Chapter 2.1

3.9K 69 1
                                        

NATIGILAN si Rachel Leigh nang mapagbuksan ng pinto ng apartment niya si Anthony nang hapong iyon. Paalis na sana siya pero mukhang importante ang ipinunta nito dito kaya inanyayahan niya munang pumasok.
“Paalis ka?” tanong nito nang makaupo sa sofa.
“Oo, may kailangan ka ba?” naupo naman siya sa isang silyang naroroon.
“Nais ko sanang ipaalam sa’yo na nagsimula na ako sa mga plano ko,” sabi nito.
Napatingin siya dito at hinintay itong magpatuloy.
“Sinimulan ko ng utusan si Elij na subaybayan ang abogado ni Christopher at kumuha ng impormasyon patungkol sa lalaking iyon, lalo na ang mga kontrata tungkol sa MicroGet at sa mga negosyong hawak niya,” nag-igting ang mga bagang nito.
Napayuko siya. Abogado ni Christopher? Si Thaddeus Arzadon? Nararamdaman niya ang matinding galit ni Anthony. Pero bakit? Ano ba ang nagawa ng Christopher na iyon para kamuhian nito ng ganoon?
“At gusto kong simulan mo na rin ang pagsubaybay sa lalaking iyon,” dugtong pa ni Anthony.
Nag-angat siya ng tingin dito. “K-Kay Christopher?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Tumango ito.
“B-Bakit ako? H-Hindi ba puwedeng sina Drake na lang?”
“Dahil ikaw ang pinagkakatiwalaan ko, Rachel,” sagot nito. “Alam kong hindi mo ako bibiguin at alam kong mapapadali ang lahat kapag kayong mga babae ang sumubaybay sa kanila. Hindi sila magdududa kung sakaling lumapit kayo sa kanila.”
Hindi niya pa rin magawang tanggapin ang lahat. Lalapitan niya si Christopher? Susubaybayan niya ang bawat kilos nito?
“Magagawa mo ba, Rachel Leigh?” tanong pa ni Anthony.
Muli siyang napatingin dito. May nahimigan siyang pagmamakaawa sa tono nito. Wala na siyang nagawa kundi ang tumango. Ano pa bang pagpipilian niya? Kailangan niyang sundin ito.
Malawak itong napangiti. “Salamat, Rachel. Alam kong nakahanda kang tulungan ako sa lahat ng mga plano ko. Pag-aralan mo muna ang lahat ng impormasyong ibinigay ko tungkol sa kanya bago ka gumawa ng hakbang.”
Tumango na lang siyang muli.
Nang tumayo ito ay tumayo na rin siya at inihatid ito hanggang sa pinto. Pagkaalis nito ay naiwan pa rin siyang nakatulala doon. Ano ng gagawin niya? Paano niya malalapitan ang Christopher na iyon?
Bumuntong-hininga siya at nagpasyang tumuloy na sa pag-alis. Balak niyang bisitahin ang nag-iisang taong nakakausap niya tuwing may dinaramdam siya o pino-problema. Ang nag-iisang taong pinagku-kuwentuhan niya ng mga sikreto niya at nag-iisang pinahahalagahan niya ng sobra.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon