HINDI pa rin natatanggal ang malawak na pagkakangiti ni Rachel Leigh habang dala-dala ang isang bag na naglalaman ng mga damit niya. Ipinatong niya iyon sa sofa at tumingin kay Christopher na inilalagay sa case ang gitara niya.
Tumingin rin ito sa kanya at sa bag na nasa sofa. “Iyan lang ang dadalhin mo?” tanong nito.
Tumango siya. “Wala naman akong masyadong gamit dito, iniwan ko ang iba sa apartment sa Santolan,” lumapit siya dito at niyakap ito mula sa likod. “Talaga bang gusto mo na akong isama pauwi, hmm? Ayos lang ba? Hindi ba galit sa akin sina Mama Angelina?” sunod-sunod na tanong niya.
Napatawa ito. “Huwag kang mag-alala, ni minsan ay hindi nagalit sa’yo sina Papa at Mama,” sagot nito. “Sila pa nga ang patuloy ang pagpaparinig sa akin na hanapin ka noon.”
Tumawa rin siya. Sabik na sabik na rin siyang makita ang mga magulang nito. Gustong-gusto niya nang umuwi sa bahay nilang mag-asawa.
Sabay pa silang napatingin ni Christopher sa may pinto nang magbukas iyon at pumasok si Elij. “Rachel Leigh—” Napatigil ito nang makita sila. Hindi nito naitago ang matinding pagkagulat nang makita kung sino ang kasama niya. “C-Christopher?” nasa tono nito ang pagkamangha.
“Elij,” bati ni Christopher dito. “Long time no see. Kumusta ka na?”
Hindi pa rin nawawala ang pagkagulat sa mukha ni Elij. Napatingin ito sa kanya, nagtatanong ang mga mata. “A-A-Ayos lang naman,” muli itong sumulyap kay Christopher. “H-Hindi ko inaasahan na makita ka rito.”
“Isasama ko na sana si Rachel Leigh pauwi sa Manila,” ani Christopher. “Maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa kanya, Elij.”
Tumango lang si Elij pero hindi na nagsalita.
Tumingin sa kanya si Christopher. “Ilalagay ko na muna sa mga sasakyan ang mga gamit mo,” sabi nito. “Hihintayin kita doon,” inabot nito ang mga gamit na dadalhin niya at hinalikan muna siya sa mga labi bago lumabas.
Nakangiti pa rin siya hanggang sa makaalis ito at makalapit naman sa kanya si Elij.
“Nagkabalikan na kayo?” agad na tanong sa kanya ng kaibigan. “P-Paano nangyari ‘yon?”
Masaya niyang isinalaysay dito ang lahat ng napag-usapan nila ni Christopher at nakikita niya naman ang kasiyahang sumilay sa mga mata nito sa lahat ng ikinuwento niya.
Hinawakan nito ang mga kamay niya. “Masayang-masaya ako para sa’yo, Rachel Leigh,” sabi nito. “Akala ko hindi na mabibigyan ng liwanag iyang mukha mo pero masaya ako dahil nagkaroon ka ng pagkakataong ayusin ang mga bagay sa buhay mo.”
Lumapit siya dito at niyakap ito ng mahigpit. “Alam ko, alam kong magiging maayos rin ang buhay mo, Elij. Maraming maraming salamat sa lahat.”
Tinapik nito ang likod niya at bahagyang lumayo. “Aalis ka na ba?”
Tumango siya.
Tumango rin ito. “Mag-iingat kayo. Sasabihin ko na lang kina Inay ang nangyari.”
Muli siyang nagpasalamat dito at nagpaalam na. Sigurado siya na magiging masaya rin ang kaibigan niyang katulad niya.
Nang makarating siya sa kinapaparadahan ng sasakyan ni Christopher ay agad niya itong nakita na nakasandal sa gilid ng kotse nito habang hawak ang cell phone nito. Mukhang may binabasa itong mensahe doon.
Lumakad siya palapit dito. Nang makita siya nito ay agad itong napangiti at ipinasok ang cell phone sa loob ng bulsa ng pantalon nito. Lumapit ito sa kanya at hinapit siya sa baywang. “Ready to go home, baby?” magaspang na tanong nito.
She chewed on her lower lip and nodded. “Hinahanap ka na ba sa trabaho?” tanong pa niya.
Umiling ito. “Si Mama ang nag-text, tinatanong kung nasaan na daw tayo. Mukhang sabik na rin siyang makita ka uli,” tumawa pa ito.
Nakisabay siya sa pagtawa nito. Napatigil siya nang mapansin kung sino ang nakatayo ilang hakbang ang layo sa kanila. Si Jason iyon. Bahagya siyang lumayo kay Christopher at nilapitan ang isa sa mga naging kaibigan niya na rin sa lugar na ito. Nakasunod naman sa kanya ang asawa.
“Jason,” bati niya sa lalaki at ngumiti.
“Rachel Leigh,” mahinang bati nito, sumulyap ito kay Christopher na nasa tabi niya. Bahagya itong tumango dito bilang pagbati.
Lumapit siya kay Christopher at ipinulupot ang isang kamay sa baywang nito. “Christopher, this is Jason. Isa siya sa mga naging kaibigan ko dito,” bumaling siya kay Jason. “Jason, si Christopher, asawa ko,” masayang pagpapakilala niya sa mga ito.
Hindi niya napalampas ang pagkagulat sa mukha ni Jason sa sinabi niya. “M-May asawa ka na?” hindi makapaniwalang tanong nito.
Tumango siya. “Mahabang istorya,” tumawa pa siya at tumingala kay Christopher na nakatingin pa rin kay Jason. “Ang mahalaga nandito na ulit siya para isama na ako pabalik sa Manila.”
Nang tingnan niya muli si Jason ay nakita niyang nakayuko na ito. “Ganoon ba? Masaya ako para sa’yo,” wika nito.
“Salamat ng marami, Jason,” wika niya pa. “Sa pagiging kaibigan ko kahit maikling panahon lang.”
Nag-angat ito ng tingin sa kanya, may nabanaag siyang kalungkutan sa mga mata nito pero agad din iyong napalis nang ngumiti ito. “Wala iyon, Rachel,” sumulyap ito kay Christopher. “It’s nice meeting you, Christopher. Alagaan mong mabuti ang asawa mo,” pagkasabi niyon ay nagpaalam na ito at lumakad palayo sa kanila.
Tiningnan niya si Christopher at nakitang nakatingin din ito sa kanya. Magkasalubong ang mga kilay nito. “May gusto ba sa’yo ang lalaking iyon?” tanong nito, nahimigan niya ang pagseselos sa tono nito.
Napatawa siya sa tanong nito. Pabiro niya itong hinampas sa dibdib. “Kaibigan ko lang siya,” sagot niya. “Halika na, gusto ko ng umuwi,” yaya niya.
Ngumiti naman ito at sa halip na igiya siya patungo sa sasakyan ay buong diing hinalikan ang mga labi niya. Wala na siyang nagawa kundi ang magpaubaya sa halik ng asawa.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomantizmThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...