NAPATINGIN si Rachel Leigh sa cell phone na nasa ibabaw ng kama nang marinig ang pagtunog niyon. Bahagya pa siyang natigilan nang abutin iyon at makitang si Anthony ang tumatawag. Ilang ulit muna siyang bumuntong-hininga bago iyon sinagot. Matagal-tagal na rin simula nang huli silang magkausap.
“Rachel Leigh,” bungad na bati ni Anthony sa kanya. “Kumusta ka na diyan?”
“Ayos lang naman ako dito, Anthony,” sagot niya.
“Wala bang ginagawang masama sa’yo ang lalaking iyan?” tanong pa nito, may pag-aalala na sa tono. “Hindi ka ba niya pinahihirapan?”
“Hindi naman.”
“Mabuti naman,” mukhang nakahinga ito ng maluwag base na rin sa tinig nito. “May nakuha ka na bang impormasyon sa kanya?”
Ilang saglit siyang natahimik. Oo nga pala, nakalimutan niya na ang bagay na iyon. Masyado na ba siyang nahumaling sa pagiging asawa ni Christopher kaya nakalimutan niya na ang tunay na dahilan kung bakit siya naririto? “W-Wala pa,” mahinang sagot niya.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Kailangang ko ng magmadali, Rachel Leigh,” anito. “Kailangang makakuha ka na ng kahit na anong importanteng papeles patungkol sa mga pag-aari niya, lalo na sa MicroGet. Subukan mong pasukin ang pribadong lugar niya, ang kuwarto niya o ang study room. Siguradong mayroon siyang nadadalang mga papeles o kontrata na posibleng makatulong sa akin. Investor list? Product proposal? Accounting reports? Kahit ano.”
Kumunot ang noo niya sa pagmamadaling nasa tono nito. Bakit ba atat na atat na itong makakuha ng impormasyon patungkol sa MicroGet? Bakit ba gustong-gusto nitong sirain si Christopher? Ano ba talagang nagawa ng asawa niya dito? Sa loob ng mga panahong nakasama niya si Christopher ay mukha namang wala itong ginawang masama pagdating sa negosyo nito. Kaya gusto niyang malaman kung ano ang ikinagagalit ni Anthony dito. Gusto niyang malaman pero hindi niya magawang makapagtanong. Wala pa siyang lakas ng loob. Hindi niya gustong mapansin ni Anthony na nagdadalawang-isip na siyang tulungan ito. Hindi niya maaaring galitin ito.
“S-Susubukan ko, Anthony,” naitugon niya na lang kahit hindi iyon bukal sa kalooban niya.
“Kailangan mong gawin ng mabilis, Rachel Leigh,” ani pa nito. “Hindi na ako makapaghintay. At hindi ko na rin magagawang hayaan na magtagal ka pa sa poder ng lalaking iyan.”
“Sige,” maikling tugon niya at mabilis ng nagpaalam dito.
Pagkatapos ng tawag ay naupo siya sa kama at sandaling nag-isip. Inabot niya ang kaibuturan ng puso. Gusto niya pa bang gawin ito? Ipinikit niya ang mga mata. Ano bang mapagpipilian niya? Nag-desisyon siyang pasukin ang buhay ni Christopher para matulungan si Anthony. Wala na siyang magagawa para mabago pa ang lahat. Naririto na siya. Kahit nakakapagod ay kailangan niyang magpatuloy, kahit na masakit.
Hindi niya na napigilan ang mapaluha sa nagiging takbo ng buhay niya. Sana nabubuhay pa si Sandra para naman may nakakausap siya sa lahat ng kaguluhan ng isip at puso niyang ito.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomantizmThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...