Chapter 8.1

3K 69 1
                                    

KUMUNOT ang noo ni Rachel Leigh nang makita ang paglabas ng sasakyan ni Christopher sa loob ng bahay nito sa Ayala isang gabing naisipan niyang dumaan sa bahay nito.
Ilang araw na rin simula nang muli niya itong makita simula ng gabing iyon na inihatid siya nito at natikman niya ang mga labi nito. Dumaan siya dito pero wala naman siyang lakas ng loob na magpakita dito.
Muli siyang sumakay sa motor niya at sinundan ang papalayong sasakyan nito. Saan kaya ito pupunta sa ganitong oras ng gabi? Alas-diyes na at akala niya ay tulog na ito.
Hindi niya maintindihan kung bakit niya pa ito sinusundan. Bakit ba nagsisimula na siyang maging curious sa lahat ng bagay tungkol dito?
Bumuntong-hininga siya. Dahil kailangan niya itong subaybayan – iyon ang isinisiksik na sagot ng isang parte ng isipan niya. Pinilit niyang paniwalain ang sarili sa bagay na iyon.
Nagtaka siya nang pumarada ang sasakyan nito sa parking lot ng air lines na pag-aari nito – ang Samaniego Air Lines. Nakita niya itong bumaba ng sasakyan nito, nakasuot ito ng simpleng gray jacket at jeans.
Bumaba rin siya ng motor at palihim na sinundan ito. Anong gagawin nito dito? May flight ba ito ng ganitong oras?
Napatigil siya sa paghakbang nang makita itong nilapitan ang isang babae sa labas ng air lines na iyon. Pamilyar ang mukha ng babaeng iyon. Hinanap niya ang pangalan nito sa isipan.
Ashlee. Ashlee Fortich. Ito ang kaibigan ni Sophia Delacion na ipinakilala nito sa kanya minsan. Anong ginagawa ng mga ito dito sa ganitong oras?
Hindi niya alam pero pakiramdam niya ay may lumukob na inis sa puso niya sa nakikitang pag-uusap ng mga ito. May pupuntahan ba ang mga ito kaya dito ang mga ito nagtagpo? Ilan ba talaga ang babae ng Christopher na iyon? Hindi na ba ito makuntento sa isa? Kay Stacey?
Humalukipkip siya at sumandal sa pader na naroroon habang patuloy na pinagmamasdan ang mga ito. Bakit ba siya nagagalit? Hindi naman siya si Stacey, ah?
Napatigil siya sa pag-iisip nang mapansin ang isang puting van na mabilis ang takbo. Napaangat ang likod niya nang makitang wala iyong balak mag-preno at pinupuntirya si Christopher.
Hahakbang na sana siya patakbo sa mga ito pero nakita niya ang mabilis na paghigit ng Ashlee na iyon kay Christopher para iiwas ito sa paparating na sasakyan. Sabay pang tumumba ang mga ito sa lupa.
Nang makita niyang ayos naman si Christopher ay muli siyang napatingin sa van na nag-preno pero agad ding humarurot palayo.
Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang plate number niyon. She knew that car! Tumakbo siya patungo sa motor at mabilis na pinatakbo iyon.
Wala na siyang pakialam sa bilis ng pagpapatakbo niya, ang mahalaga ay mahabol niya ang sasakyang iyon. Hindi naman siya nabigo at naabutan ang sasakyan.
Sinadya niyang mag-overtake para harangan ito sa unahan. Awtomatikong napa-preno ang driver niyon. Bumaba siya ng motor at lumakad patungo sa driver’s side ng van. Kinalampag niya ang pinto niyon.
Ilang sandali lang ay nagbukas iyon at lumabas na ang driver. Tama ang hinala niya. Si Drake iyon.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, Drake?!” pasigaw na tanong niya dito. Hindi niya mapigilan ang sariling galit dito dahil sa muntik ng pagbangga nito kay Christopher kanina.
Ngumisi si Drake. “Masyado ka namang high-blood, Rachel Leigh,” sabi nito. “Wala namang masama sa ginawa ko, ah? Tinakot ko lang ang lalaking iyon dahil iyon ang utos ni Anthony. At saka bakit ka ba nagagalit?”
Natigilan siya sa tanong nito. Hindi niya alam kung ano ang isasagot.
“Huwag kang makialam sa mga paraan ko, Rachel,” dugtong pa ni Drake. “Kung ako lang talaga ang masusunod, tatapusin ko na ang lalaking iyon. Ewan ko ba kay Anthony kung bakit pinapatagal niya pa ang lahat.”
Tiningnan niya ito ng masama. “Wala kang karapatang pangunahan ang mga desisyon ni Anthony.”
“Alam ko,” matalim na sagot nito. Umismid ito at hinaplos ang buhok niya. “Ngayon ko lang nalaman na maganda ka ‘pag galit.”
Tinabig niya ang kamay nito. “Huwag na huwag mo akong hahawakan.”
Humalakhak ito ng nakakaloko.”Playing hard to get ka pa rin, Rachel Leigh. Kaya pati si Anthony, hindi maka-i-score sa’yo.”
Ikinuyom niya ang mga kamao dahil sa galit na nararamdaman. Bastos talaga ito at walang-modo kahit kailan. Kanina niya pa ito gustong saktan pero nagpipigil lang siya.
“Pero mabuti naman at ginagawa mo ang trabaho mo,” sabi pa nito. “Kahit gabing-gabi na ay sinusubaybayan mo pa rin ang lalaking iyon. Sana lang ay may makuha na kayong impormasyon na makakatulong kay Anthony para sa pagbagsak ng Christopher na iyon.”
Humugot siya ng malalim na hininga at tinalikuran na ito. Lumakad siya pabalik sa motor at pinaandar iyon. Hindi niya na ito pinansin kahit pa ilang ulit itong nagpahabol ng mura sa kanya.
Punong-puno pa rin ng galit ang puso niya. Hindi niya magawang intindihin kung bakit. May pag-aalala rin doon, pag-aalala para sa kalagayan ni Christopher ngayon. Maayos na ba talaga ito? Nangangamba siya sa mga susunod pang posibleng threats na matanggap nito mula kina Anthony at Drake. Bakit ba talaga siya nagkakaganito?

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon