ILANG ulit na bumuntong-hininga si Rachel Leigh bago kumatok sa pinto ng library ni Anthony isang gabing nagkalakas na siya ng loob na kausapin ito.
“Pasok,” narinig niyang tinig ni Anthony mula sa loob.
Marahan niyang binuksan ang pinto at pumasok sa loob. “Anthony,” bati niya dito.
Nakita niya ang pagkagulat nito sa pagkakita sa kanya pero mabilis din itong napangiti. Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa swivel chair nito at lumapit sa kanya.
“Rachel Leigh, napabisita ka?” anito. “May kailangan ka ba?”
“May… May gusto sana akong pag-usapan, Anthony,” hindi na siya magpapaligoy-ligoy pa.
Kumunot ang noo nito at hinintay siyang magpatuloy.
“Tungkol kay… kay Ate Sandra,” dugtong niya.
Bumahid ang pagkainis sa mukha ni Anthony. Tumalikod ito at bumalik sa pagkakaupo sa swivel chair nito. “Anong tungkol sa kanya?” tumingin ito sa kanya. “Alam mo ba kung nasaan siya?”
Mabilis siyang umiling. Humakbang siya palapit sa mesa nito. “Please, let her go, Anthony,” pagmamakaawa niya dito. “Pabayaan mo na lang siya.”
Marahas itong napabuntong-hininga. “Gusto mong pabayaan ko siya pagkatapos ng pagta-traydor niya?” hindi makapaniwalang tanong nito.
“Tama lang naman ang ginawa niyang pagsuway sa’yo, Anthony,” sabi niya. “Bakit kailangang utusan mo siyang pumatay ng tao? Ganito na ba ang mga ginagawa mo ngayon?”
Hindi niya napalampas ang pagkagulat na bumahid sa mga mata nito sa nalaman niya. Mabilis itong nag-iwas ng tingin. “Huwag kang makialam sa desisyon ko, Rachel Leigh,” mariing sabi nito.
“Hindi ako nakikialam sa mga desisyon mo noon pa, Anthony,” pakikipagtalo niya dito sa kauna-unahang pagkakataon. “Pero iba na ngayon. Alam mo kung gaano kahalaga sa akin si Ate Sandra. Itinuring ko na siyang pamilya at ayokong makitang nasasaktan siya.”
Mahabang sandali itong natahimik. Puno ng kaba ang puso niya sa magiging desisyon nito. Ipinagdarasal niya na sana ay pagbigyan siya nito.
Humugot ito ng malalim na hininga bago muling tumingin sa kanya. “Sige, Rachel Leigh,” tugon nito. “Hahayaan ko na lang siya basta sisiguraduhin niyang hindi na siya magpapakita sa harapan ko.”
Sumibol ang saya sa puso niya sa desisyon nito. Animo’y nawala ang lahat ng takot niya para kay Sandra ng mga oras na iyon.
Ngumiti siya at taos-pusong nagpasalamat dito. “Salamat. Maraming, maraming salamat, Anthony.”

BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...