Chapter 19.3

2.7K 51 1
                                    

PALIHIM na sumilip si Rachel Leigh sa glass door kung saan matatanaw doon ang pool ng bahay na iyon ni Christopher. Napangiti siya nang makita itong masayang nakikipaglaro sa mga batang pinsan nitong naroroon. Tinitigan niya ito. He was only wearing swimming trunks and he looked so hot in that. Muli na namang nag-init ang buong pakiramdam niya pagka-alala sa kabuuan nitong nakita niya noong gabing muntik na siya nitong angkinin.
“Gustong-gusto niyang makipaglaro sa mga bata.” Nagitla siya nang marinig ang tinig na iyon ni Mama Angelina mula sa likod niya.
Napalingon siya dito at nakitang nakatingin din ito kina Christopher.
“He treats children na para bang anak niya,” sumulyap ito sa kanya at ngumiti. “Bata palang iyang si Christopher ay sinasabi niya na sa akin na hahanap daw siya ng babaeng mamahalin niya habang buhay at magkakaroon sila ng maraming mga anak.”
Napayuko siya dahil sa makahulugang pagtitig nito sa kanya. Gusto niya sanang sabihin dito na iyon ay ang babaeng mamahalin ni Christopher. Hindi naman siya mahal ni Christopher, napilitan lang itong pakasalan siya dahil kailangan.
Hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng kalungkutan sa kaisipang hihiwalayan siya ni Christopher kapag natagpuan na nito ang babaeng mamahalin nito.
Nang muli siyang mag-angat ng tingin kay Mama Angelina ay nakita niya ang matiim nitong titig sa kanya. “May gusto akong itanong sa’yo, hija,” sabi nito.
Hinintay niya itong magpatuloy.
“Masaya ka ba sa piling ng anak ko?”
Natigilan siya sa tanong nito. Hindi niya alam ang isasagot.
Nang hindi siya nagsalita ay napangiti ito. “Alam mo, kahit sino ay magagawa tayong pasayahin kapag ginawan tayo ng mga espesyal na bagay. Pero ang taong espesyal sa puso natin ay mapapasaya tayo kahit na wala silang ginagawa,” muli siya nitong tinitigan. “Sana magawa niyong malaman ni Christopher ang mga tunay niyong nararamdaman. Gusto kong maging masaya kayong dalawa.”
Masaya? Magagawa niya bang maging masaya sa piling ng asawa kung napakaraming nakapagitan sa kanila? Kung may lihim siyang itinatago dito?
Ibinalik niya ang tingin sa labas ng glass door at lumundag ang puso niya nang makitang nakatingin din sa kanya si Christopher. Pero ilang sandali lang ay iniiwas na nito ang tingin sa kanya at itinuon ang atensiyon sa mga pinsan.
Muli siyang napayuko. Imposible. Imposibleng maging masaya siya. Hindi na dapat siya umasa.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon