GANOON na lang ang pagkagulat ni Anthony nang makita ang eksenang iyon sa pagitan nina Christopher at Rachel Leigh sa harap ng bahay ng mga ito. Kanina pang nakatigil ang sasakyan niya hindi kalayuan sa mga ito dahil nais niya sanang subaybayan si Christopher ng sarili niya.
Nakita niya nang bumaba ang mga ito sa loob ng sasakyan at mukhang nag-aaway pa. Gusto niya sanang bumaba nang makitang hawak ni Christopher ang mga braso ni Rachel Leigh at nagpupumiglas ang babae. Pero ang hindi niya inaasahan ay ang biglaang pagbabago ng pangyayari. Bakit naghahalikan na ang mga ito ngayon?
Ikinuyom niya ang mga kamao. Parang pinipiga ang puso niya ng mga oras na iyon sa nakikita. Hindi niya alam na ganito na pala ang nangyayari dito. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niyang sobrang lapit ni Rachel Leigh sa isang lalaki. Ito rin ang unang pagkakataon na nakikita niyang parang nagugustuhan nito ang ginagawa. Pero bakit?
Hindi niya gustong i-entertain ang iba’t ibang posibleng dahilan sa isipan niya. Ayaw niyang pag-isipan ng masama si Rachel Leigh. Pinagkakatiwalaan niya ito ng sobra, minamahal niya ito ng sobra. Hindi maaaring maging katulad din ito ng ibang babae sa grupo niya na tinalikuran siya at mas piniling manatili sa piling ng mga walang-kuwentang breakers na iyon.
“Mukhang may kailangan ding ipaliwanag sa’yo ang paborito mong alaga, Anthony,” narinig niyang wika ni Drake na nakaupo sa passenger’s seat ng sasakyan.
Ibinaling niya ang tingin dito. Nakangisi ito habang nakatingin pa rin sa labas.
Nang tumingin ito sa kanya ay seryoso na ang mukha nito. “Sinasabi ko na nga ba sa’yong may inililihim din ang isang iyan. Wala pa siyang nagagawa simula nang utusan mo siyang subaybayan si Christopher, at madalas ay hindi niya na rin sinasagot ang mga tawag mo,” sumulyap ito sa labas. “Mukhang iyan ang dahilan. Mukhang nahulog na siya sa kaaway mo.”
Tiningnan niya si Drake ng ubod ng talim. “Hindi niya magagawa sa akin iyon. Hindi ako bibiguin ni Rachel Leigh,” buong diing wika niya. Pero may parte ng isipan niya ang kumokontra sa sinabi niya. Tama si Drake. Ni minsan ay wala pang naitulong sa kanya si Rachel Leigh simula nang pasubaybayan niya dito si Christopher. Pinipilit niya lang ang sarili niya na may maitutulong ito, na may ibibigay ito sa kanya. Na hindi siya nito tatalikuran katulad ng ginawa sa kanya nina Sandra, Elij at Sophia.
Pinagbibigyan niya ito sa lahat ng hilingin nito kahit na makakasira sa plano niya. Gusto niyang patuloy na magtiwala dito pero napapansin niya ang pagbabago nito. Natural nang malamig ang pakikitungo nito sa kanya pero nag-iba iyon nitong nakaraang mga buwan. Pakiramdam niya ay hindi na siya nito gustong makita at makausap. Pakiramdam niya ay lumalayo na ito sa kanya.
Narinig niya ang pagtawa ni Drake. “Minsan kailangan mong imulat ang mga mata mo, Anthony,” payo nito. “Masyado ka kasing nabubulag sa pagmamahal mo sa babaeng iyan, hindi ka naman niya magawang makita.”
Nag-igting ang mga bagang niya. “Huwag mong pakialaman ang mga paraan ko, Drake,” puno ng awtoridad na utos niya dito. Tama, mahal niya nga si Rachel Leigh. Matagal niya na itong minamahal simula pa nang una niya itong makita sa kagubatang iyon. Pero hindi nito magawang makita ang pagmamahal niyang iyon. Gusto niyang ang makita lang nito sa kanya ay ang mabubuting bagay kaya inilihim niya dito ang mga nakaraan niyang hindi katanggap-tanggap. Katulad na lang ng mga pagpapatapos niya sa mga taong kinagagalitan niya, sa pagkakasangkot niya sa droga para magkaroon ng pera. Hindi niya magagawang sabihin iyon dito. Hindi niya gustong lumayo ito sa kanya.
Subalit mukhang nagkamali siya sa desisyong palapitin ito kay Christopher para maisakatuparan niya ang plano niyang paghihiganti sa lalaking iyon. Hindi. Imposibleng nagkamali siya ng desisyon. Hindi siya nito bibiguin.
Nang ibalik niya ang tingin sa labas ay nakita niyang tapos nang maghalikan ang dalawang iyon. May pinag-uusapan na ang mga itong nais niya malaman kung ano. Animo’y pinagsasaksak ng libu-libong kutsilyo ang puso niya nang makita ang pagtatawanan ng mga ito.
Napatitig siya sa mukha ni Rachel Leigh at sa kasiyahang naroroon. Sa loob ng mahabang panahon na nakasama niya ito ay hindi niya nakita ang ganoong klaseng kasiyahan dito. Bakit ganito ito sa Christopher na iyon?
Iniiwas niya na ang tingin sa mga ito at sinimulan nang paandarin ang sasakyan. Sobra-sobrang sakit na ang nararamdaman niya. At sobra-sobrang galit. Kailangan niya nang umalis sa lugar na ito at kumalma. Saka niya na lang pag-pa-planuhan ang susunod niyang hakbang.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
Roman d'amourThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...
![[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.](https://img.wattpad.com/cover/201581217-64-k446528.jpg)