ILANG minuto pa ang hinintay ni Anthony bago siya lumabas sa pinagtataguan sa ikalawang palapag ng bahay ni Christopher. Kanina pa niya napasok ang lugar na iyon nang hindi naalarma ang kahit na sino. Sanay na siyang mamasok ng bahay ng kung sino dahil dati ay miyembro siya ng mga organisasyong namamasok ng bahay ng mga kilalang tao. Ganoon ang buhay niya noong kabataan niya, halos lahat na ng masasamang gawain ay nagawa niya na. Masuwerte lang talaga siya dahil ni minsan ay hindi pa siya nahuhuli ng mga awtoridad.
Ilang araw na siyang ginugulo ng isipan niya at napag-desisyunan niya na ngang siya na ang dapat na kumilos para may mangyari sa plano niya. Hindi niya hahayaang wala siyang makukuhang kahit na ano kay Christopher at hindi niya rin hahayaang manatili pa si Rachel Leigh sa poder nito. Tatapusin niya na ang lahat ng ito.
Maingat siyang lumakad patungo sa study room na naiwang nakabukas. Kani-kanina lang ay nakita niya ang paglabas doon nina Christopher at Rachel Leigh. Kahit nahihirapan siyang makita ang mga itong magkasama ay kailangan niyang tiisin. Paano ba’t matatapos na rin ang lahat ng paghihirap na ito? Mababawi niya na rin ang lahat ng dapat ay sa kanya.
Nang makapasok siya sa loob ay agad siyang dumiretso sa table na naroroon. Nakita niya ang ilang folders at papeles na nakakalat. Kinuha niya ang mga iyon at pinasadahan ng tingin. Ganoon na lang ang pag-ngiti niya nang makitang investors’ list iyon ng MicroGet, mas lalo pa siyang nanabik nang makita ang panibagong planong produkto na ila-launch ng mga ito.
Napailing siya habang kinukuha ang mga iyon. Hindi niya alam na ganito kapabaya sa mga gamit niya si Christopher kapag may kaharap ng babae. Umismid siya. Sapat na ang mga ito sa ngayon. Ang kailangan niya lang naman ay makagawa ng paraan para mailayo si Rachel Leigh dito, iyon lang ang tumatakbo sa isipan niya ngayon.
Pagkalabas niya ng study room ay lumakad siya patungo sa pagkakatanda niyang terrace na nasa palapag na iyon. Doon niya balak dumaan para makalabas siya ng bahay na ito. Napatigil ang mga paa niya nang mapatapat sa pinto ng isang kuwarto. The room’s door was ajar.
Halos gumuho ang buong mundo niya nang marinig ang mga ungol na nanggagaling doon. Kilala niya kung kanino galing ang mga ungol na iyon. Hindi niya magawang maigalaw ang katawan dahil sa matinding pagkabigla. Hindi siya tanga para hindi maisip kung ano ang ginagawa ng mga ito sa loob ng kuwartong iyon.
How could Rachel Leigh do this thing? Paanong umaabot na sa ganito ang pagiging asawa nito sa Christopher na iyon? Ikinuyom niya ang mga kamao, binabalot na ng matinding galit ang buong puso niya.
Ilang sandali pa siyang nanatili doon bago niya nahakot ang natitirang lakas at tuluyan nang nilisan ang lugar na iyon. Marahas niyang ini-iling ang ulo nang makarating siya sa loob ng sasakyan. Hindi! May dahilan si Rachel Leigh sa lahat ng ito, pilit niyang itinatatak iyon sa isipan.
Isinubsob niya ang mukha sa manibela. Dahilan? Ano pa bang dahilan ang maaari nitong ibigay? “Damn it!” malakas na sigaw niya. “Damn you, Christopher! Nasa iyo na ang lahat! Bakit pati siya?! Bakit pati siya?!” pinagsusuntok niya ang manibela at doon ibinuhos ang lahat ng galit na nararamdaman.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...
![[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.](https://img.wattpad.com/cover/201581217-64-k446528.jpg)