Chapter 19.5

2.8K 62 1
                                    

ILANG linggo na pinilit ni Rachel Leigh na huwag pag-ukulan ng pansin si Christopher. At para magawa iyon ay mas pinili niyang huwag maglagi sa bahay nito. Ilang gabi din siyang hindi natutulog doon kundi sa apartment niya. Mas mabuti na iyon kaysa ang manatili siya sa bahay na iyon at patuloy na masaktan sa mga ipinapakita sa kanya ni Christopher.
“Dapat sigurong bumili ka na ng bagong motor, Rachel Leigh,” wika ni Daniel nang makababa sila ng sasakyan nito at makatapat sa gate ng bahay ni Christopher. “Madalas ka ng masiraan ngayon.”
Tumingin siya dito. Ito ang naghatid sa kanya ngayong gabi dahil hindi na naman nga umandar ang motor niya. Hindi niya na lang ito sinagot at nagpasalamat. Pagod na pagod na siya at gusto niya nang magpahinga.
Nang makaalis na ito ay pumasok na siya sa loob ng bahay. Napatigil siya sa paghakbang nang makita sa bukana nang bahay si Christopher. Madilim ang mukha nito.
“Mabuti naman at naisipan mo pang umuwi dito,” marahas na wika nito.
Napaismid siya. Ano ba ang nakain nito ngayon at naisipan siyang kausapin para lamang sumbatan? Tiningnan niya ito ng masama. “Huwag kang umakto na parang tunay na asawa, Christopher,” mapait na sagot niya. Hindi niya na napigilan ang pag-uumalpas ng galit na nararamdaman para dito nitong nakaraang mga linggo.
Sumiklab ang galit sa mga mata ng lalaki. “Napagsasalitaan mo na ako ng ganyan, Rachel Leigh? Bakit? Sinong bang maipagmamalaki mo?”
Pinilit niyang kalmahin ang sarili para hindi ito masaktan. “Wala ka ng pakialam,” aniya. “Alalahanin mong hanggang papel lang ang pagiging mag-asawa natin kaya hindi ka dapat nakikialam sa mga gusto kong gawin. Dahil hindi ako nakikialam sa mga inaakto mo.” Hindi niya na ito hinintay na makasagot at nilagpasan na. Kung hindi siya aalis ay siguradong bibigay na ang mga tuhod niya at mapapahiya siya sa harapan nito. Ayaw niyang mangyari iyon.
Laking pasasalamat niya nang hindi na siya nito sundan hanggang sa makarating siya sa sariling kuwarto. Pagkapasok doon ay agad siyang tumungo sa kama at doon humagulhol ng iyak. Bakit ba sobrang sakit ng nararamdaman niya? Totoo naman ang mga sinabi niya, ah? Pero bakit siya nasasaktan?

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon