AGAD na sumilay ang isang matamis na ngiti sa mga labi ni Rachel Leigh nang mamulatan niya ang mukha ng asawa niya pagkagising niya kinaumagahan. Tinitigan niya ito ng mahabang sandali. He was still plummeting into a deep and peaceful slumber.
Malawak siyang napangiti. Gaano katagal niya na bang hiniling na mamulatan ang mukha nito tuwing umaga? Marahan niyang hinaplos ang guwapong mukha nito. Mahal na mahal niya ito at gagawin niya ang lahat para maiparamdam iyon dito.
Kinintalan niya ng marahang halik ang mga labi nito bago dahan-dahang umupo. Napangiwi siya. Nakakaramdam pa rin siya ng sakit. Sumulyap siya kay Christopher para masigurong hindi niya ito nagising. Ayaw niyang istorbohin ang tulog nito.
Marahan niyang kinalas ang braso nitong nasa baywang niya at bumaba ng kama. Muling nag-init ang pakiramdam niya nang makita ang mga damit nila sa sahig. Isa-isa niyang pinulot ang mga iyon at ipinatong muna sa kama. Humakbang siya patungo sa closet na naroroon at kumuha ng isang damit at sleeping trousers ng asawa. Ito na muna ang isusuot niya dahil hindi naman maaaring maglakad siya ng walang saplot patungo sa sariling kuwarto.
Lumipad ang tingin niya sa cell phone niyang nasa sahig nang marinig ang pagtunog niyon. Mabilis siyang lumapit doon at kinuha iyon. The caller was Anthony again.
Sumulyap muna siya sa asawa bago lumabas ng kuwarto nito. Pagkalabas niya ay saka niya sinagot ang tawag. “Bakit?” malamig na tanong niya.
“Tinawagan kita kagabi, hindi mo sinagot. Ayos ka lang ba diyan, Rachel Leigh?” nag-aalalang balik-tanong nito.
“Oo, nakatulog ako ng maaga kagabi,” pagsisinungaling niya.
Ilang sandali itong hindi nagsalita sa kabilang linya.
“M-May kailangan pa pala akong asikasuhin, Anthony,” wika niya para tapusin na ang tawag. Hindi niya na gustong makausap ito. Nakapag-desisyon na siya. Hindi niya na gustong ituloy ang pagsunod sa mga utos nito. Iiwasan niya na ito hanggang maaari. Mananatili na siya simula ngayon sa tabi ni Christopher, sa tabi ng asawa niya.
Alam niya na ngayon ang totoo. Alam niya na ngayon kung sino ang dapat niyang panigan. Kahit na malaki ang naitulong sa kanya ni Anthony noon ay hindi niya naman magagawang saktan ang lalaking pinakamamahal niya. Hindi niya na gustong mahiwalay dito. Simula ngayon ay susubukan niyang itama ang lahat ng naging desisyon niya. Kakalimutan niya na ang nakaraan at susubukang magbagong-buhay sa piling ni Christopher.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...