NAG-ANGAT ng tingin si Rachel Leigh mula sa binabasang libro nang makita ang pagpasok ng kaibigan niyang si Elij sa loob ng kuwartong tinutuluyan niya sa apartment ng mga ito sa Pangasinan. Sa loob ng walong buwan ay dito na siya nakituloy sa mga ito dahil ayaw niya nang manatili sa lungsod at alalahanin ang pighating sinapit niya doon.
Lumapit si Elij sa kama niya at naupo sa gilid niyon. “Hindi ka na naman ba kakain, Rachel Leigh?” pagalit nito sa kanya.
Ibinalik niya ang tingin sa libro. “May binabasa pa ako,” maikling tugon niya.
Napabuntong-hininga ito. “Ano ba talagang plano mo sa buhay mo, Rachel? Sa loob ng mga buwang naririto ka ay mabibilang lang sa daliri ang paglabas mo sa bahay na ito. Akala mo ba hindi ko napapansin ang pag-iyak mo tuwing gabi?”
Ibinaba niya ang hawak na libro sa kama. “Nakakabigat na ba ako sa’yo, Elij?” tanong niya dito.
“Rachel, ano ba? Hindi iyon ang ibig kong sabihin,” napahawak ito sa ulo. “Ang gusto ko lang ay lumabas ka at makihalubilo sa ibang tao. Masakit sa akin bilang kaibigan mo na makitang nagkukulong ka dito at umiiyak.”
Tiningnan niya ito. Nangilid na naman ang mga luha sa mga mata niya. “Paano? Sabihin mo sa akin kung paano, Elij? Kung hindi ko siya magawang kalimutan. Napakahirap, napakahirap kalimutan ng isang taong sobra-sobra ang ibinigay sa iyong alaala.” Hanggang ngayon ay patuloy pa ring umaasa ang puso niya na makukulong pa siyang muli sa mga bisig ng lalaking iyon, na mapapalibutan pa rin siya ng mabangong amoy nito habang nakapatong ang ulo niya sa dibdib nito at pinakikinggan ang tunog ng pintig ng puso nito. Subalit alam niyang hindi na mangyayari iyon. Imposible na.
Napayuko si Elij. Hindi nito nagawang makapagsalita nang mahabang sandali. Alam niyang nararamdaman nito ang nararamdaman niya. Ganoon din ito kay Thaddeus, hindi ba? Kahit hindi nito ipakita ay nababanaag sa mga mata nito ang kalungkutan.
Pinunasan niya ang mga luha sa mukha. “Hayaan mo,” pagpapatuloy niya. “Susubukan ko. Susubukan kong magbagong buhay. Kahit masakit at mahirap ay susubukan ko.”
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...