Chapter 29.4

2.9K 46 1
                                        

AGAD na nasalubong ng mga mata ni Rachel Leigh ang tingin ni Christopher nang makapasok siya sa loob ng abandonadong gusali na iyon. Puno ng takot at pagkagulat ang mga mata nito. Nakaupo ito sa isang silya at nakatali ang mga kamay sa likod. Laking pasasalamat niya dahil mukha namang hindi ito nasaktan.
Nalipat ang tingin niya kay Anthony nang marinig ang pagtawag nito sa pangalan niya, katabi nito si Drake na nagmamasid lamang. Humakbang siya palapit sa mga ito. Gusto niyang lapitan si Christopher at yakapin ito ng buong higpit. Gusto niyang humingi ng kapatawaran dito.
Tumingin si Christopher kay Anthony. “Bakit kailangang idamay mo pa dito ang asawa ko, Anthony?” puno ng poot na tanong nito.
Umismid si Anthony. “Asawa?” tumango-tango ito. Ibinalik nito ang tingin sa kanya. “Bakit hindi mo sabihin sa lalaking ito kung sino ka ba talaga, Rachel Leigh? Para naman hindi siya masyadong nag-i-imahinasyon na tapat ka nga talaga sa kanya.”
Namutla siya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Hindi niya rin magawang tumingin kay Christopher na sigurado niyang nagtataka na sa mga sinasabi ni Anthony.
Bumaling si Anthony kay Christopher. “Nagtataka ka ba kung paano ko nakilala ang asawa mo, Christopher? Simple lang, isa siya sa mga kasama ko sa planong pagsira sa buhay mo. Siya ang inutusan kong sumubaybay sa’yo at kumuha ng mga impormasyong maaari kong magamit para mapabagsak ka.”
Namanhid na ang buo niyang katawan. Gusto niyang patahimikin si Anthony pero wala namang boses na lumalabas sa bibig niya. Hindi maaaring mangyari ito. Hindi maaaring malaman ni Christopher ito.
“Sa tingin mo ba nagpakasal siya sa’yo dahil naaawa siya sa’yo? Hindi, nagpakasal siya sa’yo dahil inutusan ko siyang gawin iyon,” ngumisi si Anthony. “Sinusunod niya lang ang mga utos ko kaya nananatili pa siya sa tabi mo.”
Marahan siyang napailing. Hindi! Hindi totoo iyan! Nang magawa niyang tumingin kay Christopher ay nakita niya ang hindi matatawarang sakit na nasa mukha nito. Tumulo na ang mga luha sa mukha niya. “C-Christopher…” mahina niyang bulong sa pangalan nito. Ihahakbang niya sana ang mga paa palapit dito pero muli na namang nagsalita si Anthony.
“Nakikita mo ba itong hawak ko?” tanong ni Anthony.
Napatingin siya dito at nakita ang mga folders na iniabot dito ni Drake.
“Ito ang mga lists ng bagong investors ng MicroGet pati na ang plano ninyong product launch ngayong taon,” pagpapatuloy ni Anthony. “Ibinigay ito sa akin ng asawa mo.”
Pakiramdam niya ay may sumuntok sa puso niya nang mga oras na iyon. Anong pinagsasasabi nito? Wala siyang ibinibigay na ganoon! Wala!
“Hindi mo ba alam na pinagtatawanan ka niya habang ibinibigay sa akin ito? Napakadali mo daw mauto,” tumawa pa si Anthony. “Hindi ko alam na masyado kang mahuhulog sa alaga kong ito, Christopher. Hindi ko alam na magpapaloko ka sa kanya.”
Tama na! Tama na! sigaw ng utak niya pero hindi niya magawang maibuka ang bibig. Napaiyak na siya nang makita ang pangangatal ni Christopher sa galit. No, please. Christopher, please look at me. Huwag kang maniwala sa kanya.
“Ilang beses mo bang sinasabi sa akin, Rachel Leigh, na pagod ka ng pakisamahan ang lalaking ito? Ilang beses mo bang tinanong sa akin kung kailan matatapos ang pagpapanggap mo?” patuloy na pagwasak ni Anthony sa puso niya. “Ilang beses ba natin siyang pinagtatawanan tuwing ikinukuwento mo sa akin ang nangyayari sa inyo? Na diring-diri ka sa bawat halik at haplos niya.”
Puno ng galit ang mga mata niya nang tiningnan niya si Anthony. “S-Sinungaling ka…” bulong niya, hindi niya alam kung narinig pa ng mga ito iyon. Pakiramdam niya ay pinagsakluban na siya ng langit at lupa. Pakiramdam niya ay ilang sandali na lang ay mawawalan na siya ng malay.
Hindi siya pinagtuunan ng pansin ni Anthony. “Masakit ba, Christopher?” humalakhak pa ito. “Hindi ko alam na tanga ka pala pagdating sa pag-ibig,” bumuntong-hininga ito. “Sapat na sa akin ito. Ang makita kang nagdurusa dahil nagpaloko ka,” bumaling sa kanya si Anthony. “Maraming salamat, Rachel Leigh, sa lahat ng naitulong mo,” pagkasabi noon ay tumalikod na ito at tuluyan nang nilisan ang lugar na iyon.
Naiwan siya doong nakatulala, animo’y iniwan na rin siya ng kaluluwa niya. Nais niyang habulin si Anthony at pagsalitaan ito ng masama pero wala na siyang lakas. Hindi na rin gumagana ang isipan niya. Bakit kailangang mangyari ang bagay na ito? Bakit kailangang lumala pa ng ganito?
Napatingin siya kay Christopher at nakitang nakayuko na ito. Madilim ang anyo nito at hindi niya magawang mabasa ang emosyong nasa mukha nito. Gusto niya itong lapitan pero natatakot siya. Nabigla pa siya nang makita ang pagpasok ni Matthew sa lugar na iyon, kasama nito ang isa pa nitong kaibigan na si Rafael Choi.
Lumapit sa kanya si Matthew habang si Rafael ay tinatanggal ang pagkatali ng kamay ni Christopher. “Ayos lang ba kayo?” tanong ni Matthew.
Hindi niya ito nagawang sagutin dahil nakatitig pa rin siya kay Christopher na tumayo na. Hindi pa rin ito nag-aangat ng tingin sa kanya. Alam niyang galit ito. Alam niya iyon pero kailangan niya itong lapitan, kailangan niyang magpaliwanag, kailangan niyang pabulaanan ang lahat ng mga kasinungalingan ni Anthony kanina.
“C-Christopher…” tawag niya sa pangalan nito. Ini-hakbang niya ang mga paa palapit dito pero agad din siyang napatigil nang iangat nito ang tingin sa kanya. She saw coldness and anger in his eyes. Binalot ng matinding sakit at takot ang puso niya sa nakikita.
Wala itong sinabi at tumalikod na lang para lisanin ang lugar na iyon. Akmang tatakbo siya para habulin ito nang pigilan siya ni Matthew. Napaiyak na siya sa harapan ng lalaki. “K-Kailangan ko siyang makausap, Matthew. Please, kailangan kong magpaliwanag,” pagmamakaawa niya.
“Not now, Rachel Leigh,” sabi nito. “Galit na galit siya.”
Umiling siya at nagpumiglas sa pagkakahawak nito. “N-No… C-Christopher!” tawag niya sa asawa pero wala na ito. Naubusan na siya ng lakas at pabagsak na napaupo sa sahig. “H-Hindi…” hagulhol niya. “M-Matthew… kailangan ko siyang makausap…” sobrang sakit na ng puso niya ng mga oras na iyon.
Lumuhod si Matthew sa harapan niya at marahang tinapik ang likod niya. Siguradong hindi rin nito alam ang gagawin.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon