NAPATIGIL si Rachel Leigh sa pagkalikot sa gitara niyang wala na naman sa tono nang muli na namang makakita ng flash ng camera. Tiningnan niya ng masama si Christopher na nakaupo katabi niya sa sofa ng living area. Kanina pa siya nito kinukuhanan ng larawan kahit na kanina niya pa rin itong pinapatigil.
Ibinaba niya sa sahig ang gitara at inagaw dito ang camera. Agad naman nito iyong nailayo. “Christopher, ano ba? Kanina ka pa,” pagalit niya dito. “Hindi ka na nga pumasok sa opisina mo, kinukulit mo pa ako.”
Tumatawa lang ito habang tinitingnan ang mga larawan niya sa camera na iyon. Humalukipkip siya at tinalikuran ito ng upo. “Huwag mo akong kakausapin,” pananakot niya pa.
Naramdaman niya ang paglapit nito sa kanya. Sapilitan siya nitong pinaharap dito. “Baby, bakit ka ba nagtatampo? Maganda ka naman sa lahat ng kuha mo,” pambobola pa nito.
Lumabi siya, agad namang nawala ang pagtatampo niya dahil sa paraan ng pagtitig nito at sa kamay nitong marahang humahaplos sa likod niya.
Ipinatong nito ang camera sa mesa na nasa harap at sinenyasan siyang maupo sa kandungan nito. Mabilis siyang sumunod dito. Sinuklay niya ng mga daliri ang buhok nito habang nakatitig lang ito sa kanya. “Wala ka ba talagang gagawin sa opisina mo?” tanong niya dito.
Umiling ito. “Katatapos lang naming pag-usapan ang isang project para sa launching ng bagong produkto ng kompanya. Pinagpa-planuhan na lang ang mga bagay patungkol sa paglabas niyon. It’s now in the lap of gods kung magiging successful ang planong iyon.”
“Magiging successful iyon,” sabi niya. “Kasama mo na ba si Papa sa pagpapatakbo ng MicroGet?”
Tumango ito. “Galing pa rin iyon sa kanya, gusto kong makita kung babawi ba talaga siya sa lahat ng ginawa niya sa amin noon,” ngumiti pa ito.
Napangiti rin naman siya. Lumapit siya dito at hinalikan ito sa mga labi. “I love you,” bulong niya sa pagitan ng paghalik.
“Mmm,” umungol ito. Nang maglayo ang mga labi nila ay muli siya nitong tinitigan. “Malapit na ang birthday mo. Anong gusto mong regalo, baby?”
Hindi niya inaasahan ang tanong nito. Hindi niya inaasahan na alam nito ang kaarawan niya. Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Ikaw,” natatawang bulong niya.
Tumawa rin ito. Napatigil lang sila nang marinig ang tinig ng isang katulong.
“Ma’am Rachel Leigh, may naghahanap po sa inyo,” anito.
Sabay pa silang napatingin ni Christopher kay Ciarrah nang makita ang pagpasok nito. Nakita pa niya ang pagkamangha sa mga mata ni Ciarrah sa nakitang pagkakaupo niya sa kandungan ng asawa.
Tumayo siya at nilapitan ito. “Ciarrah,” bati niya dito. Matagal-tagal niya rin itong hindi nakikita.
Tumingin ito sa kanya at ngumiti. “Ate Rachel,” sumulyap muna ito kay Christopher. “Naisipan kong bumisita kasi wala akong magawa sa bahay. Naabala ko ba kayo?”
Umiling siya. Napatingin siya kay Christopher nang tumayo din ito at lumakad palapit sa kanya. “Iwan ko na muna kayo dito,” sabi ng asawa bago hinalikan ang pisngi niya.
Hindi niya napigilan ang mapangiti habang sinusundan ito ng tingin hanggang sa makaakyat ito sa itaas. Gusto niya itong sundan pero kailangan niya pa ring harapin ang bisita. Pagbalik niya ng tingin kay Ciarrah ay nakita niya na ang pilyang ngiti sa mga labi nito.
Mabilis nitong nahigit ang kamay niya at nahila siya paupo sa sofa. “Anong ibig sabihin ng mga nakita ko, Ate? Akala ko ba ang sabi mo sa akin noon ay hanggang papel lang ang pagiging mag-asawa niyo? Bakit parang hindi naman ‘ata iyon ang nangyayari? Bakit—”
“Ciarrah,” putol niya sa sunod-sunod na pagtatanong nito. Napapikit siya at napabuntong-hininga. “Isa-isa lang.”
Pagmulat niya nang mga mata ay nakita niyang nakahalukipkip na ito at iiling-iling pa. “Mahal mo na ang asawa mo?” tanong uli nito.
Kumislap ang mga mata niya pero agad din naman siyang nag-iwas ng tingin dito. “A-Ano bang kailangan mo sa akin?” pag-iiba niya sa usapan.
Narinig niya ang paghagikhik nito ng tawa. Tiningnan niya ito ng masama.
“Hindi mo na kailangang sagutin ang tanong na iyon, Ate,” ani Ciarrah, hindi pa rin mapalis ang ngiti sa mga labi nito. “Halatang-halata na ang sagot sa mga mata mo. Pati na sa ngiti mo,” tinitigan siya nito. “Napapangiti ka niya. Isang ngiti na hindi katulad ng mga ngiti mo noon. It’s a different smile, a smile that means you have fallen in love with that man.”
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha. Pati ang batang ito ay nakikita na rin ang nararamdaman niya, ganoon na ba siya ka-transparent? Napangiti siya, wala na rin naman siyang pakialam doon.
Nagitla pa siya nang bigla itong tumili sa harapan niya. “I can’t believe it!” kinikilig na wika ni Ciarrah. “Hindi ako makapaniwalang mai-in love ka sa Christopher na iyon. I am so happy, Ate Rachel, alam mo ba ‘yon? Sa tagal ng panahon na kilala kita, ngayon lang kita nakitang parang tunay na nabubuhay. I’m so happy for you.”
Inabot niya ang kamay nito at hinawakan iyon ng mahigpit. “Thank you, Ciarrah. Masayang-masaya rin ako, hindi ko alam na makakaramdam ako ng ganitong pagmamahal para sa asawa ko. Sana hindi na ito matapos.”
“Mukhang mahal na mahal ka rin naman ni Kuya Christopher,” bumuntong-hininga pa ito.
Tumingin siya dito. Naging napakalapit na rin sa kanya nitong si Ciarrah pero hindi naman nito alam ang dahilan niya noon sa pagpapakasal kay Christopher. Hindi nito alam ang lihim niya. Kahit gusto niyang mag-open up dito ay natatakot pa rin siya. Natatakot siyang pag-usapan ang tungkol kay Anthony at sa mga bagay na ipinapagawa nito sa kanya. Natatakot siya na baka malaman iyon ni Christopher. Natatakot siya na baka magalit ito at iwanan siya. Iyon ang bagay na hindi niya kakayanin.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...