Chapter 37.1

3.6K 43 1
                                    

NAPATIGIL si Rachel Leigh sa pagtingin ng mga larawan sa camera na hawak nang maramdaman ang paghalik ni Christopher sa buhok niya. Nakaupo siya sa kandungan nito habang nakaupo naman ito sa couch ng living area ng bahay nila. Ipinatong niya sa couch ang camera at pumihit ng upo. She was now sitting astride him.
“Kanina ka pa nanggugulo,” pagalit niya dito.
Ngumiti ito. “May itatanong lang ako sa’yo,” anito.
“Ano?”
“Ayaw mo ba talagang mag-trabaho sa kompanya ko?”
Ipinaikot niya ang mga mata. Pailang beses na ba nitong naitanong ang bagay na iyon sa kanya. Noong isang linggo pa siya nitong inaalok na mag-trabaho siya sa kompanya nito dahil nalaman nitong naghahanap siya ng trabaho. “Sa tingin mo ba may magagawa ka sa kompanya mo kung araw-araw nandoon ako?” subok niya dito.
Ngumisi ito. “Fine, fine,” pagsuko nito. Napatingin ito sa may pinto. “Oh, he’s here.”
Sinundan niya ang tingin nito at nakita ang pagpasok ng isang lalaki, kasabay nito ang katulong nilang si Jillianne na agad ding nagpaalam nang maihatid ang bisitang lalaki sa kinaroroonan nila. Umalis siya sa pagkakaupo sa kandungan ni Christopher at lumipat sa sofa. Tumayo naman si Christopher at kinamayan ang lalaki.
Pinagmasdan niya ang lalaking bagong dating. Matangkad ito at may matipunong pangangatawan. Sa tingin niya ay mas bata ito sa kanya ng ilang taon. He had brown hair and a handsome face with very dark eyes. Nakasuot ito ng puting T-shirt at jeans.
“Rachel Leigh, this is Detective Nathan Luther,” pakilala ni Christopher sa kanila. “Nathan, this is my wife, Rachel Leigh.”
Bahagyang tumango ang lalaki sa kanya. Ganoon din naman ang ginawa niya. Nagtaka siya nang malamang detective ito. Anong kailangan ni Christopher dito?
“Matagal ko na siyang kaibigan,” dugtong ng asawa niya. “Pinakiusapan ko siyang hanapin si Anthony.”
Nagulat siya sa sinabi nito. Ipapahanap nito si Anthony?
Bahagyang ngumiti si Christopher. “Kailangan nang matapos ang lahat ng ito para matahimik na tayo,” sabi pa nito. “Kailangang pagbayaran ni Anthony ang lahat ng ginawa niya.”
Napayuko siya. Tama ito. Dapat ngang iyon ang mangyari dahil siguradong kapag hindi nahuli si Anthony ay balang-araw ay sisirain muli nito ang relasyon nila ni Christopher. Iyon ang bagay na hindi niya na gustong mangyari.
Hinayaan niya lang na mag-usap ito at si Christopher. Nakikinig lamang siya at sumasagot sa ilang mga katanungan ni Nathan. Saktong pagkatapos nilang mag-usap ay muling lumapit sa kanila ang katulong na si Jillianne na kasama naman ang isa pang panibagong bisita. Si Ciarrah.
“Aalis na ako,” wika ni Nathan at tumayo na. “Gagawin ko ang lahat para matulungan ka,” sabi pa nito kay Christopher.
“Salamat, pare,” wika naman ng asawa niya. Tumingin ito sa kanya bago sinamahan si Nathan palabas ng bahay. Naiwan na lang sila ni Ciarrah sa sala.
Nang tingnan niya si Ciarrah ay nakita niyang nakatingin pa rin ito sa dinaanan nina Christopher. Kumunot ang noo nito. “Sino ‘yon?” tanong nito sa kanya.
“Oh, si Nathan, siya ang detective na hiningan ni Christopher ng tulong para mahanap si Anthony,” sagot niya.
Lumukot ang mukha ni Ciarrah. “Anthony? ‘Yong sumira sa relasyon niyo ni Kuya Chris noon?” napailing ito. “Dapat lang na mahuli ang masamang damo na iyon.”
Napangiti na lang siya. “Bakit ka nga pala nandito?”
Nagkibit ito. “Wala lang, dumaan lang ako para makita ka,” tinitigan siya nito. “You look very different, Ate. Mukhang sobrang saya mo, ah?”
Tumango-tango siya. “Of course, I’m with the person who makes me very happy like no one else can do,” masayang sagot niya.
Bumuntong-hininga si Ciarrah. “P-Paano nga pala ang Mama mo? Hindi mo pa ba siya gustong kausapin?” tanong nito.
Natigilan siya. Iniiwas niya ang tingin dito. “Ayoko siyang pag-usapan, Ciarrah,” mahinang sabi niya. Hindi niya gustong alalahanin ang tungkol sa bagay na iyon. Ayaw niyang sirain ang kasiyahang nararamdaman niya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon