Chapter 6.2

3.6K 90 1
                                        

BUMUNTONG-HININGA si Rachel Leigh habang naglalakad sa gilid ng daan sa isang kalye sa Ortigas nang gabing iyon. Galing siya sa isang guitar shop doon dahil ipinaayos niya ang gitara niya. Naisipan niyang maglakad-lakad ng ilang sandali para makapag-pahangin. Hindi niya dala ang motor dahil nasira rin iyon at nasa isang repair shop. Maya-maya siguro ay papara na siya ng masasakyan pauwi.
Nitong nakaraang mga linggo ay parang punong-puno ang isipan niya ng mga bagay-bagay. At lahat ng mga bagay-bagay na iyon ay patungkol sa lalaking nagpapagulo sa isipan niya. Matagal niya na itong hindi nakikita dahil hindi na rin naman ito dumadalaw sa Niel’s Bar.
Naalala niya pa nang ihatid siya nito pauwi sa bahay niya noong gabing natuklasan nito ang takot niya sa ulan. Wala silang ganoong naging imikan noon pero hindi niya makakalimutan ang marahan nitong paghaplos sa mukha niya bago siya bumaba ng sasakyan nito.
Muli na naman siyang napabuntong-hininga. Bakit ba siya nagkakaganito? Bakit ba palagi niya na itong naiisip? Nasisiraan na ba siya ng bait? Ano na lang ang sasabihin sa kanya ni Anthony kapag nalaman nito ang mga nangyayari sa kanya tuwing nakakasama ang Christopher na iyon?
Napatigil siya sa pag-iisip nang makarinig ng busina ng sasakyan. Paglingon niya ay nakita niya ang isang itim na Subaru. Nagulat pa siya nang makita ang pagbaba ni Thaddeus Arzadon mula doon. Nakilala niya ito noong minsang isama siya ni Sophia sa bahay ng kaibigan nito.
“Rachel Leigh,” masayang bati nito sa kanya, may isang magandang ngiti sa mga labi nito. Napaka-masayahin talaga ng itsura nito, siguro dahil na rin sa mga malalalim na dimples sa magkabila nitong pisngi at sa ngumingiti rin nitong mga mata.
Bahagya siyang ngumiti dito bilang pagbati.
“Saan ka pupunta?” tanong nito nang makalapit.
“Pauwi na ako,” sagot niya. “Naglalakad-lakad lang ako.”
Tumango-tango ito. “Galing ka sa Niel’s Bar?”
Umiling siya. “Ipinaayos ko lang itong gitara ko,” tukoy niya sa gitarang nakasakbit sa likod.
“Ihahatid na kita pauwi,” alok pa nito.
Muli siyang umiling. “Hindi na,” pagtanggi niya. “Balak ko na rin namang pumara ng taxi.”
“Sige na,” pangungulit pa nito. “Ayokong iwanan ka dito. Paano na ang pagiging gentleman ko?” ngumiti pa ito.
Wala na siyang nagawa kundi ang pumayag at pumasok sa loob ng sasakyan nito nang buksan nito ang pinto niyon.
Nang simulan na nitong paandarin ang sasakyan ay naisip niya sanang itanong kung bakit hindi nito kasama si Elij. Pero hindi niya na ginawa. Siguradong magtataka ito kung paano niya nakilala ang babae.
“May dine-date ka ba ngayon, Rachel?” tanong ni Thaddeus na ikinagulat niya.
Itinutok niya ang paningin sa unahan. “Wala.”
Napasinghap ito. “Bakit naman? Sayang ang ganda mo. Gusto mo tayo na lang?” sinundan pa nito iyon ng malakas na tawa.
Napatingin siya dito at napailing. Mahilig talaga itong mambola. Parang hindi ito lawyer kung umasta.
Sumulyap ito sa kanya at kumindat. “Gusto mo ba?”
“Hindi,” direktang sagot niya.
Lumaglag ang balikat nito. “Hindi mo ako type?” lumabi ito na parang bata. “Hayaan mo na, may diyosa pa naman akong bodyguard. Siya na lang ang aakitin ko,” muli na naman itong tumawang mag-isa.
Napailing na lang siya. Siguradong si Elij ang tinutukoy nito. Mukhang type na type nito ang kaibigan niya, ah? Well, maganda naman si Elij at mukhang hindi talaga nagpapalampas ng magandang babae ang lalaking ito. Nasa itsura naman nito ang pagiging babaero. Napangiti siya sa naisip.
Maya-maya ay nakarinig sila ng pagtunog ng cell phone. Inabot ni Thaddeus ang earpiece na nasa compartment at isinuot iyon para sagutin ang tumatawag dito.
“Yes?” panimula nito. “Oh, Mr. Ballada? Kanina ko pa kayo tinatawagan… Yes… Ngayon?” napabuntong-hininga ito. “Okay, I’ll be there,” tinapos na nito ang tawag.
Sumulyap ito sa kanya, may pag-aalala na sa mukha nito. “It’s a witness para sa kasong hawak ko,” tukoy nito sa kausap nito kanina. “Gusto niyang makipagkita ngayon.”
Tumango-tango siya. “Puwede mo na akong ibaba diyan sa tabi. Kaya ko na namang mag-commute.”
Napabuntong-hininga ito. “I’m really sorry, Rachel. Pero huwag kang mag-alala, dadalhin na lang kita sa kaibigan ko para maihatid ka niya. Ayoko namang ibaba lang kita diyan sa tabi.”
Tumingin siya dito. “Ayos lang naman sa akin iyon, Thaddeus. Puwede mo na akong ibaba diyan.”
“No,” pagtutol pa rin nito. “Malapit na naman tayo sa MicroGet.”
Hindi niya naitago ang pagkagulat sa sinabi nito. MicroGet? Anong gagawin nila sa kompanya ni Christopher?
“Kilala mo naman siguro si Christopher, hindi ba?” tanong pa nito. “Nababanggit ka niya sa amin minsan,” sumulyap pa ito sa kanya at ngumiti.
Iniiwas niya ang tingin dito. Nababanggit siya ni Christopher sa mga ito? Pero bakit?
“Siguradong pauwi na iyon ngayon,” dugtong pa ni Thaddeus. “Hihingan ko siya ng pabor na ihatid ka. Mahihiya akong magpakita sa’yo kapag pinababa lang kita sa kung saan.”
Ilang ulit siyang napalunok. “Pero ayos lang naman—”
“Mabait naman si Christopher,” putol nito sa kanya. “Siguradong papayag iyon.”
Tututol pa sana siya pero muli na naman itong nagsalita.
“We’re here,” sabi nito.
Napatingin siya sa labas at nakitang nasa harap na nga sila ng building ng MicroGet. Bumaba ito ng sasakyan at pinagbuksan siya ng pinto.
Nag-aalangan siyang bumaba at sumunod dito papasok sa loob ng building. May ilang empleyado pa doon ang nasa lobby. Nagpatuloy lang sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa elevator.
Sobrang lakas ng kabog ng puso niya. Ipinagdarasal niya na sana ay wala doon si Christopher. Hindi pa talaga siya handang makita ito kahit na ang puso naman niya ay sige lang ang pag-asam na muling masilayan ito.
“Rachel Leigh,” pukaw sa kanya ni Thaddeus.
Napatingin siya dito at nakita ang nagtataka nitong mukha.
“Kanina pa kita kinakausap,” sabi nito. “May problema ka ba?”
Umiling siya. “W-Wala.”
Napangiti ito. Ilang sandali lang ay bumukas na ang pinto ng elevator sa floor kung saan naroroon ang opisina ni Christopher. Lumabas sila ng elevator. Patuloy lang siya sa pagsunod sa lalaki habang tinitingnan ang paligid. Kitang-kita sa disenyo ng palapag na iyon ang pagiging high-class ng kompanyang ito.
Napatigil siya sa paglalakad nang mapansin ang isang babaeng nakaupo sa likod ng desk na naroroon. Ito siguro ang sekretarya ni Christopher na si Liezl Castro. Kilala niya ito dahil nakasulat iyon sa impormasyon patungkol kay Christopher noon at sa pagkakaalam niya ay nobya ito ni Justin Aguirre.
Ilang beses niya na ring nakikita si Justin sa mga lugar na pinupuntahan niya nitong nakaraang mga araw. At dahil magkaklase sila noon sa high school ay nakakapag-usap naman sila at nabanggit nito ang tungkol sa nobya nito.
Lumapit si Thaddeus sa mesa ng babae na animo’y galit dahil sa lakas ng pagtipa nito sa keyboard na nasa harap.
“Whoa. Easy, Liz. Baka masira mo na ang computer niyan,” wika ni Thaddeus dito.
Napaangat ng tingin si Liezl dito pagkatapos ay nalipat sa kanya. Ilang sandali nitong sinuri ang kabuuan niya. Sanay na siya sa mga panunuri ng mga tao sa kanya. Alam niya naman kasi na kakaiba ang uri ng pananamit at pag-aayos niya. Nakasuot siya ngayon ng brown leather jacket, black jeans at black pants. Ganito na talaga ang panlasa niya sa mga damit at hindi niya ikinahihiya iyon. She was not used to dress like how most girls do.
“Girlfriend mo?” tanong ni Liezl kay Thaddeus.
Umiling si Thaddeus. “Hindi ako type nitong si Rachel Leigh, eh,” sagot nito. “Ano ba’ng kulang sa akin, Liz? Sabihin mo nga,” ma-dramang dugtong pa nito.
Hindi niya napigilan ang mapangiti sa ka-dramahan nito.
“By the way,” ani pa ni Thaddeus. “May problema ka ba, Liz? Sina-salvage mo kasi ‘yang keyboard.”
Bumuntong-hininga si Liezl. “‘Yan kasing kaibigan mong si Matthew, hindi ko na maintindihan ang ugali. Mula nang bumalik siya dito, parang bale-wala na ‘ko sa kanya. Ang bilis magpalit ng mood.”
Sa tingin niya ay ang tinutukoy nitong Matthew ay si Matthew Azcarraga na isa sa mga kaibigan at ka-breaker nitong si Thaddeus.
Napailing si Thaddeus. “Sa tingin mo nagme-menopause na kaya siya?”
Malakas na napatawa si Liezl sa kalokohan ng lalaki. Napangiti naman siya.
“Bakit ka nga pala nandito?” tanong ni Liezl kay Thaddeus.
Hindi pa nakakasagot si Thaddeus ay tumunog na naman ang cell phone nito. Sandali itong nagpaalam at lumayo para sagutin ang tawag doon. “Papunta na nga ako diyan,” anito. Ito siguro ang witness na kausap nito kanina.
Bumuntong-hininga siya at lumakad palapit sa mesa ni Liezl. “Ikaw ang girlfriend ni Justin, ‘di ba?” naisipan niyang itanong dito.
Tumango ito, may pagtataka sa mukha. “How did you know?”
“Matagal ko na siyang kakilala, nai-kuwento ka niya sa ‘kin,” sagot niya. Iginala niya ang paningin sa paligid. “So, this is MicroGet.”
Napangiti ito. “Napakaganda ng kompanyang ‘to. Everything is fair. Siyempre, mabait ang boss namin.”
Tumingin siya dito bago sumulyap sa isang pintong naroroon. Siguradong iyon ang opisina ni Christopher. Nasa loob kaya ito?
Napatingin siya kay Thaddeus nang bumalik ito sa kanila. “Nandiyan ba si Christopher?” tanong nito kay Liezl.
“Oo, bakit? Kakausapin mo?”
Tumango si Thaddeus at tumayo na si Liezl para samahan ang lalaki patungo sa opisina ni Christopher.
“Rachel, wait here for a while, okay? Hindi naman ako magtatagal,” sabi pa ni Thaddeus bago sumunod kay Liezl.
Nakaalis na ang mga ito at naiwan siyang nakatayo lang doon. Nais niya ng umalis pero ayaw niya namang mag-isip ng kung ano si Thaddeus. Ipinagdarasal niya na sana ay abala pa si Christopher sa trabaho at hindi siya magagawang ihatid.
Napapikit siya. Ano bang mga iniisip niya? Bakit ba siya natatakot na ngayong humarap sa lalaking iyon?
Ilang minuto pa siyang nakatayo doon hanggang sa makita niya ang pagbubukas ng pinto ng opisina at paglabas ni Thaddeus.
Lumapit ito sa kanya. “Ayos na,” panimula nito. “Pumayag na si Christopher na ihatid ka. Hintayin mo na lang siya dito, uuwi na rin naman daw siya,” ngumiti ito. “Pasensiya ka na talaga, Rachel, ha? Hayaan mo sa susunod babawi ako,” nagmamadali na itong nagpaalam at nilisan ang lugar na iyon.
Naiwan siya doong nakatulala. Pumayag si Christopher? Pero anong gagawin niya? Paano siya kikilos sa harap nito?
“Umalis na si Thaddeus?” narinig niyang tinig sa harap niya.
“Oh?” napatingin siya kay Liezl. Hindi niya namamalayang naroroon na pala ito. “Ah, yeah,” maikling tugon niya.
“You can sit on that settee over there,” itinuro nito ang isang settee na naroroon hindi kalayuan sa desk nito. “Lalabas na si Christopher mamaya.”
Lumapit siya sa settee na iyon at naupo doon. Inilapag niya muna sa sahig ang hawak na guitar case bago sumandal sa sandalan at pumikit. Umalis na lang kaya siya? Magdadahilan na lang siya.
Muli siyang napamulat at tumingin kay Liezl. “Aalis na lang siguro ako, matatagalan pa ba siya?” tanong niya dito.
“May importante ka pa bang pupuntahan?” ganting-tanong nito.
“W-Wala naman,” sagot niya.
“Hintayin mo na lang siya, hindi magugustuhan ni Thaddeus kapag nalaman niyang umalis kang mag-isa. Nakiusap pa naman siya kay Christopher.”
Tumango na lang siya at ipinatong ang ulo sa headrest ng settee bago muling pumikit. Wala na talaga siyang magagawa kung ganoon? Aakto na lang siyang normal, iyon ang pinaka-magandang gawin niya.
“Where are you working?” narinig niyang tanong pa ni Liezl.
Sinagot niya ito nang hindi nagmumulat. “I’m in a rock band, tumutugtog kami sa G Club at sa Niel’s Bar.”
“Niel’s Bar? Iyong bar ni Daniel Fabella?” tanong pa nito.
“Oo.”
Hindi niya na ito narinig na nagsalita. Nanatili naman siya sa ganoong posisyon at patuloy na kinakalma ang sarili. Pero biglang tumalon ang puso niya nang marinig ang boses ni Christopher.
“Hindi ka pa ba uuwi, Liz?” tanong nito sa sekretarya.
“Maya-maya na siguro,” sagot ni Liezl.
Nagmulat siya ng mga mata at umayos ng upo. Kitang-kita niya na ngayon ang lalaking iyon. He was wearing a black three-piece suit and he looked so handsome kahit dapat ay haggard na ito dahil sa buong araw na trabaho.
“Mauna na ako,” paalam nito sa sekretarya at lumakad palapit sa kanya. Inabot nito ang case ng gitara niya na nasa sahig. “Let’s go.”
Tumayo siya at tinangkang kunin dito ang case. “Ako na ang magdadala niyan.”
Inilayo nito ang hawak. “You look very tired, ako na.”
Hindi na siya nagpumilit at nauna nang lumakad palayo. Ayaw niyang makita nito ang kabang nararamdaman niya. ayaw niyang marinig din nito ang malakas na tibok ng puso niya.
What was really wrong with this heart of hers? Why was it pounding crazily everytime she was seeing him? Gusto niyang pagalitan ang sarili, lalo na ang puso niya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon