sa sinabi nito. Matagal na nitong alam?
“Pero dahil mahal na mahal ko siya kaya hinayaan ko siyang manatili sa tabi ko,” pagpapatuloy ni Thaddeus.
Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kalungkutan sa sinabi nito. Totoong tapat at tunay ang pag-ibig nito para sa kaibigan niya, nababanaag niya iyon sa mga mata nito. Malungkot siyang napabuntong-hininga. “Hahanapin ko siya, Thaddeus. Sasabihin kong gusto mo siyang makita,” aniya.
Pinilit nitong ngumiti at tinapik ang kamay niya. Pagkatapos ay muli na naman itong napapikit at tuluyan nang ginupo ng antok. Ilang sandali niya itong tinitigan bago niya naisipang lumabas na. Gusto niyang maramdaman ang yakap ng asawa, gusto niyang alisin nito ang kalungkutang nasa puso niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...