Chapter 20.2

3.1K 58 5
                                    

GANOON na lang ang pagkagulat ni Rachel Leigh nang makilala kung sino ang nasa labas ng gate ng bahay ni Christopher nang araw na iyon. Ito ay ang ama ng asawa niya! Anong ginagawa nito dito? Mabuti na lang at wala dito si Christopher dahil siguradong magagalit na naman ito.
Nagmamadali siyang lumabas ng gate at hinarap ang ginoo. “A-Ano pong ginagawa niyo dito? Kapag naabutan kayo dito ni Christopher—”
“Hija,” putol nito sa kanya. “Parang awa mo na,” tumingin ito sa bahay. “Gusto ko lang makausap si Angelina, kahit sandali lang,” may bumukal ng luha sa mga mata nito.
Nakaramdam siya ng pagkaawa para sa lalaki. “Wala po siya dito, umalis siya kanina,” tugon niya.
Nalaglag ang balikat ng lalaki. Tuluyan na itong napaiyak sa harapan niya. “Gusto ko silang makausap, hija. Gusto kong humingi ng tawad sa mga nagawa ko. Kahit na hindi na nila ako tanggaping muli, ayos lang. Gusto ko lang na makapagpaliwanag. Mahal na mahal ko sila. Mahal na mahal ko ang pamilya ko.”
Her heart went to this man. Napahikbi na rin siya. “B-Bakit niyo po sila iniwanan?” hindi niya na napigilang magtanong. Hindi ba at ang naging babae nito ay ang ina ni Anthony? Pero hindi ba at ito ang nagbigay ng MicroGet kay Christopher? Napakarami niyang tanong pero hindi niya alam kung paano magsisimula.
Pinunasan nito ang mga luha sa mukha. “Nagkamali ako,” humugot ito ng malalim na hininga. “Nagkamali ako noong magpadala ako sa tukso. Noong iniwanan ko si Angelina at si Christopher para kay Eunice.”
Eunice ang pagkakaalam niyang pangalan ng ina ni Anthony.
“Hindi ko mahal si Eunice,” pagpapatuloy nito. “Pero napilitan na akong pakisamahan siya dahil tinatakot ako ng ama niyang papatayin niya ako at ang pamilya ko kapag hiniwalayan ko ang anak niya. Obsessed na obsessed sa akin si Eunice at lahat ay ginagawa niya para hindi na ako muling magkaroon ng kaugnayan kina Angelina. Gustuhin ko mang bumalik ay hindi ko magawa, natatakot ako na masaktan ang pamilya ko.
“Sa loob ng mahabang panahon ay hinawakan nila ang leeg ko, hindi ako makagalaw ng ayos,” napapikit ito. “Ang tanging nagawa ko lang ay bumuo ng isang kompanya, isang kompanyang pinaghirapan kong masimulan. Isang kompanyang matagal ko ng pinangarap sa pamilya ko. Binuo ko iyon sa pamamagitan ng pag-iipon mula sa maliit na sahod na nakukuha ko bilang isang driver.”
Napatingin siya dito. Bakit sinabi ni Anthony na galing sa pera ng ina nito ang pinambuo ng kompanyang MicroGet?
“Pinaghirapan ko ang lahat ng para sa kompanyang iyon pero… pero nalaman iyon ng ama ni Eunice,” unti-unti na nitong sinasagot ang mga tanong sa isipan niya. “Ang akala nila ay hinuhuthutan ko si Eunice para makabuo ng sariling kompanya. Pero hindi na ako lumaban dahil tinakot niya uli ako,” tumingin ito sa kanya. “Isang kilalang mamamatay-tao ang ama ni Eunice. Kapag hindi ako sumunod sa kanya ay mapapahamak ako at sina Christopher. Kaya hinayaan ko na lang sila, ibinigay ko sa anak ni Eunice ang pamamahala sa kompanyang iyon. Anthony ang pangalan ng anak ni Eunice.”
Nagsitayuan ang mga balahibo niya sa naririnig. Paanong naging ganito ang pagkakabuhol-buhol ng kuwento ng buhay ni Christopher at ni Anthony?
“Pero nakita ko ang pagpapabaya ni Anthony sa kompanyang iyon, hindi niya iyon pinapalago katulad ng mga payo ko. Sa halip ay ginagamit niya ang mga pondo noon para sa sarili niyang layaw, nalaman ko pa na ginagamit niya rin iyon sa droga.”
Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Wala iyon sa bersiyon ni Anthony. Bakit ito naglihim sa kanya? Bakit ipinapamukha nito na wala itong nagawang kasalanan?
“Kaya niyo ibinigay kay Christopher ang MicroGet?” wala sa sariling naiwika niya.
Gulat na napatingin sa kanya ang lalaki. “P-P-Paano mo—” hindi nito magawang ituloy ang sinasabi.
Ikinuwento niya dito ang napag-usapan nila ni Christopher noon tungkol sa isang taong nagpadala dito ng MicroGet at nagdahilan siya na pinagtagni niya lang ang kuwento ng mga ito. “Tama po ba ako?” tanong niya.
Marahan itong tumango. “Oo, palihim kong ibinigay sa kanya ang kontrata ng MicroGet,” pag-amin nito. “Nagawa ko lang iyon nang mamatay na ang ama ni Eunice, noon lang ako nagkaroon ng pagkakataong makatakas sa pagkakahawak nila. Nagtago ako ng mahabang panahon, hindi ako magkalakas ng loob na lapitan sina Christopher noon dahil baka ipinapahanap pa ako nina Anthony at Eunice. Pero nang mabalitaan kong namatay na rin sila ay naririto na ako. Medyo natagalan pa rin dahil napakaduwag ko.”
Napayuko siya. Gusto niyang sabihin dito na buhay pa si Anthony pero hindi maaari.
“Kung hindi ko ginawa ang pagkakamaling iyon, kung hindi ako nagpadala sa tukso, hindi na sana aabot sa ganito ang lahat,” pagtatapos nito.
Mahabang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. Wala siyang alam na salitang mabibigkas ng mga oras na iyon. Sobra-sobra pa rin siyang naguguluhan. Ang tumatakbo lang sa isipan niya ay hindi sinasabi ni Anthony ang totoo sa kanya. Pinapalabas nito na wala itong mali at si Christopher ang umagaw ng lahat ng dapat ay dito pero hindi naman dito.
Napuno ng galit ang puso niya. Nananakit ito ng mga inosenteng tao dahil sa maling pag-iisip nito? Napakamakasarili nito. Pero gustuhin man niyang pagsalitaan ito ay hindi niya magagawa. Natatakot siya dahil alam niyang isang pagkakamali niya ay maaari siya nitong ipatapos. Ganoon ito, dahil minana nito iyon sa lolo nito.
“Sana maiparating mo ito kina Christopher, hija,” muling wika nito. “Sana makuhanan mo ako ng pagkakataon na makausap sila. Gustong-gusto ko nang humingi ng tawad.”
Tinitigan niya ito. He was indeed an old version of Christopher. Marahan siyang tumango. “Gagawin ko po ang lahat para matulungan kayo. Pangako.”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya ang pagsilay ng pag-asa sa mukha nito. “Salamat. Salamat talaga,” itinaas nito ang isang kamay at marahang hinaplos ang mukha niya. “Masaya ako na nakilala ko ang asawa ng nag-iisa kong anak,” ngumiti ito. “Kanina pa tayo nag-uusap pero hindi ko pa alam ang pangalan mo.”
Napangiti rin siya. “Rachel Leigh po.”
Tumango-tango ito. “Rachel Leigh Samaniego.”
Lumawak ang pagkakangiti niya. Gustong-gusto niya na ngayong marinig ang pangalang iyon. Gustong-gusto niya ang kaalaman na asawa nga siya ni Christopher.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon