NAGISING si Rachel Leigh isang umaga dahil sa pagtunog ng cell phone niyang nasa ibabaw ng bedside table. Napatingin siya sa kayakap na si Christopher, himbing pa rin ito sa pagtulog. Dahan-dahan niyang inalis ang pagkakayakap dito at maingat na umupo para kunin ang cell phone.
Tiningnan niya ang caller at kumunot pa ang noo nang makitang si Ciarrah iyon. Ano naman kayang kailangan nito ng agang-aga? Sinagot niya ang tawag. “Ciarrah,” bati niya dito.
Sumalubong sa kanya ang umiiyak na tinig nito. “A-Ate Rachel…”
Napuno ng kaba ang puso niya. “Ciarrah, Ciarrah, anong nangyari sa’yo? Bakit ka umiiyak?”
“A-Ate, t-tulungan mo ako,” garalgal ang tinig nito.
“C-Ciarrah, nasaan ka? Sabihin mo kung—”
Napatigil siya nang marinig ang pagpalit ng isang tinig. “Magandang umaga, Rachel Leigh. Naging maayos ba ang tulog mo? Ang tulog niyong mag-asawa?” puno ng pait na wika ni Anthony sa kabilang linya.
Bumalot ang matinding takot sa buong pagkatao niya nang mga oras na iyon. Sumulyap muna siya kay Christopher para masigurong tulog pa rin ito bago bumaba ng kama at pumasok sa loob ng banyo. “Hayop ka, Anthony,” mahinang mura niya dito. “Anong ginawa mo kay Ciarrah? Bakit pati ang batang walang kamalay-malay ay idinadamay mo?”
“Huwag kang mag-alala, hindi ko naman siya sasaktan,” wika ni Anthony. “Nalaman ko lang na malapit pala sa’yo ang batang ito kaya naisipan kong gamitin para magpakita ka sa akin. Alam mong ikaw ang kailangan ko, Rachel Leigh. Hindi masasaktan ang batang ito kung susunod ka at pupunta sa lugar kung saan huli tayong nagkita. Sa lugar kung saan natagpuang patay si Drake. Sa lugar kung saan ko kayo sinira niyang pinakamamahal mong asawa.”
Ipinikit niya ang mga mata at pinilit kalmahin ang sarili. Tanda niya ang lugar na iyon, ang lumang gusali na iyon. Kailangan niyang mag-isip ng matino at mag-desisyon ng tama. Kailangan niyang gawin ang lahat ng kailangang gawin para matapos na ang gulong ito.
“Sige, Anthony,” pagpayag niya, puno ng katatagan ang boses. “Pupunta ako diyan at palalayain mo na si Ciarrah.”
“Magaling. Ikaw lang ang pupunta dito, Rachel Leigh. Alam mo kung ano ang kaya kong gawin kapag sumuway ka,” iyon lang at tinapos na nito ang tawag.
Napasandal siya sa dingding ng banyo at napadausdos sa sahig. Mahina siyang napaiyak dahil sa sakit at takot na nararamdaman. Naririto na naman siya. Muli niya na namang haharapin ang isang parte ng nakaraan niyang patuloy na sumisira sa kanya. Kailangan niyang magpakatatag, kailangan niyang gawin ang lahat para maisa-ayos na ang lahat ng bagay sa paligid niya. Kailangan ng magbayad ng lahat ng dapat na magbayad.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...