Chapter 38.2

3.7K 65 14
                                    

KITANG-KITA ni Rachel Leigh ang pagkakakuyom ng mga kamao ni Jeremy Fabella nang malaman nito ang dahilan nang pagpunta nila doon sa hacienda nito nang araw na iyon. Tiningnan nito ng masama ang Mama Carmela nila na kasama nila.
“I-Ikaw ang tunay kong… ina?” nanginginig ang tinig na wika ni Jeremy. “Bakit naisipan mo pang magpakita dito ngayon? Hindi na kita kailangan.”
Lumapit si Keira Fabella – ang asawa ni Jeremy – dito. “Jeremy,” mahinahong tawag nito sa pangalan ng asawa.
Napatingin siya sa ina nila nang humikbi ito. “A-Alam kong h-hindi mo na ako mapapatawad, Tyron,” napailing ito. “Jeremy. M-Masaya na akong makitang nasa mabuti kang kalagayan, sapat na iyon sa akin. Sapat na sa aking makita ng kahit saglit lang ang mga anak ko.”
Bumuntong-hininga si Jeremy. “Kung noon nangyari ito ay siguradong hindi na nga kita mapapatawad,” inabot nito ang asawang si Keira. “Pero dahil nabago na ako ng asawa ko ay tatanggapin ko ang paghingi mo ng kapatawaran. Kaya lang ay hindi na magbabagong ito na ang buhay ko. Dito na ako lumaki sa haciendang ito at ang pamilya ko dito ang nagpakita sa akin ng sobra-sobrang pagmamahal.  Masaya akong makilala ka bilang biological mother ko pero sana ay maintindihan mong hanggang doon na lang iyon.”
Tumango naman si Mama Carmela at pinunasan ang mga luha. “Mas mabuti na ang ganoon,” wika nito. “Mas mabuti na ang manatili kayo sa mga lugar kung saan doon kayo nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng buhay na masaya at payapa. Masaya na akong maayos ang relasyon ko sa inyong mga anak ko. Matatahimik na rin ang puso at isipan ko. Salamat. Maraming salamat.”
Lumapit siya sa ina at niyakap ito ng mahigpit. Kahit ganoon ito noon ay nararamdaman niyang nais na talaga nitong magbago at bumawi sa lahat ng naging pagkukulang nito. Mahal na mahal niya pa rin ito at gusto niyang makasama ito sa bagong takbo ng buhay niya ngayon. Ito at ang kapatid niyang si Tyron, hindi, si Jeremy. Napangiti siya sa naisip.
Nang tumingin siya sa kinatatayuan nina Jeremy at Keira ay nakita niyang nakatingin din ang una sa kanya. Ngumiti ito. “Hindi ako makapaniwala na mayroon pala akong kapatid,” ani Jeremy. “At mas lalong hindi ako makapaniwala na brother-in-law pala kita, pare,” bumaling ito kay Christopher at tumawa.
Tumawa rin si Christopher at humakbang palapit sa kanya. Inakbayan siya nito at hinalikan sa buhok. Her happiness doubled at the moment. Kasama niya na ngayon ang asawa niya at maging ang kanyang pamilya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon