ILANG ulit na bumuntong-hininga si Rachel Leigh nang makatapat sila sa pinto ng bahay nila noon sa Cotabato kung saan sa pagkakaalam niya ay doon pa rin nakatira ang Mama Carmela niya. Hinigpitan ni Christopher ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Tumingin siya dito at nakita ang pag-ngiti nito. Bahagya namang nabawasan ang kaba at takot na nararamdaman niya.
Itinaas niya ang isang kamay at marahang kumatok sa pintong iyon. Tandang-tanda niya pa ang lugar na ito, ang maliit na bahay na itong napaglumaan na ng panahon, maging ang kagubatang hindi kalayuan sa kanila. Iyon ang kagubatang kinatatakutan niya subalit hindi niya na gaanong maramdaman ang takot na iyon dahil sa kaalamang kasama niya ngayon si Christopher, na kahit na anong mangyari ay po-protektahan siya nito.
Ilang minuto lang ay narinig na nila ang pagbubukas ng pintong iyon. Agad na sumalubong sa kanya ang mukha ng kanyang ina. Bumahid ang matinding pagkagulat sa mukha nito nang makilala ang mga bisita.
Mahabang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila hanggang sa namalayan niya na lang na yakap-yakap na siya ng inang lumuluha. “Rachel Leigh,” garalgal na tawag nito sa pangalan niya. “Rachel, anak…” bahagya itong lumayo at ikinulong ang mukha niya sa magkabilang palad nito. “Anak, mabuti naman at… at dinalaw mo ako dito.”
Naglalandas na rin ang mga luha sa mukha niya nang mga oras na iyon. Sumulyap siya kay Christopher at nakita ang marahang pagtango nito. Ibinalik niya ang tingin sa ina. “M-M-Mama…” pabulong na tawag niya. May nararamdaman pa rin siyang mumunting kirot sa puso niya pero hindi niya na pinansin iyon. Muli niya itong tinawag. “Mama,” pumiyok na siya.
Siya na mismo ang yumakap sa ina. “Mama,” iyak niya. “Mama, I’m sorry,” hindi niya na napigilan ang sariling emosyon. Mahal na mahal niya ito kahit na pinabayaan siya nito noon. Ito pa rin ang ina niya. Ito pa rin ang nagluwal sa kanya sa mundong ito.
Malakas ding napaiyak ang ina niya. “Anak… anak, patawarin mo ako,” puno ng paghihinagpis na wika nito. “Patawarin mo ako, Rachel Leigh. Patawarin mo ako kung naging masamang ina ako. Patawarin mo ako kung pinabayaan kita, kung sinaktan kita, kung binalewala kita. Patawad, anak, patawad.”
Hindi niya na alam kung gaano katagal lang silang naroroon at ibinuhos ang lahat ng sakit na naramdaman sa nakalipas na mahabang panahon. Nang pareho na silang tumahan ay niyaya sila nitong pumasok sa loob ng bahay. Masayang-masaya silang ipinaghanda ng ina niya ng meryenda habang patuloy pa rin sila sa pagku-kuwentuhan ng mga bagay-bagay. Hindi rin maitatanggi na masaya ito sa nakikitang relasyon nilang mag-asawa.
“Maraming maraming salamat talaga, hijo, sa pag-aalaga mo dito sa anak ko,” ani Mama Carmela niya kay Christopher.
Ngumiti si Christopher. “Wala po iyon,” tugon nito.
Tumingin siya sa asawa at malambing na nginitian ito. “Dito ba tayo matutulog?” tanong niya.
“Gusto mo ba?” ganting tanong nito.
Inilipat niya ang tingin sa ina at nakita ang kislap sa mga mata nito. Nginitian niya ito. “Oo naman,” sagot niya.
Malawak na napangiti ang ina niya. “Puwede niyong gamitin ang kuwarto ko dito. Dito na muna ako sa sofa matutulog,” anito.
“Ayos lang po ba sa inyo iyon?” tanong ni Christopher.
Mabilis na tumango ang ina niya. Pinakatitigan siya nito at muli na namang nangilid ang mga luha sa mga mata nito. “Sobrang saya ko, Rachel Leigh. Akala ko,” huminto ito para humugot ng malalim na hininga. “Akala ko hindi ko na muling makikita ang mga anak ko. Patuloy akong humihiling sa Diyos na sana ay muli kong makasama ang kahit isa man lang sa kanila.”
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. Mga anak? Hindi niya magawang intindihin ang tungkol sa bagay na iyon. Nagkaroon pa ba ito ng anak noong umalis siya dito? “M-May kapatid po ba ako?” naisipan niyang itanong. “N-Nagka-anak pa kayo noong nawala ako?”
Malungkot na napatingin sa kanya ang Mama niya. “Hindi mo na siguro matandaan, Rachel Leigh,” pagsisimula nito. “Hindi mo ba matandaan ang kakambal mong si Tyron?”
Hindi niya naitago ang pagkagulat sa sinabi nito. Kakambal? May kakambal siya? Pagtingin niya kay Christopher ay nakita niya ang pagkamangha at pagkagulat sa mukha nito.
“Napakabata niyo pa noong magkahiwalay kayo kaya hindi mo na siguro maalala,” pagpapatuloy ng ina niya, may mga luha na sa mga mata nito. “Kakambal mo si Tyron subalit hindi kayo ganoong magkamukha, nakuha ni Tyron ang itsura niya sa ama niyo samantalang ikaw naman ay sa akin. Tatlong taong gulang kayo noong magkahiwalay kayo.”
Hindi siya makapaniwala sa lahat ng ikinukuwento nito. Tyron? Ipinikit niya ang mga mata at pinilit alalahanin ang nakaraang iyon na siguradong natabunan na sa likod ng isipan niya. Tyron. Tyron. Tama, may naaalala siyang isang batang lalaki na kasing edad niya at kalaro niya noon sa labas ng bahay na ito subalit hindi niya na magawang maalala ang mukha nito.
Iminulat niya ang mga mata at nagtatanong ang mga matang tumingin sa inang patuloy pa rin sa pagluha. “N-Nasaan na po siya? B-Bakit kami nagkahiwalay?” puno ng kuryosidad na tanong niya.
Napahagulhol na sa harapan niya ang ina niya. “Kasalanan ko iyon,” garalgal na wika nito. “Napakasama kong ina. Hindi ko dapat ginawa iyon. Hindi ko dapat siya ipinamigay sa iba.”
“I-Ipinamigay niyo siya?” hindi makapaniwalang ulit niya. Nakaramdam siya ng pagguhit ng galit sa puso niya pero agad din naman siyang kumalma nang hawakan ni Christopher ang kamay niya.
“P-Patawarin niyo ako, anak,” napahikbi na naman ang ina niya. “Hindi ko alam ang ginagawa ko noon. Masyado akong nasaktan sa pag-iwan sa akin ng ama niyo, minahal ko siya ng sobra-sobra pero sinaktan niya lang ako at pinabayaan. Naging sobrang mahina ako, nagpadala ako sa kalungkutan at sa sakit. Hindi ko na kayo naisip.”
Pinahid niya ang mga luhang naglandas sa pisngi niya. “Bakit niyo siya ipinamigay?” Hindi niya mapigilan ang awang nararamdaman para sa kapatid na iyon. Hindi niya man lang ito nakasama ngayong malaki na sila. Hindi niya man lang nasilayan ang itsura nito.
Napayuko ang ina niya. “D-Dahil akala ko iyon ang mas makabubuti, na mas lalaki siya ng ayos kapag ibinigay ko siya sa iba,” humikbi ito. “Dahil hindi ko na kayo kayang buhayin. Patawarin mo ako, anak, at sana mapatawad din ako ni Tyron kung nasaan man siya ngayon. Mahal na mahal ko kayo at nagsisisi ako dahil hindi ko iyon naiparamdam sa inyo noon.”
Ilang ulit siyang bumuntong-hininga. “A-Alam niyo po ba kung nasaan siya? S-Si Tyron? Kanino niyo siya iniwan?” sunod-sunod na tanong niya. Kung hahayaan pa ng pagkakataon ay nais niya makilala ang kapatid na iyon, nais niya itong makita kahit sandali lang.
Tumango ang ina niya. “Ibinigay ko siya sa isa sa mga kamag-anak ko dito noon pero nang muli akong bumisita sa kanila ilang taon na ang nakalipas ay nalaman kong ipinamigay niya rin sa iba si Tyron ilang buwan matapos ko itong iwan sa kanya,” huminto ito at nagpunas ng mga luha pagkatapos ay muli nitong iniangat ang tingin sa kanila. “Tinanong ko kung saang lugar niya iniwan ang kapatid mo at sinabi niyang dinala niya si Tyron sa Cebu noon at iniwan sa labas ng isang hacienda… s-sa Hacienda Fabella doon.”
Nagulat siya sa sinabi nito at naramdaman niya rin ang matinding pagkagulat ni Christopher sa tabi niya. Nang tingnan niya ang asawa ay nahulog na ito sa malalim na pag-iisip.
Hacienda Fabella? Hindi ba iyon ang haciendang pag-aari ni Jeremy Fabella? Bakit doon pa napunta ang kapatid niya? Mahahanap niya pa kaya iyon doon?
Muli siyang napatingin kay Christopher nang humigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Tumingin ito sa kanya, there was pure seriousness in his eyes. “Si Jeremy,” usal nito.
Kumunot ang noo niya. Anong mayroon kay Jeremy?
“Si Jeremy ang kapatid mo,” dugtong ni Christopher.
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Si Jeremy Fabella ang… ang kapatid niya? Pero paano nangyari iyon? Napailing siya. Hindi niya maintindihan ang nagiging takbo ng mga pangyayari. Tumigil yata sa paggana ang utak niya ng mga oras na iyon.
Nagsimula nang magkuwento si Christopher nang tungkol sa kaibigan nitong si Jeremy. Nalaman niyang hindi pala ito tunay na Fabella at iniwan lang ito sa labas ng haciendang iyon noong tatlong taong gulang pa lamang ito. Sapat na iyong pruweba na ito nga ang kakambal niyang si Tyron. Hindi pa rin niya magawang paniwalaan ang lahat. Paanong naging ganito ang takbo ng lahat? Hindi niya alam na ang lalaking iyon na isa sa mga ka-breakers ng asawa niya ay kapatid niya. Kaya siguro ganoon na lang ang familiarity na naramdaman niya noong una niyang makita ang itsura nito sa larawan at sa personal na rin. Everything was too sudden. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...