Chapter 25.1

3K 46 2
                                    

“RACHEL!”
Napatigil sa paghakbang si Rachel Leigh nang marinig ang pagtawag na iyon. Nasa loob na siya ng building ng MicroGet dahil nais niya sanang bisitahin ang asawa sa trabaho. Napalingon siya sa pinanggalingan ng tawag at napangiti nang makita si Elij. Hindi niya na ito gaanong nakikita pero alam niya ang nangyari sa takbo ng buhay nito – katulad din ng sa kanya.
Minsan siya nitong tinawagan at inamin nito sa kanya na nahulog na ang loob nito kay Thaddeus Arzadon. Masaya siya para dito at nauunawaan niya ito. Pero alam niyang pino-problema rin nito ang magiging kahihinatnan ng pagbabago nito ng damdamin at desisyon.
Lumakad siya palapit dito. “Elij, anong ginagawa mo dito?”
Ngumiti ito. “Hinihintay ko si Thaddeus. Ikaw? Pupuntahan mo ba si Christopher?”
Bumilis ang tibok ng puso niya pagkarinig sa pangalan ng asawa. “Ah… oo,” tugon niya. “Mukhang… mukhang nagkakaintindihan na kayo ni Thaddeus, ah?”
Sumilay ang isang magandang ngiti sa mga labi nito. “I love him so much, Rachel,” pag-amin nito. “At ganoon din naman siya sa akin.”
Napatawa na siya. “Ngayon lang kita nakitang ganyan kasaya, Elij,” puna pa niya.
“At ngayon lang din kita nakitang ganyan, Rachel,” ganting puna nito. Pinakatitigan pa siya ng babae.
Iniiwas niya dito ang tingin.
“Kaya gagawin ko ang lahat para mabayaran ang utang ng ama ko kay Anthony,” narinig niyang dugtong ni Elij makalipas ang ilang sandali.
Muli niyang ibinalik ang tingin dito. Naalala niya na kaya ito sumusunod kay Anthony ay dahil sa utang ng ama nito sa lalaki.
“Sana naman tanggapin ni Anthony ang alok ko na iyon,” anito.
“Sana nga, Elij. Masaya ako na masaya ka ngayon,” sabi niya. Sana nga ay magbago na ang isip ni Anthony at pabayaan na ito… sila. Humihiling siya pero alam niyang hindi ganoon kadali ang bagay na iyon.
Lumapit ito sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. “Salamat, Rachel. Alam kong ito ang gusto ni Ate Sandra, ang makalaya na tayo kay Anthony.”
Bahagya siyang lumayo dito. “Ni Ate Sandra?” nagtatakang tanong niya. Bakit naman napasama dito si Sandra?
Tinitigan siya ni Elij, may pagtataka rin sa mga mata nito. Parang may nais itong sabihin pero hindi na ito nakapagsalita nang makita ang paglapit ni Thaddeus sa kanila.
Ngumiti ang lalaki at dumiretso kay Elij. “Nabagot ka ba dito?” tanong ni Thaddeus at ginawaran ng halik ang mga labi ni Elij.
Napangiti siya. Masaya siya para sa kaibigan at kay Thaddeus. Nagpaalam na siya sa mga ito at nagpatuloy na sa paglalakad.
Nang makarating siya sa palapag ng opisina ni Christopher ay agad niyang nakita ang isang babae na nakaupo sa settee na naroroon. Mukhang bagot na bagot na ito sa paghihintay. Maganda ito pero napasobra naman yata ang ikli ng skirt na suot nito. Sa tingin niya ay isa itong modelo dahil sa hubog ng katawan nito.
Napatingin ito sa kanya. Tumayo ito at lumakad palapit sa kanya, medyo nailang pa siya sa tinging ibinigay nito. Pinasadahan nito ng tingin ang kabuuan niya bago tumaas ang isang kilay. “Mukhang hindi ikaw ang secretary niya,” wika nito sa maarteng tinig. “Alam mo ba kung nasaan si Christopher?”
Kumunot ang noo niya. Sino ba ang babaeng ito? “Wala ba siya sa loob?” ganting-tanong niya.
“Magtatanong ba ako kung narito siya?” mataray na tugon nito. Ipinaikot nito ang mga mata bago muling tumalikod at bumalik sa kinauupuan nito.
Siya naman ang humakbang palapit dito. “Kaanu-ano ka ba ni Christopher?” hindi niya napigilang itanong. Bakit ba nito hinahanap ang asawa niya?
Sumulyap ito sa kanya habang tinitingnan ang manicured na kuko nito. “Ex-girlfriend,” maikling tugon nito.
Bumalot ang paninibugho sa puso niya sa narinig. Anong ginagawa ng ex-girlfriend ni Christopher dito sa kompanya nito?
Napatingin sila sa isa sa mga empleyada ni Christopher nang lumapit ito sa lugar nila. “Ma’am Rachel Leigh,” bati nito sa kanya. “Kanina pa po ba kayo dito? Hinahanap niyo po ba si Sir?”
Nginitian niya ito. “Oo, hinahanap ko ang asawa ko,” buong diin na tugon niya. Kahit nararamdaman niya ang tingin sa kanya ng ex-girlfriend na iyon ni Christopher ay hindi niya ito pinagtuunan ng pansin.
Napangiti ang empleyada. “May meeting pa po kasi ang mga board members, medyo nagkaroon po kasi ng kaunting problema,” pag-imporma nito sa kanya. “Malimit po kasing lumiliban sa trabaho si Sir nitong nakaraang mga buwan. Minsan pa nga po ay pinapa-kansela niya ang mga appointments niya.”
Nagulat siya sa sinabi nito. Alam niya ang dahilan ng malimit na pagliban ni Christopher. Dahil sa kanya. Malimit kasi ay tinatamad na itong pumasok at sinasabing wala naman daw itong gagawin sa opisina. Mapapagalitan niya ang lalaking iyon maya-maya.
“Sige po, mauna na ako. Pabalik na rin naman po siguro si Sir,” paalam ng empleyada at iniwanan na sila doon.
Nasa malalim pa siyang pag-iisip nang maramdaman niya ang muling pagtayo ng ex-girlfriend na iyon ni Christopher. Hinarap siya nito at pinagtaasan na naman ng kilay. “Hindi ko alam na totoo pala ang nababalitaan kong kasal na si Christopher,” sabi nito, muli nitong sinuyod ang kabuuan niya. “I can’t believe na ganitong klase ng babae ang pinili niyang mapangasawa.”
Nagpanting ang mga tainga niya sa sinabi nito pero pinigilan niya lang ang sariling patulan ang kababawan nito.
“Anong ginawa mo para maakit si Christopher, hmm?” tanong pa nito.
Puno ng kumpiyansa ang mga matang tumingin siya dito. “Maakit? Hindi ako katulad ng ibang mga babaeng ginagamit ang mga katawan para lamang makuha ang atensiyon ng lalaki,” siya naman ang nagpasada ng tingin sa kabuuan nito. “Hindi sapat ang mga maiikling shorts o skirts na iyan para makuha ang atensiyon nila. Hindi porket halos hubad ka na sa mga suot mo ay maaakit mo na sila.”
Tumalim ang mga mata ng babae. “Ang kapal ng mukha mo,” puno ng galit na sabi nito. “Sa tingin mo ba hindi ko alam na isa ka rin sa mga gold digger na naghahabol ng kayamanan ni Christopher?”
“Kung iyan ang gusto mong isipin, wala na akong pakialam,” bumuntong-hininga siya para kalmahin ang sarili. “Hindi ko kailangang ipaliwanag ang sarili ko sa kahit kanino.”
“You sure have a lot of brass,” napaismid pa ito. “Sigurado akong hindi magtatagal at maghihiwalay din kayo.”
Natigilan siya sa sinabi nito. Nilamon ng matinding sakit ang puso niya sa kaisipang iyon. Maghihiwalay sila ni Christopher? Hindi. Hindi niya papayagan na mangyari ‘yon. Hindi maaari.
Naputol ang daloy ng isipan niya nang marinig ang pagtawag sa pangalan niya. Agad siyang napalingon kay Christopher na nakatayo na sa likod niya. Kumunot ang noo nito pagkakita sa babaeng kaharap niya.
“Camille, anong ginagawa mo dito?” tanong nito sa babae.
“Gusto sana kitang imibitahang lumabas,” direktang sagot ng Camille na iyon, para bang wala itong pakialam kahit naroroon siya.
Higit pang lumapit sa kanya si Christopher at ipinulupot ang isang kamay sa baywang niya. “Papayagan ba ako ng asawa kong lumabas?” tanong nito at malambing na hinalikan ang buhok niya.
Napangiti siya at hindi na napigilang yakapin ito ng buo. Tumingala siya at pinakatitigan ang guwapo nitong mukha. Yumuko naman ito at sinalubong ang titig niya. Wala na siyang pakialam sa kung anumang reaksiyon mayroon ang Camille na iyon. Gusto niyang ipakita dito na pagma-may-ari niya na si Christopher.
“I’ve missed you,” bulong niya dito.
Kumislap ang mga mata ni Christopher sa sinabi niya. Gumuhit ang isang pilyong ngiti sa mga labi nito. “Wala na akong gagawin, baby. Gusto mo na bang umuwi?”
Napatingin sila kay Camille nang marinig ang mahinang pagmumura nito pagkatapos ay nag-walk-out na ito paalis. Pagbalik niya nang tingin kay Christopher ay nakita niyang nakatitig ulit ito sa kanya, there was hunger in his eyes now.
Bahagya siyang lumayo dito. “Wala ka ng gagawin?” ulit niya sa sinabi nito kanina.
Mabilis naman itong tumango.
Sumulyap siya sa pinto ng opisina nito. “We need to talk,” sabi niya at nauna nang pumasok sa loob. Sumunod lang naman ito.
Pagkapasok nila ay dumiretso ito sa table nito at ipinatong doon ang kanina pang hawak na folders pagkatapos ay muli itong bumalik sa kanya at hinila siya paupo sa sofa na naroroon. “Anong pag-uusapan natin?” tanong nito habang nilalaro ng mga daliri ang buhok niya.
Sinabi niya dito ang sinabi ng empleyadang kausap niya kanina. “Bakit lagi mo sinasabing wala ka ng gagawin dito?” pagalit niya dito.
Napapikit ito at napabuntong-hininga. “Maliit na problema lang naman iyon, baby,” muli itong nagmulat. “Huwag ka ng mag-alala.”
“Hindi,” umiling siya. “Ayokong maging dahilan ng pagkakaroon mo ng problema sa trabaho, Christopher.”
“You’re not,” ngumiti ito at inilapit ang mukha sa kanya. “Say my name again,” utos nito, mula sa kawalan.
Napailing na lang ulit siya. “Ayoko nga,” tanggi niya pa.
Tumawa ito. “I love you, Rachel Leigh,” puno ng pagmamahal na wika nito.
Tumalon ang puso niya sa sinabi nito. Hindi niya na naman napigilan ang mapangiti na parang bata na napansin ng first crush nito. Marahan niyang hinampas ang braso nito. “I love you more,” bulong niya.
His smile broadened and leaned in to kiss her. Bago pa nito mailapat ang mga labi sa kanya ay bahagya siyang lumayo dito. Kumunot ang noo nito at tinangka ulit siyang halikan subalit muli na naman siyang lumayo. Nakita niya ang pagsibol ng inis sa mga mata nito.
Then he cupped her face with his both hands and captured her lips for a hot desirable kiss. Hindi niya na napigilan ang sariling tugunin ang halik nito. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanila, hindi niya alam kung hanggang kailan niya maitatago dito ang mga bagay patungkol sa sarili niyang hindi nito alam. Ang mahalaga sa ngayon ay kasama niya ito at pareho silang masaya sa piling ng bawat isa. Iyon na muna ang iisipin niya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon