Chapter 23.2

3K 53 1
                                    

ITINIGIL ni Rachel Leigh ang pagpapatakbo ng motor niya nang matanaw ang isang bulto ng katawan na nakatayo sa isang kanto malapit sa bahay nina Christopher. Bumaba siya ng motor at nilapitan ang ama ng asawa.
Napatingin ang ginoo sa kanya. “Hija, mabuti at nakita kita dito,” anito. “Gusto ko sanang malaman kung… kung maaari ko na ba silang kausapin?”
Napayuko siya. “H-Hindi ko pa po nakakausap si Christopher, pero… pero huwag po kayong mag-alala, kakausapin ko na siya ngayon.”
Naramdaman niya ang marahang paggulo nito sa buhok niya. “Patawarin mo ako kung pinahihirapan rin kita… anak,” sabi nito.
Gulat siyang napatingin dito. Anak? Hindi niya alam pero nakaramdam siya ng kaluwagan sa puso niya sa itinawag nito sa kanya. Bata pa lang siya ay matagal niya nang ninais na magkaroon ng isang ama. Ngayon naririto sa harapan niya ang ama ng asawa niya at tinatawag na rin siyang anak. Ramdam na ramdam niya na ngayon ang pagiging parte ng pamilya nito. Ang pagiging isang tunay na Samaniego.
Nagpapasalamat siya dahil nakilala niya si Christopher at nararamdaman niya na ngayon ang mga bagay na matagal niya nang hinahanap. Sana lang ay magawa nang mapatawad ni Christopher ang ama nito para mabuo na muli ang pamilya nito… kasama siya.
Muli siyang napatingin sa ama ni Christopher nang marinig itong magsalita.
“Naririto ang aking numero,” may iniabot ito sa kanyang isang maliit na papel. “Tawagan mo ako kung maaari na akong bumalik dito at makausap sila. Maraming maraming salamat, Rachel Leigh.”
Tumango siya at inilagay sa bulsa ng pantalon ang papel. Nang magpaalam ito ay muli siyang bumalik sa motor at sumakay doon.
Pagkatapos niyang maiparada sa garahe ang motor ay tumuloy na siya sa loob ng bahay. Nang makarating siya sa ikalawang palapag ay napasulyap siya sa kuwarto ni Christopher at napangiti. Anong oras kaya ito uuwi?
Humugot muna siya ng malalim na hininga bago humakbang patungo sa sariling kuwarto. Pagkapasok niya sa loob ay agad niyang ipinatong ang guitar case na hawak sa kama bago tumuloy sa closet para magpalit ng damit. Nagulat pa siya nang makitang wala ng laman iyon.
Napahawak siya sa ulo. Saan naman kaya mapupunta ang mga damit niya? Makalipas ang ilang sandali ay nag-desisyon siyang lumabas para itanong sa mga katulong kung pumasok ang mga ito sa kuwarto niya.
Laking pasasalamat niya nang makita niya si Manang Celia na pababa palang ng hagdan, may mga hawak itong ilang labahin.
“Manang Celia,” pigil niya dito.
Napatingin ito sa kanya. “Oh, hija. Naghapunan ka na ba?”
Ngumiti na lang siya pero hindi sinagot ang tanong nito. “Alam niyo po ba kung saan napunta ang mga gamit ko?” tanong niya dito.
Kumunot ang noo nito. “Ipinalipat na ni Christopher sa kuwarto niya kanina pagkarating niya. Hindi pa ba kayo nagkikita?”
Bumilis ang tibok ng puso niya. Narito na si Christopher? Hindi niya napansin ang sasakyan nito kanina. Sumibol ang pagkasabik sa buong pagkatao niya at mabilis na nagpaalam kay Manang Celia. Pagkatapos ay mabibilis ang mga hakbang na tinungo niya ang kuwarto ng asawa.
Hindi na siya kumatok at agad na binuksan ang pinto. Nadatnan niya itong inaayos ang kama nito, hindi, nila. Mukhang nagulat pa ito sa hindi inaasahang pagpasok niya.
Malawak siyang napangiti at mabilis na lumapit dito. Nagtitigan lang sila ng mahabang sandali bago kusang pumulupot ang mga kamay niya sa katawan nito. Nagtagpo ang mga labi nila at naramdaman niya na lang ang pagbagsak nila sa malambot na kama.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon