Chapter 26.3

2.7K 47 1
                                    

MABILIS na bumaba ng motor niya si Rachel Leigh nang maiparada niya iyon sa harap ng isang abandonadong gusali na sinabi sa kanya ni Elij kanina sa tawag. Tumakbo siya papasok sa loob at nakita doon si Elij na hawak ni Drake sa braso. Naroroon din ang kapatid na lalaki ni Elij na si Sam na hawak naman ng isa pang lalaking sa pagkakatanda niya ay tauhan din ni Anthony.
Napuno ng pag-aalala ang puso niya nang makita ang baril na hawak ng tauhang iyon. Bakit ba idinadamay ng mga ito ang isang walang kalaban-labang bata?
“Oh, Rachel,” bati sa kanya ni Drake nang makita siya nito. “Nagpunta ka ba dito para makita ang paghihirap nitong traydor nating kasamahan?” tukoy nito kay Elij.
“Anong ibig sabihin nito, Drake?” tanong niya sa lalaki habang humahakbang palapit sa mga ito. Iginala niya ang paningin sa paligid. Wala na siyang nakikitang ibang tao doon. Ibig sabihin ay wala doon si Anthony, malamang na pakana lang lahat ito ng Drake na iyon.
“Huwag kang makialam dahil ito ang utos ni Anthony,” mariing tugon ni Drake.
Napatigil siya sa narinig. Kung ito ang utos ni Anthony ay siguradong malalagay sa panganib si Elij. Anong gagawin niya? Gusto niya itong tulungan pero wala naman siyang alam na maaaring gawin. Wala dito si Anthony para makausap niya. Hindi niya naman mapapakiusapan ang Drake na iyon dahil alam niyang masama pa ito sa pinaka-masamang tao sa mundo.
Napatingin silang lahat sa bungad ng gusaling iyon at nakita doon ang pagpasok ni Thaddeus Arzadon. Nagulat siya sa hindi inaasahang pagkakita dito. Anong ginagawa nito dito?
Nakatingin ito sa puwesto nina Elij bago ibinaling ang tingin sa kanya. Kumunot pa ang noo nito nang makilala siya. Pero mabilis din silang nagbalik ng tingin kina Drake nang marinig ang pagkasa ng baril.
Nakita niya nang itutok ng lalaking may hawak sa kapatid ni Elij ang baril sa ulo ng bata.
“H-Huwag…” narinig niyang wika ni Elij, puno na ng takot ang boses nito. Napaiyak na ito ng tuluyan. Maging siya ay gusto niya na ring mapaluha sa nakikitang sitwasyon ng kaibigan pero wala naman siyang magagawa. May mga armas ang mga ito, isang pagkakamali ay siguradong may masasaktan sa sinoman sa kanila.
“Elij,” tinig iyon ni Thaddeus, humahakbang ito patungo sa babae.
“Diyan ka lang, Attorney,” pigil dito ni Drake. Ngumisi ang lalaki at binunot ang baril na nasa likod nito pagkatapos ay iniabot nito iyon kay Elij. “Gusto mong iligtas ang kapatid mo, hindi ba? Puwes, barilin mo ang lalaking iyan. Iyon naman ang misyon mo, hindi ba? Kaya ka lumapit sa kanya para subaybayan siya at ilapit siya sa amin upang magawa naming tapusin ang buhay niya.”
Nagulat siya sa narinig mula dito. Nakikita niya rin ang pangangatal ni Elij. Nang tingnan niya si Thaddeus ay nagtaka pa siya nang makitang walang pagkagulat sa mukha nito. Hindi ba ito nagagalit sa nalaman? Hindi ba ito magtatanong?
“Elij, look at me,” utos pa ni Thaddeus sa babae.
“Shoot him, Elij!” sigaw ni Drake. “O mamamatay ang kapatid mo!” lumapit ito sa tauhang may hawak sa kapatid ni Elij at inagaw dito ang baril. Si Drake na mismo ang humawak sa bata at itinutok sa sentido nito ang baril.
Kitang-kita niya ang paghihirap sa mukha ni Elij ng mga oras na iyon. Gustong-gusto niya itong tulungan pero hindi niya alam kung paano. Bakit ba nangyayari ang bagay na ito sa kanila?
Tumingin si Elij sa hawak na baril bago sumulyap sa kanya. Parang may gusto itong iparating sa pamamagitan ng tingin na iyon. Her eyes were begging and suffering, parang humihingi ito ng tulong. Ilang sandali lang ay inilipat nito ang tingin kay Thaddeus na lalaking minamahal nito pagkatapos ay itinaas nito ang hawak na baril at pinaputok iyon. Tumama sa kanang balikat ni Thaddeus ang bala.
Hindi niya magawang paniwalaan ang nangyari. Elij just shot… Thaddeus? Parang namanhid ang buo niyang katawan ng mga oras na iyon. Napatingin na lang siya kay Elij na tumatakbo palabas kalong ang kapatid nitong naagaw na nito kay Drake. Animo’y hindi na gumagana ang isipan niya ng mga oras na iyon.
Napatingin siya kay Drake nang lumapit ito sa duguang katawan ni Thaddeus sa sahig at itinutok sa lalaki ang hawak na baril. Mabilis siyang kumilos at lumapit sa baril na ibinagsak kanina ni Elij matapos nitong barilin si Thaddeus.
Pinulot niya iyon at itinutok kay Drake. “Subukan mo, Drake. Ikaw ang susunod,” pilit niyang pinatatag ang boses. Kailangan niyang manatiling matatag. Hindi niya hahayaang tuluyan nito ang lalaking minamahal ng kaibigan niya.
Hindi makapaniwalang napatingin sa kanya si Drake. “Walang hiya ka, Rachel! Dapat mamatay ng lalaking ito! Kinakampihan mo ang traydor na Elij na iyon?!”
“Oo!” sigaw niya. “Dahil kaibigan ko pa rin siya. Subukan mong saktan pa ang lalaking ito, hindi ako magda-dalawang isip na patayin ka,” banta niya. Ni minsan ay hindi siya nagbanta ng ganoon pero kailangan niyang gawin, kailangan niyang magmukhang matapang at malakas.
“Kapag nalaman ni Anthony ito—”
“Kakausapin ko si Anthony,” putol niya dito. “Kaya umalis na kayo,” sumulyap siya sa isa pang tauhan na nanatiling nakayuko.
Tumawa si Drake at ilang ulit na nagmura. “Malakas ang loob mo dahil alam mong pagbibigyan ka ni Anthony,” dinuro pa siya nito bago tuluyang umalis.
Pagkaalis ng mga ito ay nanghihina siyang lumapit kay Thaddeus. Wala ng malay ang lalaki. Kailangan niya na itong madala sa ospital dahil maraming dugo na ang nawala dito. Kailangan niya itong mailigtas para kay Elij. Sigurado siyang iyon ang ipinapakiusap ng mga mata nito sa kanya kanina. Sigurado siya doon.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon