Chapter 2.4

3.7K 70 2
                                        

NAPAHIKAB si Rachel Leigh habang nakaupo sa ikalawang palapag ng warehouse kung saan naroroon si Anderson. Kasama na nito ngayon ang Keira na iyon na ilang minuto ng nakarating doon kapalit ng paglaya ni Daniel Fabella.
Kanina pa siya bagot na bagot. Sinubukan niyang huwag mag-ingay para hindi malaman ni Anderson na sinusubaybayan niya ang bawat galaw nito. Ilang minuto na rin simula nang makaalis ang ilan sa mga tauhan ni Anthony doon. Sa pagkakatanda niya ay ilang tauhan na lang mismo ni Anderson ang nasa warehouse na iyon, ang dalawa ay nautusang maghanda ng helicopter na gagamitin ng mga ito sa pagtakas.
Napabuntong-hininga siya at diniinan ang pagkakahawak sa baril na nasa kaliwang kamay. Ipinahiram ni Anthony ang baril na ito sa kanya. She was good with guns. Matagal niya ng sinanay ang sarili sa paggamit noon para sa self-defense, pero wala siyang hilig sa mga baril.
“Nasaan si Alexandre?”
Napatingin siya sa first floor ng warehouse nang marinig ang tanong na iyon ni Keira kay Anderson.
Alexandre? Kanina niya pa naririnig ang pangalang iyon.
“Gusto mo talaga siyang makita?” wika ni Anderson at tumingin sa isang tauhang naroroon. Tinanguan nito ang lalaki.
Nakilala niya ang tauhang iyon bilang isa sa mga tauhan ni Anthony. Lumakad palayo ang tauhan at pagbalik nito ay akay na nito ang isang batang lalaki.
“Mommy,” tawag ng bata kay Keira. Aktong tatakbo ito patungo sa babae pero agad itong binuhat ng tauhan.
Kumunot ang noo niya. Mommy? May anak na ba ang Keira na iyon?
“Saka mo lang siya mahahawakan kapag nasa helicopter na tayo,” sabi ni Anderson, pigil-pigil nito sa braso ang babae.
Napatingin siya sa pinto ng warehouse nang makita ang pagbukas niyon. Nakita niya ang pagpasok doon ni Daniel, may hawak na itong isang bakal. Kasunod nito ang dalawang pamilyar na mukha ng mga lalaki na ibinagsak sa sahig ang mga katawan ng dalawang tauhan ni Anderson na nautusang maghanda ng helicopter. Pagkatapos ay sunod-sunod ng pumasok ang iba pang mga lalaki.
“Jeremy!” narinig niyang sigaw ni Keira. Aktong tatakbo ito papalapit sa lalaking tinawag nitong Jeremy pero nahigit na ito pabalik ni Anderson at malakas na ibinalibag sa sahig.
Narinig niya ang malakas na pagmumura ng Jeremy na iyon. Masyado na siyang nadala sa panonood sa gulong nangyayari kaya hindi niya napansin ang paglapit ng isang bulto ng katawan sa kinatatayuan niya.
Gulat siyang napatingin kay Elij na nakatabi na sa kanya. Akala niya ay hindi na ito pupunta doon.
“Kanina ka pa dito?” mahinang tanong ni Elij, may hawak din itong isang baril sa kaliwang kamay.
Tumango siya.
“Kasabay ko na dito ang mga pulis,” ani pa nito. “Nasa labas na sila. Inutusan ako ni Anthony na tulungan ang mga breakers na mahuli si Anderson.”
“Alam ko,” sumulyap siya sa kaguluhang nangyayari sa ibaba. “Sila ‘yon, hindi ba? Ang mga ‘breakers’?”
“Oo,” napabuntong-hininga ito. “Yong nagsasalita, iyon si Thaddeus Arzadon.”
Tiningnan niya ang lalaking tinutukoy nito. Nagsasalita ito ng mga bagay na maaaring ikaso kay Anderson. Alam niyang nagta-trabaho si Elij para dito, siguradong pagkakatiwalaan na ito ng mga breakers na iyon kapag tumulong ito sa paghuli kay Anderson. Bagay na talagang plano ni Anthony.
“… Hindi lang kay Keira kundi pati sa magiging anak niya,” pagtatapos ni Thaddeus sa sinasabi nito.
Binitawan ni Anderson ang pagkakahawak sa buhok ni Keira. “Anak?” nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin sa babae. “You’re pregnant?!”
“Kuya, parang awa mo na… pabayaan mo na kami,” pagmamakaawa ni Keira.
“Kanino, Keira?!” bulyaw ni Anderson. “Sa hayop na Daniel na ‘yon? Pagkatapos ka niyang iwanan?”
“No… Kuya, please… tama na.”
“It’s mine,” singit ng boses ng isang lalaki. Napatingin sila kay Jeremy Fabella sa ginawa nitong pag-ako.
Napatitig siya sa mukha ng lalaking iyon. Hindi niya nagawang intindihin ang sumunod na mga nangyari hanggang sa makarinig siya ng putok ng baril.
Nalipat ang tingin niya sa katabing si Elij, dito galing ang putok ng baril na iyon. Nakita niyang ang tinamaan nito ay ang isa sa mga tauhan ni Anderson.
“Ang tagal naman ng dramang ito!” sigaw ni Elij. Sumulyap muna ito sa kanya. “Hayaan mo na ako,” bulong nito sa kanya bago tinalon ang second floor.
Hindi niya na ito nagawang pigilan. Alam niyang sanay na naman ito sa mga ganoong bagay.
Napatingin siya sa parte ni Thaddeus nang mapasinghap ito. “Elij, anong ginagawa mo? Bakit ngayon ka lang dumating? At bakit kailangan mo pang tumalon mula doon? Paano na lang kung mapilayan ka? Wala na akong magiging bodyguard,” sunod-sunod na tanong ng lalaki.
Hindi niya napigilan ang mapangiti sa mga pinagsasasabi nito.
“You bitch!” narinig niyang sigaw ni Anderson kay Elij. Alam niyang kilala nito si Elij. Akmang ililipat nito ang pagkakatutok ng hawak na baril sa babae pero agad na kumilos si Elij at hinawakan si Keira. Maging siya ay nagulat nang itutok nito ang hawak na baril sa sentido ni Keira.
Anong ginagawa nito?
“Elij, ano’ng ginagawa mo?” galit na sigaw ni Thaddeus.
Napaatras si Anderson sa ginawa ni Elij.
“Ito ba ang babaeng pinag-aagawan ninyo?” tanong ni Elij. “Let’s end this, mas mabuti kung wala na ang subject ng isang away, hindi ba?”
“Don’t you dare,” utos ni Anderson dito.
“Why wouldn’t I?” tanong ulit ni Elij.
“Walang hiya ka talaga!” mura ni Anderson at muling itinutok kay Elij ang hawak na baril.
Itinaas niya ang sariling baril at ipinutok iyon. She was a sharp shooter at hindi niya itinatanggi iyon. Nakita niya ang pagtalsik ng baril na nasa kamay ni Anderson sa lupa. Nakikialam lang siya sa mga bagay kapag sumosobra na ang tao.
Mabilis na kumilos ang mga breakers at agad na hinuli ang Anderson na iyon.
“That’s not me,” narinig niyang wika ni Elij. “Sinabi nang huwag kang makikialam!” Alam niyang siya ang pinariringgan nito.
Napangiti siya at humakbang palayo sa railings ng second floor. Ayaw niyang makita siya ng mga breakers na iyon.
Inayos niya ang sarili at hindi na pinag-ukulan ng pansin ang pagkakagulo sa ibaba. Bahala na ang mga itong ayusin ang gulong ito, tutal may mga pulis na rin naman sa labas.
Pagod na pagod na siya at nais niya nang magpahinga. Hindi niya inaasahan na ganito ang gulong pupuntahan niya dito.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon