ILANG ulit na bumuntong-hininga si Rachel Leigh habang nakatigil ang motor niya sa bungad ng isang hindi na nagagamit na pier kung saan sinabi ni Anthony na naroroon sina Vincent at Sophia na pinahihirapan ng mga tauhan ng lalaki. Nakasuot siya ng itim na helmet para maitago ang mukha. Kailangan niyang gawin ito para sa kalayaan niya.
Makalipas ang ilang saglit ay muli niya ng pinaandar ang motor at pinaharurot iyon papasok sa loob ng pier. Tumigil siya ilang hakbang ang layo sa isang lalaking sa pagkakatanda niya ay tauhan ni Anthony. May hawak itong isang kahoy na akma nitong ihahampas kay Vincent Fabella na nakabagsak na sa lupa. Napatigil lang ito nang makita siya.
Napasulyap siya kay Sophia na hawak naman ng isa pang lalaking tauhan ni Anthony ilang hakbang ang layo kay Vincent. Punong-puno na ng luha ang buong mukha ng babae habang nakatingin sa kanya. Nakaramdam siya ng awa para dito lalo na sa asawa nitong puno na ng pasa at dugo ang buong katawan. Ano ba itong pinagawa ni Anthony?
“Mabuti naman at dumating ka na,” narinig niyang wika ng tauhang malapit kay Vincent. “Sige na, gawin mo na ang ipinag-uutos sa’yo. Tapusin mo na ang alinman sa kanila,” utos nito.
Ilang saglit siyang nanatiling nakatigil at nakatitig kay Vincent na halos mawalan na ng malay sa lupa bago niya hinugot ang baril na nasa likod. Kailangan niyang gawin ito. Itinapat niya ang baril kay Vincent.
Nagulat siya nang makita ang pagkawala ni Sophia mula sa lalaking nakahawak dito at mabilis na tumakbo patungo sa asawa nito at iniharang ang katawan dito.
“P-Parang awa mo na,” pagmamakaawa ni Sophia sa kanya habang patuloy sa pag-iyak. “H-Huwag siya… a-ako na lang… parang awa mo na… ako na lang…”
Animo’y pinipiga ang puso niya sa sakit sa nakikitang pagmamakaawa nito sa harapan niya. Kitang-kita niya ang kaseryosohan sa mga sinabi nito.
Nalipat ang tingin niya kay Vincent nang umubo ito. “S-Sophia…” tawag nito sa pangalan ng asawa sa nanghihinang tinig.
Umiling si Sophia. “K-Kasalanan ko ito… ako ang dapat na maghirap… please… a-ako na lang…” ang mga mata nito ay nagma-makaawang nakatitig sa kanya. Hindi nito nakikita ang mukha niya pero alam niyang kilala siya nito. “Mahal na mahal ko siya…”
Tuluyan nang gumuho ang katatagang inilagay niya sa sarili. No. Hindi niya magagawa ito. Hindi niya magagawang saktan ang mga inosenteng tao para lamang sa sarili niyang kasiyahan at kalayaan. Hindi kaya ng konsensiya niya.
Nangangatal ang kaliwang kamay niyang may hawak na baril pero sinubukan niya pa ring ilipat iyon ng pagkakatutok sa tauhan ni Anthony na malapit sa mga ito. Hindi na siya nagdalawang-isip at pinaputok iyon. Tumama ang bala sa kanang binti nito at napabagsak ito sa lupa habang sumisigaw sa sakit.
Bago pa makabunot ng baril ang isa pang tauhan ay nabaril niya na rin ang binti nito. Mabilis na kumilos si Sophia at tumakbo sa mga tauhang iyon para kunin ang mga armas ng mga ito. Bumaba siya ng motor at kinuha sa babae ang mga armas pagkatapos ay itinapon niya iyon sa dagat na hindi kalayuan sa kanila.
Nang makabalik siya kina Sophia ay pinipilit na nitong buhatin si Vincent na kanina pang nawalan ng malay. Tinulungan niya ito hanggang sa makasakay sila sa motor niya at pinaharurot iyon palayo sa lugar na iyon. Pinilit niya ang sariling maging matatag hanggang sa makarating sila sa pinakamalapit na ospital. Nang masiguro niyang maayos na ang mga ito ay minabuti niyang umalis na rin kaagad.
Pagkarating niya sa bahay ay mabilis niyang tinanggal ang suot na helmet at nagmamadaling tinakbo ang hagdan paakyat sa kuwarto nila. Ganoon na lang ang pagsilay ng pag-asa sa puso niya nang masilayan ang mukha ng asawang nakaupo sa kama at nagbabasa ng libro.
Agad itong napatayo nang makita siya. Mabilis itong nakalapit sa kanya, puno ng pag-aalala ang mukha. “Baby, anong nangyari sa’yo? Saan ka nanggaling? Kanina pa kita—”
Hindi na nito natapos ang sasabihin nang siilin niya ng halik ang mga labi nito. Unti-unti itong napaatras at bumagsak sila sa ibabaw ng kama. Nasa ibabaw siya nito at nagmamadali niyang tinanggal ang mga damit na suot nila. Kailangan niya ang init nito, kailangan niya ang yakap at halik nito. Kailangan nitong burahin ang lahat ng takot at kalungkutang nararamdaman niya ng mga oras na iyon.
Nang bahagya siyang lumayo dito ay nakita niya ang pagkasabik na nasa mukha nito. Tinitigan niya ng buong pagmamahal ang mukha nito. “I love you so much, Christopher,” bulong niya. Muli siyang bumaba at hinalikan ang mga labi nito. So much. Please remember that.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...