Chapter 30.3

2.9K 37 1
                                        

DAHAN-DAHANG iminulat ni Rachel Leigh ang mga mata, hinang-hina pa rin ang pakiramdam niya subalit sinubukan niya pa ring igala ang paningin. Nasa loob siya ng isang hindi pamilyar na kuwarto. Kumunot pa ang noo niya nang makita ang dextrose na nakakabit sa kaliwang kamay niya. Anong nangyari sa kanya?
Ipinikit niya ang mga mata at agad na bumalik sa alaala niya ang pangyayari sa pagitan nila ni Christopher, ganoon na rin ni Anthony. Mabilis siyang nagmulat at napabalikwas ng bangon. Napapiksi pa siya nang maramdaman ang mga kamay na dumantay sa balikat niya. Nakita niya ang sekretarya ni Christopher na si Liezl na hindi niya namalayang nakaupo pala sa upuang malapit sa kamang kinalalagakan niya.
“S-Si Christopher?” iyon kaagad ang unang tanong na pumasok sa isipan niya.
Iniiwas ni Liezl ang tingin sa kanya. “H-Hindi ko alam, Rachel. H-Hindi pa siya pumapasok sa opisina.”
“K-Kailangan ko siyang puntahan. K-Kailangan ko pang magpaliwanag sa kanya,” histerikal na wika niya. Akmang tatanggalin niya ang nakakabit na dextrose sa kamay niya pero napigilan siya ng babae.
“Mahina ka pa, Rachel Leigh,” ani Liezl. “Tatlong araw kang walang malay dahil sa taas ng lagnat mo.”
Nanlaki ang mga mata niya. Tatlong araw? Muli na namang namuo ang mga luha sa mga mata niya. “G-Gusto ko siyang makausap, Liezl. Gusto kong humingi ng tawad,” garalgal na wika niya.
May kalungkutan sa mga mata ni Liezl pero hindi naman ito sumagot. Napatingin na lang sila sa pinto ng kuwartong iyon nang pumasok ang asawa nitong si Matthew. May dala itong tray ng pagkain. Lumapit ito sa kanila at inilapag sa kama ang dala.
“M-Matthew, p-puwede ko bang makausap si Christopher?” tanong niya dito. “Parang awa mo na…”
Bumuntong-hininga si Matthew pero katulad din ni Liezl ay hindi ito sumagot. Sa halip ay tumingin ito sa isang parte ng kuwarto. Sinundan niya ang tingin nito at nakita ang ilang maletang nakalagay sa sulok ng kuwartong iyon. Natutop niya ang bibig nang maisip na gamit niya ang mga iyon. Napaiyak na siya ng tuluyan sa harap ng mga ito. Parang pinipiga ang puso niya dahil sa matinding sakit na nararamdaman.
“Sinubukan kong kausapin siya, Rachel,” narinig niyang wika ni Matthew. “Pero galit na galit siya. Maghintay tayo ng ilang araw o linggo, baka sakaling mabawasan ang galit niya at hayaan ka niyang magpaliwanag.”
Hindi niya na alam kung gumagana pa ba ang utak niya ng mga oras na iyon. Muli siyang bumalik sa pagkakahiga at ipinikit ang mga mata. Gusto niyang matulog, gusto niyang ipahinga ang pusong patuloy na naghihinagpis. Gusto niyang sandaling makatakas sa bangungot na ito.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon