“SIGURADO ka bang hindi ka na magpapasama sa pagbili ng isusuot mo, Rachel Leigh?” tanong ni Elij kay Rachel Leigh habang nag-aayos siya ng sarili para lumabas.
Tumingin siya sa kaibigan at umiling. “Alam ko na naman kung saan ako makakabili, magpahinga ka na lang dito,” hindi pa rin maitago ang pagkasabik sa tono niya. Ilang araw niya nang inaasam na dumating ang araw na ito. This day was a red-letter day dahil kaarawan iyon ni Christopher at ngayong araw din sila muling magkikita.
Ilang araw na ang nakalipas ay tinawagan siya ni Liezl at sinabing pumayag na daw si Christopher na makipagkita sa kanya. Sobra-sobra ang kasiyahang naramdaman niya ng mga panahon na iyon. Hindi niya inaasahan iyon pero nagpapasalamat siya dahil magkakaroon na siya ng pagkakataong magpaliwanag dito.
Ngayon nga ay pupunta siya sa bayan para bumili ng isusuot na damit. Gusto niyang magmukhang maganda sa harapan nito. Nang makapagpaalam siya kay Elij at makalabas ng bahay ay agad siyang sumakay ng tricycle para makarating sa bayan kung saan maaari siyang bumili ng isusuot. Hindi pa rin natitigil sa malakas na pagkabog ang puso niya dahil ilang oras na lang ay luluwas na siya pa-Manila para tagpuin sa isang restaurant doon si Christopher. Hindi na siya makapaghintay.
Pagkababa niya sa bayan ay ilang sandali muna siyang nag-ikot-ikot habang pinag-iisipan ang maaaring isuot. Magsusuot ba siya ng dress? Magugustuhan kaya iyon ni Christopher? Napahawak siya sa sariling buhok. Magpapagupit ba siya? Baka hindi siya makilala ni Christopher sa buhok niya ngayon.
Napailing siya sa sarili. Napakarami niyang iniisip. Itinuloy niya na ang paglalakad at awtomatikong napatigil ang mga paa niya nang makilala kung sino ang lalaking papasalubong sa kanya. Parang pinag-sakluban siya ng langit at lupa nang makita si Drake, nakangisi pa itong lumapit sa kinatatayuan niya. Sobrang tagal na nang huli niya itong makita. Hindi niya alam na malalaman pa nito kung nasaan siya. Kasama ba nito si Anthony? Ilang buwan niya nang pinagtataguan ang mga ito dahil hindi niya na gustong magkaroon pa ng koneksiyon sa mga masasamang taong ito.
“Sa wakas ay natagpuan din kita, Rachel Leigh,” wika ni Drake. “Magkasama lang pala kayo ng Elij na iyon. Kung hindi ko pa nalaman na nagtatrabaho iyang kaibigan mo sa isang kompanya dito ay hindi ko pa malalaman na nandito lang pala kayo.”
Pinilit niyang magpakatatag sa harapan nito. “Anong ginagawa mo dito?” iginala niya ang paningin sa buong paligid. “Kasama mo ba si Anthony?”
Napaismid ito. “Kung hindi pa ako kumilos ay malamang na hindi ka pa rin namin matatagpuan. Pasalamat siya at tinutulungan ko pa siya,” tumalim ang mga mata nito. “Masyado niya kasing dinamdam ang pagta-traydor mo sa amin.”
Tiningnan niya ito ng masama. “Anong kailangan mo sa akin? Kung ayaw niyong magsalita ako sa mga pulis ng tungkol sa inyo, layuan niyo na ako,” banta niya pa.
Napahalakhak ito. “Huwag ka masyadong mayabang, Rachel Leigh. Alam ko namang hindi mo magagawa iyan at wala rin namang maniniwala sa’yo,” bahagya itong lumapit sa kanya at bumulong. “Nagpunta ako dito dahil inutusan ako ni Anthony na sabihin sa’yong gusto ka niyang makausap.”
Natigilan siya sa sinabi nito. “B-Bakit kailangan ko pa siyang kausapin? Tinapos ko na ang lahat ng relasyon ko sa inyo. Ayoko na,” buong diing wika niya.
Lumayo ito sa kanya at tinitigan siya, punong-puno ng kasamaan ang mga mata nito. “Hindi ganoon kadali iyon, Rachel Leigh. Kung hindi ka magpapakita sa kanya ngayong gabi ay mukhang si Christopher na lang ang pupuntiryahin niya. Narinig naming nakabalik na ng bansa ang lalaking iyon.”
Bumalot ang matinding takot sa puso niya. “H-Huwag niyong gagalawin si Christopher,” napahikbi na siya. “P-Parang awa niyo na. Ako na lang ang parusahan niyo. Nagmamakaawa ako sa’yo, Drake.” Hindi niya gustong magmakaawa dito pero wala na siyang magagawa. Hindi niya hahayaang may mangyaring masama kay Christopher.
Ngumisi si Drake. “Puwes, alam mo na ang gagawin mo, Rachel Leigh,” sinabi nito sa kanya ang isang lugar kung saan siya dapat pumunta. “Hihintayin ka namin ni Anthony doon,” iyon lang at tuluyan na siya nitong iniwanan.
Parang nagyelo ang mga paa niya ng mga oras na iyon. Hindi siya makagalaw. Hindi niya alam kung ano pa ba ang gagawin at iisipin. Bakit kailangang ngayon pa mangyari ang lahat ng ito? Lahat ng pag-asa sa puso niya ay tuluyan ng naglaho na parang bula. Hindi na talaga siya magiging masaya kahit na kailan.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomantikThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...