DAHAN-DAHANG iminulat ni Christopher ang mga mata, nakakaramdam pa siya ng pagkahilo dahil sa pagkakapukpok ng matigas na bagay sa ulo niya kanina. Hindi niya alam kung anong nangyayari. Hindi niya rin alam kung nasasaan siya.
Iginala niya ang paningin sa buong paligid at napansing parang nasa loob siya ng isang abandonadong gusali. Nakaupo siya sa isang silya at nakatali ang mga kamay niya sa likod. Sinubukan niyang gumalaw pero masyadong mahigpit ang pagkakataling iyon. Sino ang dumukot sa kanya?
Napatigil siya sa pag-iisip nang makarinig ng mga yabag papalapit. Nang iangat niya ang tingin ay ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makilala ang lalaking nasa harap. May kasama itong isa pang lalaki subalit hindi niya iyon kilala.
“Kumusta ka na, Christopher?” tanong ng lalaking iyon na napakatagal na panahon na niyang hindi nakikita.
“A-Anthony?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Ngumisi ito. “Akala ko hindi mo ako matatandaan,” bumuntong-hininga ito. “Ang tagal ng panahon ang dumaan simula nang magkaharap tayo ng ganito, Christopher. Sobrang dami nang nangyari. Sobrang taas na nang narating mo,” may pagka-sarkastiko sa tono nito.
Kumunot ang noo niya. “P-Paano nangyari ito? A-Akala ko ba—”
“Akala mo patay na ako?” putol ni Anthony sa sinasabi niya. “Bakit? Mas gusto mo ba iyon? Mas masaya ka ba doon?”
Hindi niya magawang intindihin ang galit na nasa tono nito. Bakit ba ito nagkakaganito? Sobrang tagal na nang huli niya itong makita. Hindi niya alam na buhay pa ito dahil nabalitaan niyang namatay ito sa isang aksidente at iyon nga ang pinaniwalaan niya.
“Pinalabas ko lang na namatay na ako, Christopher,” wika pa ni Anthony. “Bakit? Para makagawa ako ng hakbang at mapaghigantihan ka.”
Tiningnan niya ito. “Mapaghigantihan? Anong ginawa ko sa’yo, Anthony?”
“Marami. Sobrang dami,” ilang ulit itong bumuntong-hininga. “Nais kong makuha ang lahat ng pag-aari mo na dapat ay sa akin. Ang MicroGet, ang society, ang lahat-lahat!”
“Hindi kita maintindihan, Anthony,” wika niya. “MicroGet? Bakit mo gustong maagaw sa akin ang MicroGet?”
“Dahil sa akin dapat iyon,” sagot nito. “Hindi mo pa siguro alam kaya sasabihin ko na. Ang Mama ko ang naging babae ng Papa mo noon, binuo niya ang MicroGet sa pamamagitan ng pera ni Mama. Mas nauna akong humawak ng kompanyang iyon kaysa sa’yo. Sa akin dapat iyon!”
Hindi niya naitago ang pagkagulat sa sinabi nito pero agad din siyang napailing. “Si Papa ang gumawa ng kompanya,” buong tatag na pagtatanggol niya sa ama. “Wala na akong pakialam sa nakaraan niya o sa naging kasalanan niya. Ibinigay niya sa akin ang MicroGet siguro dahil alam niyang mas mapapangalagaan ko iyon kaysa sa’yo.” Hindi niya ito gustong kalabanin pero hindi niya naman magagawang hayaan na makuha nito ang mga bagay na pinaghirapan niya. Matagal niya na itong kilala, alam niya kung anong klase ng tao ito. Lahat ng naisin nito ay gusto nitong makuha sa kahit na anong paraan.
Napahagalpak ito ng tawa.
“At ang society?” pagpapatuloy niya. “Matagal kitang hinanap dahil gusto kong buuin ang society na iyon kasama ka. Pero hindi ka nagpakita sa akin. Ang buong akala ko ay namatay ka na. Hindi mo alam kung gaano ako nalungkot nang malaman ang tungkol doon. ‘Tapos malalaman ko ngayon na kaya ka nawala ay para mapaghigantihan ako sa mga bagay na wala akong kaalam-alam?”
Tumalim ang mga mata ni Anthony pero agad din nitong kinalma ang sarili. “Ang totoo, wala na akong pakialam sa lahat ng iyan, Christopher. Nagbago na ang isip kong agawin sa’yo ang mga bagay na iyan.”
Kumunot ang noo niya. Ano namang pinagsasasabi nito? Tuluyan na ba itong nawala sa matinong pag-iisip?
“Bakit?” tumitig ito sa kanya. “Dahil nagtagumpay na ako. Masisira ko na ang buhay mo sa pinaka-simpleng paraan,” ngumiti pa ito at tumingin sa bukana ng gusaling iyon.
Sinundan niya ang tingin nito at ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makita doon si Rachel Leigh. Bumalot ang matinding takot sa puso niya – takot na ni minsan ay hindi niya naranasan sa buong buhay niya. Anong ginagawa nito dito? Bakit ito naririto?
![](https://img.wattpad.com/cover/201581217-288-k446528.jpg)
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...